May narecover na isang bangkay ng babae. Ito ang balitang pumasok noong Pebrero 21, pasado alas-4 ng hapon, pagdating namin sa komunidad ng mga nangangalakal ng basura sa 1B Harangan sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Isang araw na ang lumipas noon mula nang gumuho ang isang bahagi ng 150-ektaryang sanitary landfill sa katabing barangay na San Isidro. Pero ayon sa mga residente, walang agarang retrieval operation na inilulunsad ang local government ng Rodriguez. Sabi ng grupong Kadamay, tinatayang nasa 50 indibidwal pa ang nawawala.
“Tumatakbo ang oras. ‘Yung mga buhay na dapat naligtas ay hindi na naligtas. Dahil walang pagkilos yung barangay at LGU,” paliwanag ni Mimi Doringo ng Kadamay.
Hindi na raw ito ang unang beses na gumuho ang bundok ng basura sa Rodriguez. Nangyari na rin ito noong 2010, 2015, 2016, 2017, at 2021.
Mangangalakal
Pangangalakal o scavenging ang pangunahing hanapbuhay ng mga residente ng 1B Harangan. Dito, nakilala rin namin si Roel* at dalawa niyang anak na sina Jay*, 14, at si Karl*, 16.
“Araw-araw kami nangangalakal. Umiiyak ang araw kapag hindi kami nakakapangalakal,” saad ni Roel.
Paliwanag niya, kailangan nilang kumita ng higit isang libong piso kada araw para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Itong dalawa kong anak, huminto na sa pag-aaral dahil sa kahirapan. Dalawa po silang tumutulong sa akin na mangalakal,” saad niya.
Nasa sanitary landfill ang dalawang anak ni Roel nang gumuho ito noong Pebrero 20. Nakaligtas ang dalawa pero nagtamo ng sugat at bukol sa ilang bahagi ng katawan.

“Hindi ko po inaasahan ‘yung nangyari. ‘Yung unang guho, malawak. ‘Yung pangalawa, malalim at mabilis. Ang daming taong nadamay. ‘Yung iba sumisigaw na. Hinahanap yung mga kasama nila. ‘Yung iba galing pa sa malayo. Hinahanap ‘yung mga kamag-anak nila kasi nawawala, nalibing sa basura,” kwento ni Karl.
Nang tanungin namin kung ano ang pakiramdam niya. “Iniinda ko po ngayon ‘yung pananakit ng katawan,” sagot ni Karl.
Pakikipagsapalaran ni Roel sa siyudad
Lumaki sa probinsya si Roel. Nagbakasakali raw siya sa Quezon City dahil sa hirap ng buhay sa probinsya. Nauna na rin siyang mangalakal ng basura sa Payatas hanggang sa magsara ito. At saka sila napadpad sa Rodriguez.
“Marunong akong magtanim pero wala naman kaming lupain na mataniman. Kung mayroon sanang pagtataniman, hindi na ako mangangalakal. Sanay ako sa probinsya na magtanim,” saad ni Roel.
Maaari rin anila silang mapalayas sa 1B Harangan. Inaangkin daw ito ng kumpanyang New San Jose Builders.
Ngayon, nangangamba si Roel dahil posible raw matigil muna ang pangangalakal nila. Ito raw ang sabi ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS), ang namamahala sa sanitary landfill sa Rodriguez.
“Yun nga po ang problema namin. Sinasabi po ng ISWIMS na isang buwan na walang pasok, walang kalahig. Hindi pwedeng mangalakal. Patay. Anong pagkain natin niyan?”
Nanawagan si Roel sa gobyerno na tingnan naman sana ang kalagayan nila. Aniya, “kung walang kalakal, tulungan naman sana kami ng gobyerno.”
*Hindi nila tunay na pangalan

![May narecover na isang bangkay ng babae. Ito ang balitang pumasok noong Pebrero 21, pasado alas-4 ng hapon, pagdating namin sa komunidad ng mga nangangalakal ng basura sa 1B Harangan sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal. Isang araw na ang lumipas noon mula nang gumuho ang isang bahagi ng 150-ektaryang sanitary landfill sa katabing barangay […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2026/02/signal-2026-02-23-152537_004.jpeg)







