Tanggalan ng mga manggagawa sa BF Corporation
February 19, 2022

Dalawang buwan pa lang ang baby ng truck operator na si Christian Avila, pero problema niya ngayon ang pambili ng gatas at pagkain ng pamilya niya sa araw-araw.

Isa si Christian sa 17 manggagawang bigla na lang hindi pinapasok ng construction company na BF Corporation. Sa construction site ng LRT Common Station sa Quezon City nagtatrabaho si Christian.

Pagmamay-ari ni Marikina Rep. Bayani Fernando ang BF Corporation. Siya rin ang nagtatag at kasalukuyang presidente ng kumpanya.

Talagang sobrang hirap. Syempre naghahagilap ako ng trabaho pero sa ngayon, wala pa akong nakikita. Kaya talagang tiis-tiis muna kami. Halos araw-araw tuyo ang ulam,” kwento ni Christian.

Bago ang tanggalan, samu’t sari na ang paglabag ng kumpanya, ayon sa mga manggagawa. Ilan dito ang hindi pagbibigay sa kanila ng 13th month pay at mandatory benefits, kahit ilang beses na nila itong iginiit sa management.

Kaya naman, napilitan silang magsampa ng reklamo sa National Labor and Relations Commission (NLRC) noong unang linggo ng Enero.

Pero ang sagot ng management, hindi raw sila empleyado ng BF Corporation. “Pakyawan” daw ang sistema sa kumpanya kaya’t hindi sila makakuha ng 13th month pay at iba pang mga benepisyo.

Pinabulaanan ito ng mga manggagawa. Paano kami magiging pakyawan e hindi naman kami kumontrata ng trabaho,” sabi ni Christian.Kagaya ko, buong truck driver operator na minsan nasa manlift, kung ano-anong equipment hawak ko. Kapag nag-lift ba ako ng bakal, per bakal ang bayad sa’kin? Hindi po. Daily ang bayad sa’kin,” dagdag niya.

Lockout

Noong Enero 24, naghain ng request ang mga manggagawa sa Department of Labor and Employment (DOLE) para mag-inspeksyon sa construction site.

Pero kwento ng mga manggagawa, biglang may mga nakapaskil na abisong “Stop Work” sa construction site sa araw ng inspeksyon. Magsasagawa raw ng “disinfection” ang kumpanya sa loob ng dalawang araw.

Mismong ang labor inspector umano ang nagkomento na tila sinadya ng kumpanyang hindi papasukin ang mga manggagawa sa araw ng inspeksyon ng DOLE.

Pagdating ko dun wala talagang tao,” kwento ni Christian.Ilan lang ang na-interview ng inspektor, lima lang kami. Tinatago talaga ng opisina, at mali ‘yon. Kaya nila tinatago kasi maraming problema,” dagdag niya.

Nang sumunod na araw, hindi na makapasok sa construction site ang mga manggagawang nagsampa ng reklamo sa NLRC at DOLE. Binura na rin ang impormasyon nila sa biometric system sa construction site.

Tanggalan sa UE construction site

Noong Enero 14, “disinfection” din ang dinahilan ng kumpanya para hindi papasukin ang mahigit isandaang manggagawa sa isa pang construction site nito sa University of the East (UE) sa Maynila. Sa araw din na iyon nag-inspeksyon ang DOLE.

Katulad ng ginawa sa mga manggagawa sa LRT Common Station, bigla na lang hindi pinapasok ang ilang manggagawa rito matapos ang inspeksyon.

Ayon kay Raymond (hindi niya tunay na pangalan), dating assistant surveyor sa project site ng BF Corporation sa UE, karamihan sa mga hindi na pinapasok ay mga manggagawang naghain ng reklamo sa DOLE tungkol sa kalagayan nila.

Sinubukan po namin talagang magreklamo kasi nga po talagang hindi po matitigil ang ginagawa sa mga tao kung walang maglakas-loob na magreklamo,” aniya.

Mahigit dalawang linggo nang walang trabaho ang mahigit 500 manggagawa ng BF Corporation sa construction site ng UE dahil sa pagtigil ng operasyon nito.

Noong Pebrero 12, ilang oras naghintay si Raymond para makuha ang huling sahod sa kumpanya. Nang matanggap, kulang ang ibinigay na sahod. At tulad ng karanasan nila sa tatlong taon na pagtatrabaho sa project site, wala pa rin siyang natanggap na kopya ng payslip.

Paglabag sa labor standards

Sa inspeksyon ng DOLE sa dalawang construction site ng BF Corporation, nakitaan ng paglabag sa Philippine labor standards ang kumpanya, katulad ng kawalan ng employment record, underpayment ng sahod, hindi pagremit ng kontribusyon sa SSS, PhilHealth at PAG-IBIG, hindi pagbayad ng 13th month pay, overtime pay at holiday pay, at pagkalatas sa sahod ng mga manggagawa para sa kanilang uniporme at personal protective equipment.

Sa usapin naman ng occupational safety and health standards, nakitaan ng DOLE na walang nurse at clinic ang mga construction site na mahalaga sakaling magkaroon ng aksidente.

Marami pang nakuhang kontrata ang BF Corporation para itayo ang iba pang government projects gaya ng konstruksyon ng bagong football field at dorm sa University of the Philippines Diliman, bagong building ng National Institutes of Health ng UP Manila, training center ng University of Rizal System, at ilang bagong school buildings ng Department of Education.

Hindi tiyak ang mga manggagawang sina Christian at Raymond kung may mga paglabag din sa labor standards sa construction sites na ito.

Hindi namumulitika’

Kahit na nagsampa ng reklamo sa NLRC sila Christian at iba pang manggagawa laban sa BF Corporation, hindi na raw sila umaasa na makakabalik pa sa trabaho. Hiling na lang nila ang maibigay ang sahod at benepisyo na nararapat sa kanila.

Sana ay maibigay na sa amin ang mga ito kasi pinaghirapan namin ‘yun. Kami na nga ang nagpapakahirap para sa kanila, kami pa ang ninanakawan nila,” sabi ni Raymond.

Tatakbo bilang mayor ng Marikina si Rep. Fernando sa darating na halalan, at may mga akusasyong nagagamit daw ang mga manggagawa sa pamumulitika. Pero pinabulaanan ito ng mga manggagawa.

Kung kami po ay namumulitika, lumapit na po sana kami kay Mayor Marcy Teodoro, pero hindi namin ito ginawa,” sabi ni Christian. “Patuloy ang laban namin para mabigay yung hustisya sa aming mga manggagawa ng BF.”

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This