ni Michael Bartolome
Isa akong organisador ng Kadamay, isang grupo ng mga maralitang lungsod. Hinuli ako at ang aking asawa, si Cora Agovida ng Gabriela-Metro Manila, sa aming tahanan sa Maynila noong Oktubre 2019. Kinasuhan kami batay sa tinanim na ebidensiya.
Nakulong kaming mag-asawa nang mahigit dalawang taon sa Manila City Jail at lumaya nang ipanalo ang kaso. Aktibo ako ngayong nangangampanya para sa pagtanggol ng karapatan ng mga maralita.
Nais kong ibahagi ang naging karanasan namin sa kulungan, at sisimulan ko ito sa paglatag ng mga salitang ginagamit sa loob ng mundong ito.
Kosa/Kasama: Karaniwang tawagan ng mga inmate (Persons Deprived of Liberty o PDL) sa kapwa niya kapangkat.
Pangkat: Samahan ng inmates sa loob ng kulungan. May apat na pangkat akong naabutan na nagpaparamihan ng kasapi.
Kalugares/Kalugar: Tawagan ng mga PDL kung nagkakilala sa piitan at nakatira sa parehong lugar.
Diga: Anunsyo na binibigay madalas ng mga bantay sa gate/pinto at lecturer ng dorm.
Botchaw: Tawag sa PDL na matakaw dahil hingi nang hingi ng pagkain.
Buryong: Nabubugnot o nalulungkot; may iba’t ibang katangian ang pagkaburyong ng mga PDL.
Symbol: Kapag narinig mo, ibig sabihin ay may pulong kung sino mang pangkat ang nagdiga nito.
Boyon: Comfort room o palikuran sa selda.
Boyonero: PDL na tagabantay sa palikuran o CR, kaya ang tawag sa kanila ay boyonero.
Sumarya: Kapag may usapin o kasalanan ang isang PDL, nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga namumuno ng kanilang pangkat.
Boracay: Isa itong lugar na iniiwasan ng mga PDL dahil isa itong kanal na naglalaman ng dumi ng tao, at lilinisin o susulungin nila ito para tanggalin ang mga dumi o bara.
Saklong: Isa itong pamamaraan para bigyan ng brigada o pangkat ng trabaho ang isang PDL, mas madalas sa mga “bagito” o mga walang kakayanang magbayad sa namumuno.
Bagsak: Butaw o bayad na binibigay ng PDL sa pangkat. Lingguhan ang “bagsak” ng bawat isa. Depende sa pangkat ang singil. Halimbawa may “bagsak” na tatlong piso kada linggo pero dahil walang pambayad ang karamihan ng mga PDL, naiipon ito. Kung hindi mabayaran ng PDL, bibigyan siya ng “saklong” o trabaho sa brigada or dorm bilang tagalinis.
Kubol: Lugar kung saan natutulog o nagpapahinga ang mga PDL.
Baldejo: General cleaning.
Balls: Katawagan sa mga gallon ng mineral water.
Pahiyang: Sinasabi ng isang PDL kung siya ay bababa sa posisyon o binababa siya ng kanyang pangkat. Ang ibig sabihin nito ay “Pahinga Ka Muna”.
Mahinarya: Gawain ng isang PDL (night guard) na nagbabantay sa mga tulog na PDL sa loob ng dorm. Siya ang nagbabantay sa mga kasama niya kung may nababangungot, irerekord bawat oras kung may bumabangon, at kung may ginagawa na iba ang isang PDL habang tulog ang lahat. Siya rin ang nagtatago ng mahahalagang bagay ng mga kasama niya.
Empleyado: Tawag ng mga PDL sa BJMP.
Fall-In/Fallen: Paraan para pumila ng lima-lima ang mga PDL at saka sila bibilangin ng empleyado.
Bateng-teng: Ito ang bell sa loob ng kulungan. Ginagamit ito o pinapalo tuwing magfall in/ fallen o magbibilangan sa loob ng dorm ang mga empleyado. Kaya’t kapag narinig na ng mga PDL ang bateng-teng, agad silang papasok sa kanilang dorm o brigada.
Layo, Laya: Kung ang PDL ay nasentensyahan na (guilty) o laya siya (not guilty).
Plok-Plok: Ito ay isang uri ng sakit na hindi ka makatayo, makalakad at wala kang lakas. Karaniwan itong sakit sa loob ng kulungan.
