Tuloy ang protesta para sa makataong modernisasyon
January 18, 2024

Ni STELLA MAE MARCOS at JUSTINE JANNAH TAGUIBAO
Pinoy Weekly

Walang tigil ang protesta at panawagan ng mga drayber at opereytor para sa  sa makatarungang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa kabila ng nakaambang pagturing sa mga tradisyonal na jeepney bilang kolorum pagdating ng Peb. 1, kasunod ng deadline sa konsolidasyon ng prangkisa noong Dis. 31.

Pinangunahan ng Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela), ang kilos-protesta nitong Ene. 16, sa mula University of the Philippines sa Diliman hanggang Welcome Rotonda sa hangganan ng Quezon City at Maynila matapos pigilan ng pulisya ang martsa ng mga grupo patungong Mendiola.

Makatarungang modernisasyon

Matagal nang dinidiin ng mga grupo ng mga tsuper at opereytor na hindi sila tutol sa modernization program, ang tinututulan nila ay ang maling pamamaraan nito.

“Ang atin lang bakit kailangan nilang bawiin iyong aming prangkisa, o bakit kailangan namin pumasok sa korporasyon, at kailangan naming bumuo ng kooperatiba? Bakit kailangan namin bumili ng ubod na kamamahal na sasakyan? Bakit kailangan namin matanggalan ng karapatan sa sarili naming pagmamay-ari?” ani Piston president Mody Floranda.

Piston president Mody Floranda. Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

Ayon sa University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS) Alternative Development Program, ang mga drayber at opereytor ang papasan sa gastos sa pagbili ng modernong jeepney nang pamahalaan na nagkakahalaga mula P1.6 milyon hanggang P2.8 milyon.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Ene. 10, pinunto ni 1 Rider Party list Rep. Bonifacio Bosita ang kahirapan na mararanasan ng drayber at komyuter sa PUVMP.

“Based on Landbank computation, ang monthly na dapat na [mailabas ng drayber] per unit, more than P40,000 [kada buwan]. Hindi pa kasama d’yan ‘yong fuel, facilities, cooperative management, maintenance, and other mandatory expenses,” ani Bosita, patungkol sa babayaran ng tsuper sa isang P2.8 milyon unit ng modern [jeepney] na may 6% interest na bubunuin ng pitong taon.

Dagdag ni Bosita, na maaaring aabot sa P7,000 ang dapat kitain ng driver kada araw para mabayaran ang modern jeepney, kasama na P1,000 hanggang P2,000 na kailangan iuwi ng drayber para sa pantustos sa pamilya.

Sa implementasyon ng PUVMP, ang pamasahe ay inaasahang aabot ng P40 hanggang P50, na papasanin ng 28.5 milyong pasahero na karaniwan ay mga mag-aaral at manggagawa at empleyadong ‘di sapat ang sinasahod.

Matagal nang iminumungkahi ng mga grupo ang rehabilitasyon na hindi kinakailangan bumili ng “ubod na kamamahal” na sasakyan. Giit ng Piston, kayang mag-comply ng mga drayber na palitan ng mas maayos na makina ang mga jeepney upang pumasok sa 2.5% emission na “standard” ng Clean Air Act.

Kaugnay din ng suhestiyon ang pagsuporta ng gobyerno sa mga gawang Pinoy na modernized jeepney tulad ng sa Francisco Motors at Sarao Motors na nagkakahalaga ng P600,000 hanggang P980,000 kada unit higit na mababa kumpara sa “nilalakong” mini bus ng gobyerno mula sa China at Japan.

“Halos pitong taon na ang pakikipaglaban natin sa PUV Modernization Program. Hindi sariling bansa natin ang makikinabang dito kundi ang mga negosyanteng dayuhan na nagbebenta ng mga mamahaling mini bus sa atin,” dagdag ni Floranda kaugnay sa iginigiit na programa na ang makikinabang lang umano ay malalaking negosyante pamilya tulad ng mga Sy at Villar.

Sambayanan ang paglingkuran

Nag-uumpisa pa lang ang martsa nang hinarang pulisya ang hanay ng tsuper, opereytor at progresibong grupo sa Welcome Rotonda kaya hindi natuloy ang martsa patungong Mendiola.

“Hindi ko maintindihan kung bakit hinaharangan tayo ng mga pulis. Ang sinasahod naman nila galing sa napakataas na halaga ng buwis natin na kailangang bayaran kasabay ng mataas din na presyo ng langis at mga bilihin. Sipsip lang sila sa mga boss nila,” pahayag ng drayber na si Elmer Cordero, sa gitna ng programa sa kahabaan ng Rotonda.

Pagharang ng pulisya sa martsa ng mga tsuper, opereytor at komyuter sa Welcome Rotonda. Stella Mae Marcos/Pinoy Weekly

Kasama ng mga tsuper at opereytor ang mga komyuter na nakikiisa sa laban sa kontra-mamamayang PUVMP.

“Kakaawa ang mga komyuter. Pagpalagay nating P30 [ang pamasahe], magkano baon [ng estudyante], 150? Kung dalawang sakay ka pa, P120 na agad dalawang balikan. Anong mabibili [ng estudyante] sa P30 [na sukli]?,” sentimyento ni Jason ng Manibela.

Ayon sa Ibon Foundation, hindi tiyak na mapapanatili ang mababang pamasahe na ipinapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nagtitiis lang sa mababang pamasahe ang mga drayber at opereytor dahil sa nagbabadyang kawalan ng kabuhayan, higit kung mapapasailalim sila ng kontrol ng korporasyon.

“Hindi ito makatao, maraming mawawalan ng hanap buhay dito,” ani Pelagio Luzares, isang opereytor at miyembro ng Piston na nanawagan sa makatarungan implementasyon ng PUVMP.

Magtutuloy-tuloy ang protesta ng mga jeepney driver, opereytor at komyuter at hindi ito matatapos sa Ene. 31 hanggang sa pakinggan sila ng Korte Suprema at gobyerno. Patuloy silang humihikayat sa mga jeepney drayber, opereytor at komyuter na makibaka para sa makataong PUVMP at makatarungnang transisyon.

Binigyang-diin ng mga transport group ang kahalagahan ng pagkakaisa at kolektibong aksiyon ng mamamayan para sa mga karapatan at pangangailangan sa sektor ng transportasyon.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

CHR: Red-tagging among threats to press freedom

Red-tagging remains among the most prevalent threats to press freedom that also include violence against journalists and the media in the Philippines, the Commission on Human Rights (CHR) reported. In his keynote speech at the opening of the historic 1st Philippine...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This