ni Michelle Mabingnay
Pinoy Weekly
Hinaras ng mga elemento ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang secretary general ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) na si Paul John “PJ” Dizon nitong Nobyembre 13.
Ayon sa ulat ng KMU-SMR, dinalaw ng mga tauhan ng NTF-Elcac ang bahay ni Dizon para takutin at kumbinsihin itong “sumurender” sa awtoridad para “linisin” ang kanyang pangalan. Pinagbantaan pang sasampahan ng kasong kriminal ang unyonista kung hindi ito makikipagtulungan.
Nitong nakaraang taon, kasama rin si Dizon sa mga organisador at aktibista sa Davao na makailang ulit na ni-red-tag ng isang Facebook page.
Kinondena ng KMU ang panibagong insidente ng harassment sa hanay ng mga unyonista at manggagawa. Sinabi ng sentrong unyon na “walang nagiging pagbabago at lalo pang tumitinding ang pambabalasubas ng gobyerno at mga armadong [puwersa] nito sa kalayaan sa pag-uunyon at pag-oorganisa.”
Nagkaroon ng High-Level Tripartite Mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO) noong Enero kung saan inimbestigahan ang mga kaso ng pagpaslang, pag-aresto, paniniktik, red-tagging at iba pang atake sa kilusang paggawa. Sa kabila nito, nagpapatuloy ang paglabag sa karapatan ng mga organisador at manggagawa sa pangunguna ng NTF-Elcac, pulisya at militar.
Nitong Setyembre 29, pinagbabaril ang beteranong unyonistang si Jude Thaddeus Fernandez sa kanyang tirahan sa Binangonan, Rizal. Siya ang ikaapat na biktima ng karahasan sa mga lider-manggagawa matapos ang HLTM ng ILO. Samantala, kaliwa’t kanan pa rin ang mga naitalang kaso ng harassment sa mga lider ng KMU sa iba’t ibang rehiyon nitong nakaraang buwan.
Nananawagan ngayon ang KMU-SMR na panagutin ang NTF-Elcac at iba pang pwersa ng estado sa patuloy na pag-atake nito sa mga manggagawang nag-oorganisa para isulong ang kanilang karapatan.