Lost Talk: Ang ibig sabihin ay “hindi totoo”.
Walang Gupe: Tawag sa PDL na tila hindi mahirap ang sitwasyon dahil masarap at marami palagi ang pagkain.
Lampesa: Paglilinis gamit ang basahan o basang basahan tuwing pagkatapos ng baha kaya magkakaroon ng lampesa. Lilinisin o lilimasin ang tubig o baha.
Labor: Sila ang naglilinis at nagwawalis sa loob ng dorm.
Grupo: Nagwawalis at naglilinis ng mga kanal sa labas ng dorm o brigade
Bale: Marami kang dahilan o katwiran pero huli ka na sa pagsisinungaling o hindi pagsasabi ng totoo.
Donut: Tawag sa LGBT sa loob ng kulungan
TC (Therapeutic Community Modality): Isang regular na aktibidad ng mga PDL mula Lunes hanggang Biyernes. Ginaganap ito tuwing umaga, ang kakabisaduhin mo rito ang TC Layunin, uulit-ulitin ito, at sa dulong bahagi ng programa ay kakanta o sasayaw ang mga PDL.
Good Morning Family: Ito ang sinasabi kapag may TC (Therapeutic Community Modality) o kapag may pulong ang mga empleyado at PDL. Bago magsimula, may magsasabing “Good Morning Family”.
Heater: Gawa sa dalawang lata na pinipit at tinupi na korteng parisukat, ginagamit ito para sa pagpapakulo ng tubig. Lalagyan ito ng wire para hindi magdidikit ang dalawang lata.
Katol: Lutuan na kinuha ng PDL mula sa katol ng rice cooker at/o yung coil ng electric stove na ginawan ng patungan na semento. Madalas ay grounded ito kaya’t pwedeng makuryente ang nagluluto.
Rancho: Rasyon ng pagkain na binibigay sa mga PDL.
Retoke: Kapag niluto ulit ang rancho o rasyon na binibigay sa PDL dahil hindi masarap ang pagkakaluto o hindi maganda ang pagkakaluto.
Kasalo/Karancho/Karanching: Kasama ng isang PDL sa pagkain. Pwedeng marami o kaunti lang ang kasamang kumain. Sa karanasan ko, apat ang naging kasalo ko sa kulungan.
Mayor-In-Charge: Siya ang namumuno kada pangkat.
Ranking: Ito ang namumuno sa buong dorm o brigada.
Hepe: Mga nanunungkulan sa dorm or brigada kaya’t may mga hepe tulad ng Medicine, ALS, Paralegal, Kulturero, Gater,Labor/Grupo, Ranchero, Rosary, Coordinator at Boyonero.
Mayores: Siya ang namumuno sa buong dorm o pangkat
Mayor: Siya ang ikalawang namumuno naman sa pangkat o dorm
Mayora: Namumuno sa loob ng kulungan ng mga babae.
Pangkalahatan: Mga namumuno o opisyal ng pangkat ng mga PDL.
Abay-abay: Isang termino para sa “epal” o nakikisawsaw kahit hindi naman kasali. Galing ito sa salitang “pasabay-sabay”. Halimbawa, lumalahok sa basketbol kahit hindi naman kasali sa laro.
Paratingan: May ipaparating ang isang PDL o pangkat dahil may usapin na kailangang ayusin.
Magna Carta: Mga dapat at hindi dapat gawin ng isang PDL/ pangkat sa kanilang kapwa PDL at pangkat. Bagamat may patakaran at karapatan ang PDL na gawa ng empleyado, hindi naman ipinapatupad ito.
Kasulatan: Isang PDL na may kasulatan sa kababaihan/ female dorm, na pinapadala ng isang PDL sa kapwa niya PDL. May isang lugar na drop post ng sulat galing sa Male Dorm papuntang Female Dorm. Aplikable ito sa mga may asawa at kasintahan, at gusto magkaroon ng kasintahan.
Bawas Tao: Babawasan ang mga tao sa labas ng selda kapag may kaguluhan.
Speaking Line: Tawag ng mga PDL kung may nililigawan siya sa kababaihan na PDL din gamit ang payphone sa loob ng kulungan.
Guerrero: Tawag ng mga PDL noon sa panahong puro away at kaguluhan ang ginagawa sa loob ng kulungan.
