Tatalon sa kawalang-katiyakan

0
1277

Isa lang si Venus Peralta sa libu-libong nakatira sa Tatalon na nangangambang malapit na silang mapalayas sa kanilang mga tirahan.

Higit limang dekada nang nakatira si Venus Peralta, isang single mother, sa kanyang tahanan sa Cluster 12 ng Barangay Tatalon sa Quezon City. Pero ngayong 2022, nangangamba siya, pati na rin ang kanyang mga kapitbahay, na malapit na silang mapalayas sa kanilang mga tirahan.

Maliit lang ang bahay ni Venus sa Barangay Tatalon. Gaya ng maraming mga tahanan sa mga maralitang komunidad sa Kamaynilaan, gawa ito sa light materials kabilang ang tagpi-tagping kahoy, yero, at tarpaulin. Para pagandahin, gumawa si Venus ng isang maliit na halamanan sa tapat ng kanyang bahay.

Dating bahagi ng Caloocan City ang Barangay Tatalon. Sa bisa ng Commonwealth Act 502, isinama ang lugar sa nasasakupan ng Quezon City noong 1939. Isang malawak na talahiban ang malaking bahagi ng Barangay Tatalon, na may sukat na higit 25 ektarya, nang gawin itong housing project noong 1977 ni dating diktador Ferdinand Marcos Sr.

Batay sa Presidential Decree No. 1261 na inilabas ni Marcos Sr., ilalaan ang “Tatalon Estate Housing Project” para sa mga pamilyang nakatira na sa nasabing lugar, partikular ang mga mahihirap na pamilya.

Halos limang dekada matapos simulan ang housing project, aabot na sa higit 55,000 ang residenteng naninirahan sa Barangay Tatalon, batay sa 2020 Census ng Philippine Statistics Authority.

Hangganan ng pangako

Ayon sa mga residente ng Barangay Tatalon, sa nagdaang mga buwan, nagsimula na silang makatanggap ng mga notice of demolition mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, kahit pa may hawak na silang mga titulo mula sa Tatalon Estate Housing Project.

Paliwanag daw ng mga otoridad sa kanila, may hangganan pala ang bisa ng nasabing mga titulo.

“Sinasabi na in-award ni President Marcos Sr. ang Tatalon, pero ang nakasulat sa kontrata 35 years lang, pero 50 to 60 years na sila nakatira rito. Ibig sabihin, anytime na kailanganin ng gobyerno ang lupa, maaari talagang paalisin,” sabi ni Venus.

Noong Setyembre 5, nagmartsa ang mga maralita mula sa iba’t ibang komundad sa Quezon City mula Lung Center tungong Quezon City Hall para igiit sa lokal na pamahalaan na huwag silang paalisin sa kanilang mga tahanan.

Umabot sa 300 maralita mula sa Sitio San Roque, Brgy. Payatas, Brgy. Commonwealth, at Brgy. Tatalon ang nangalampag sa opisina ni Mayor Joy Belmonte para magkaroon ng dayalogo hinggil sa pabahay at iba pang usapin gaya ng demolisyon, serbisyo, at ayuda.

‘Pabahay ay karapatan’

Kasapi si Venus ng Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan o PLM sa Tatalon, ang organisasyong binuo ng mga residente sa barangay para sama-samang igiit sa pamahalaan ang kanilang kahilingan sa programang pabahay. Binuo ang samahan dahil sa posibilidad na magkaroon ng malawakang eviction sa kanilang barangay.

Layon ng PLM na makamit ang disente at abot-kayang pabahay ‘di lamang para sa mga residente ng Barangay Tatalon ngunit pati na rin sa lahat ng Pilipinong walang sariling tirahan.

“Kaya kami nagkakaisa kasi gusto namin ay dito na rin kami mabigyan sa in-city housing ng local government dahil narito sa Tatalon ang hanapbuhay namin, ang mga anak namin dito nag-aaral. Kung ang mga anak namin makapag-asawa, dito rin maghahanapbuhay. Kaya kung ililipat kami, dislokasyon ng buhay namin iyon,” ani Venus.

Noong nagdaang election season daw, nagkaroon ng mga paunang usap sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang ilan sa mga residente ng Tatalon. Pinangakuan sila ng in-city na relocation site. Noong September 19, nagkaroon muli ng dayalogo sa pagitan ng PLM – Tatalon at representante ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD) ng Quezon City. Pero hanggang ngayon, wala pa rin daw kongkretong bunga ang nasabing mga pag-uusap.

Panawagan ng PLM, dapat maging magkaagapay ang lokal at pambansang pamahalaan sa pagsasaayos ng mga programang pabahay.

Pero ayon sa Makabayan Coalition sa Kongreso, tila hindi prayoridad ng administrasyon ni Marcos Jr. ang pabahay. Litaw ito sa panukalang 2023 budget, kung saan P2.5 billion lang ang nakalaan para sa programang pabahay – wala pa sa isang porsyento ng kabuuang badyet para sa imprastraktura. Sa pondong ito, aabot lang sa 3,571 low-cost housing units ang kayang ipatayo, malayo sa 6.8 million na housing backlogs ng gobyerno.Kahit ganito ang lagay, magpapatuloy pa rin daw ang mga residente ng Barangay Tatalon sa paggiit sa disenteng pabahay.

“Ang panawagan namin sa pamahalaan, sana ay bigyan ng diin ang hinihiling namin na disente, abot-kaya, at makamasang pabahay. Ito ang buhay namin, huwag kaming paalisin, suportahan nila kami,” diin ni Venus.###

 

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.