Trahedya sa mina, Apex panagutin
February 20, 2024

Ni NEIL AMBION
Pinoy Weekly

Umabot na sa 98 bangkay ang nahukay mula sa landslide sa Maco, Davao de Oro. Pinangangambahan ding wala nang nakaligtas sa siyam pang nawawalang biktima ng pagguho ng lupa sa tabi ng minahan ng Apex Mining Co. Inc.

Natabunan ng mahigit 33 metrong kapal ng lupa (katumbas ng limang palapag na gusali) ang nasa siyam na ektaryang bahagi ng Brgy. Masara sa kasagsagan ng malakas na ulan noong gabi ng Peb. 6.

Karamihan sa mga biktima, mga minero ng Apex na noo’y nasa terminal ng bus pauwi mula sa trabaho, at kanilang mga pamilya na nakatira sa mga transient house sa naturang barangay.

Pansamantalang inilibing sa isang mass grave ang 18 na ‘di pa nakikilalang bangkay.

“Nasa puting cadaver bags ang mga labi, nalinisan na pero hindi inembalsamo dahil sa konsiderasyong panrelihiyon. Bawat bag ay markado ng case number para madaling kilalanin kung kailanganing hukayin,” sabi ni Leah Añora ng Management of the Dead and the Missing ng bayan ng Maco.

Nasa 1,500 pamilya o 5,378 indibiduwal ang nawalan ng tirahan dahil sa landslide at nakasiksik ngayon sa mga evacuation center sa katabing bayan ng Mawab.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Davao de Oro, ito na ang pinakamalalang trahedya sa probinsya sa nakalipas na 10 taon, matapos ang pananalasa ng Bagyong Pablo noong 2012.

Manman Dejeto/MindaNews

Sinisi ng Mines and Geosciences Bureau Region 11 (MGB 11) ang kalikasan sa nangyaring trahedya. Dahilan daw ng landslide ang tarik ng bundok, malambot na lupa, at malakas na ulan.

Wala pa mang masusing imbestigasyon, inabsuwelto na ni MGB 11 Chief Geologist Beverly Brebante ang kompanya ng pagmimina ng bilyonaryong si Enrique Razon Jr.

“‘Yung active mine, malayo siya sa site, at one kilometer south of the landslide area,” aniya.

Hindi rin ipinatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng Apex dahil sa labas naman nito nangyari ang landslide. Karapatan na raw ng kompanya na magdesisyon kung boluntaryong ihihinto ang operasyon.

Pero 40 minutong lakad lang ang pinangyarihan ng landslide mula sa minahan ng Apex kung titingnan sa Google Maps, ayon sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).

“Depende sa tagal at tindi ng operasyon ng pagmimina, at iba pang dahilan, maaaring umabot ang epekto ng pagmimina sa mga lugar na malayo sa aktuwal nitong operasyon,” ani CTUHR deputy director Kamz Deligente.

Dalawang beses nang naunang nagka-landslide sa Masara noong 2007 at 2008.

‘No-build zone’

Hindi na pababalikin ni Davao de Oro Gov. Dorothy Gonzaga ang mga residente ng Masara dahil deklarado aniyang “no-build zone” ang lugar matapos ang landslide noong 2008, na ikinasawi ng 24 katao.

Pero kung bawal magtayo ng bahay ang mga residente, bakit pinayagang magtayo ng pasilidad at mag-operate ang minahan?

Ayon sa Panalipdan, organisasyon ng mga environmentalist sa Mindanao, maaari talagang mangyari ang landslide kahit wala ang minahan ng Apex dahil sa katangian ng Masara. Pero dahil lubhang mapanganib na aktibidad ang pagmimina, hindi anila ito dapat pinapayagan mag-operate malapit sa mga “environmentally critical” na lugar.

Sa isang pag-aaral ng International Research Journal of Engineering and Technology (IRJET) noong 2020, lumalabas na 50% ng mga nangyayaring landslide ay dulot ng pagmimina na open-pit, underground at quarry, mga sistemang ginagamit sa operasyon ng Apex.

Kahit sa ulat ng Economic Assessment and Ore Reserve Estimation ng Maco Epithermal Gold Deposits noong 2021, pag-aaral na kinomisyon mismo ng Apex, nakitang maraming panganib at bulnerabilidad sa Davao de Oro, kabilang ang mga landslide.

Itinuturing na Type 4 sa Modified Corona Classification (panukat sa dami ng ulan) ang Davao de Oro. Ibig sabihin, tuloy-tuloy na umuulan sa probinsya lalo na mula Nobyembre hanggang Pebrero, na maaaring makapagpaguho sa lupa nito.

Madalas din ang paglindol sa lugar dahil nasa ibabaw ang Masara ng isang fault line.