Lock of Time: Sinasabi ng mga PDL kapag naubos ang oras na kakahintay nila ng kanilang hearing. Madalas itong nangyayari dahil sa sobrang dami ng kaso sa kanilang branch o korte habang ilang kaso lang ang pwedeng dinggin ng korte.
Reset: Isa rin sa mga problema na kinakaharap ng mga PDL kapag narereset ang kanilang hearing. Matutuloy ang hearing pero tumatagal pa ang iskedyul ng ilang buwan o minsan pa nga taon. Minsan, kahit ma-resked ito ay hindi pa rin matutuloy.
WDS (welfare development section): May hawak sa ALS, Livelihood, sponsor services.
Infirmary: Health center sa loob ng kulungan. Ang tawag dito ng mga PDL ay “infirm-matay”, dahil may mga PDL na kapag na-confine ay hindi na madalas gumagaling dahil walang doktor at kulang ang mga gamit nito.
Labas Dalaw: Madalas sinasabi kapag tapos na ang dalaw. Sinisigaw ito sa loob ng dorm o brigada ng gater/PDL. Hanggang 4pm lang ang dalaw.
GCTA (Good Conduct Time Allowance): Pamamaraan ng empleyado para umiksi ang sentensya ng PDL. Ito ay may kategorya at may puntos.
Sentence Served: Natapos ang sentensya ng isang PDL at pwede na siya lumaya.
Meron-meron o may sapi (sinasapian): Tawag sa mga PDL na may mental health condition. Hindi sila binibigyan ng mga saklong o trabaho sa loob ng dorm o brigada. Pinapakilala sila sa TC o kapag naka-fall-in; ang ginagawa ng mga Medicine dito na kapwa-PDL din ay araw-araw na dinadala sa infirmary para painumin ng pampakalma.
Ka-Asunto: Kasama ng PDL sa kaso niya.
Namamaril: Pamamaraan ng isang PDL na manghingi ng pagkain kaya ang tawag ng PDL ay namaril o namamaril.
Tarima: Sinasabi ng mga PDL kung saang lugar ka natutulog.
Kolonya: Lugar o kulungan din. Dito kinukulong ang mga sentensyado na aabot ng 10 taon o mas higit pa.
LRT: Ang tawag sa 2nd floor na mahabang pasilyo ay LRT, na tulugan din ng mga PDL maliban pa sa kubol at pasilyo sa baba.
Palit-Tao: Sinasabi ng mga PDL kapag nagpalitan na ng mga empleyado
Pondohan: Isang lugar o pwesto ng mga pangkat. Kung may hinahanap na kapwa-PDL, ang sasabihin ay puntahan dun sa “pondohan nila”.
Skalawag: Tawag sa mga PDL na may sariling diskarte para magkaroon ng pera. Sila rin ang mga PDL na hindi pumapaloob sa naging usapan ng kanilang pangkat.
Bahay: Sinasabi ng mga PDL na may pangkat. May dorm o brigada ang mga pangkat o tinatawag nila na bahay ng kanilang pangkat. Hindi dapat maghalo ang may pangkat sa ibang pangkat.
Bastonero: PDL na tumutulong sa pag-aayos ng paglilinis kapag may baldejo o general cleaning sa loob ng dorm o brigada.
Bagong Commit: Tawag sa mga bagong PDL na kakapasok lang ng City Jail na galing sa iba’t ibang kulungan o presinto.
Escort: Mga PDL na nagbabantay sa kanilang mga VIP, Execon, at mga nanunungkulan ng kanilang pangkat. Sila rin ang mga humahawi sa dadaanan para makadaan ang kanilang PDL na binabantayan.
Conjugal na kubol: Kubol na pagmamay-ari ng pangkat. Madalas itong pinaparentahan kapag walang dalaw.
Bonakid: Batang may laban, PDL na “laban na laban” ayaw patalo.
Pala-pala: Tawag sa PDL na pala desisyon, pala utos, at pakialamera.
Homeboys: Tawag sa mga lesbian sa female dorm
Kulturero: Nag-aayos ng bilang ng jail population sa loob ng dorm/brigada. Siya rin ang gumagabay sa empleyado kapag bilangan na sa fall-in. Siya rin ang nag-aayos ng mga gamit na bibilhin ng dorm/PDL para sa bagong commit o bagong alta galing sa quarantine.
Close confine: Kapag ang isang PDL ay nagkaroon ng indulto at may desisyong hindi sya pwedeng lumabas sa kanyang dorm, selda o brigada.