“Simula’t sapul hindi na dapat binigyan ng permiso ang Apex Mining na magka-operasyon sa lugar na ito,” sabi ni Atty. Mark Peñalver, executive director ng Interfacing Development Interventions for Sustainability (IDIS).

Kung totoo namang “responsible mining” ang ginagawa ng Apex Mining, hindi na dapat ito nagtuloy ng operasyon sa isang mapanganib na lugar kahit gaano kalaki ang tinatayang kikitain ayon sa Panalipdan.

“Sa kabila ng pagiging landslide-prone at flood-prone ng rehiyon, pinayagan pa rin ng mga lokal at pambansang awtoridad na mag-operate ang mga minahan,” sabi pa ng grupo.

Manman Dejeto/MindaNews

Apat na dekada nang nagmimina ng ginto at pilak ang Apex sa Maco. Noong 2022, nakapagtala ito ng P3.34 bilyong kita, na ayon sa Panalipdan ay nagmula sa pagkawasak ng kalikasan at sa pawis at dugo ng lokal na komunidad. Sa unang siyam na buwan lang ng 2023, nasa P2.3 bilyon ang naitala nitong kita.

Noong 2016, ipinasuspinde ni dating DENR Secretary Gina Lopez ang operasyon ng Apex Mining dahil sa banta nitong panganib sa nakapaligid na komunidad at kalikasan.

Matagal nang tinututulan ng mga taga-Maco at mga grupong makakalikasan at makamanggagawa ang large-scale at open-pit na operasyon ng pagmimina ng Apex. Pero imbis na dinggin, karahasan ang naging tugon sa kanila.

Noong 2014, pinatay ng hinihinalang mga sundalo si Marcelo Monterona, aktibistang makakalikasan na nanguna sa laban para bigyang danyos ng Apex ang mga residenteng nasalanta ng Bagyong Pablo.

“Kaming mga Lumad, nauunawaan namin mula sa direktang karanasan na ang mga isyu at ang pagkakaroon ng kalamidad at sakuna, large-scale na pagmimina, at militarisasyon ay hindi mapaghihiwalay,” sabi ni Lala Empong, tagapangulo ng indigenous peoples rights group na Sabokahan Youth.

Imbestigahan, panagutin

Nananawagan ngayon ang ilang opisyal ng gobyerno at iba’t ibang grupo na imbestigahan at panagutin ang Apex Mining sa nangyaring trahedya.

Sa Kongreso, naghain ng House Resolution 1587 sina Gabriela Women’s Partylist at House Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel para imbestigahan ang trahedya at ang pagbasura ng nakaraang administrasyong Duterte sa siyam na taong pagbabawal sa mga mga bagong kasunduan sa pagmimina.

Para sa Kilusang Mayo Uno, dapat silipin din ang mga paglabag ng Apex sa karapatan at kaligtasan ng mga manggagawa.

“Kailangang tanungin: Paano pinangangalagaan ng kompanya ang manggagawang papasok, habang at pauwi mula sa trabaho?” sabi ni KMU secretary general Jerome Adonis.

“Mayroon ba itong programa sa emergency response preparedness? Paano nito ipinatupad ang risk assessment protocols, at ano-ano ang mga ginagawa nitong hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa tuwing may matinding sama ng panahon,” tanong naman ni Nadia de Leon, executive director ng Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD).

Ayon sa CTUHR, nakatanggap din sila ng mga ulat ng samu’t saring paglabag ng Apex sa mga batas paggawa gaya ng sobra-sobrang oras ng trabaho, pagtangging sumunod sa health and safety standards, at iba pang paglabag sa karapatan sa paggawa.

Para sa Panalipdan, dapat magsilbing panggising kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nangyaring trahedya sa Masara para magdeklara ng Nationwide Climate Emergency para maipatupad ang mga inisyatiba para sa sustainable development.

Nanawagan din ito sa DENR na suspendihin ang operasyon ng Apex Mining habang nirerebyu ang mga estratehiya nito sa environmental mitigation.

Sabi naman ni Peñalver, dapat kasama sa pagpapatupad ng “no-build zone” ang pagbabawal sa pagpapalawak ng mga pasilidad ng minahan para maprotektahan ang mga residente at mabawasan ang posibleng panganib.

Malinaw ang mensahe ng mga makakalikasan, makamanggagawa at ng mga residente ng Maco, dapat nang matigil ang mapaminsalang pagmimina sa Davao de Oro at iba pang bahagi ng bansa.

Hindi matutumbasan ng ginto ang buhay ng bawat Pilipino.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

Silang umaasa sa pasada

Silang umaasa sa pasada

Kristen Nicole Ranario, Ma. Emmylou SolidumPinoy Weekly Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This