‘Balatkayong serbisyo’: Planong aktibidad ng Task Force Ugnay, inalmahan ng mga magsasaka ng Lupang Ramos
March 4, 2024

Sa pusod ng syudad ng Dasmariñas, Cavite, matutunton ang 372-ektaryang Lupang Ramos, isang lupaing mahigit isang siglo nang iginigiit ng mga magsasakang mapasakanila.

Mula sa mga Kastilang prayle, mga Amerikano, hanggang sa pamilya ng negosyanteng si Emerito Ramos, Sr., nagpalipat-lipat sa maraming kamay ang pag-aari ng Lupang Ramos, pero hindi kailanman ito naipamahagi sa mga magsasakang nagbubungkal nito.

Kasalukuyang nakabinbin ang petisyon ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform para masaklaw ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang lupain. Sagot ito sa pagdadahilan ng pamilya Ramos na “exempted” ang lupain sa CARP dahil “residential subdivision” daw ito, at hindi bukirin.

“Ang sabi ng mga Ramos, subdivision daw ang Lupang Ramos. May pangalan pa nga daw – Traveler’s Life Homes Subdivision. Pero kahit anong ikot ang gawin dito sa amin, hindi mahahagilap ‘yang Traveler’s Life Homes kasi hindi naman ‘yan totoo,” paliwanag ni Miriam Villanueva, magsasaka at opisyal ng organisasyong KASAMA-Lupang Ramos.

“May tatlong taon na rin naming inaabangan ang desisyon sa petisyon namin. At sa nagdaang mga taon na ‘yun, hindi na kami tinigilan ng iba’t ibang porma ng harassment,” dagdag ni Miriam.

Kwento niya, marami sa mga magsasakang kasama nila sa kampanya para maipamahagi ang Lupang Ramos ang nakararanas ng iba’t ibang porma ng intimidasyon, paniniktik, red-tagging, at iba pang porma ng atake.

Isa sa pinakamatining na porma ng atake ngayon: ang tangkang panghihimasok ng mga elemento ng militar at pulis sa kanilang lugar sa tabing ng “medical mission.”

Serbisyo o militarisasyon?

Nakapronta sa nasabing tangka ang “Task Force Ugnay,” na binubuo ng pinagsamang pwersa ng 2nd Civil Military Operation Battalion sa ilalim ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army at ng Philippine National Police Regional Office Calabarzon.
“Pinatawag ako sa barangay namin at gusto daw akong kausapin nitong Task Force Ugnay. Ang sab isa akin doon, gusto daw nila mag-medical mission saka tulungan ang mga tao magka-birth certificate. Pero ang gusto nila, sa mismong Lupang Ramos gawin,” kwento ni Bayani Tapawan, pangulo ng KASAMA-Lupang Ramos.

Para sa mga magsasaka ng Lupang Ramos, maaaring balatkayo lang ang sinasabing medical mission para magbigay-daan sa lansakang pagpasok ng militar at pulis sa lupaing kanilang sinasaka.

“Hindi ako pumayag sa proposal nilang dito sa Lupang Ramos mismo gawin ang aktibidad nila, kasi marami na kaming nabalitaan dito sa aming rehiyon na kapag nagpapatawag ng ganyan – medical mission, seminar, o kung ano pa – biglang pipilitin ang mga tao na pumirma sa kasulatang ‘rebel surrenderee’ daw sila. Ayaw ko namang mangyari sa amin ‘yun,” paliwanag ni Bayani.

Ganito rin ang pananaw ni Miriam.

“Parang nakakapagduda kasi. Kung talagang wala silang hidden agenda, bakit hindi namin tatanggapin ‘yung mga ganun? Kung ang nag-facilitate ng medical mission na ‘yun ay ang barangay, bakit kami hindi papayag? E bakit sundalo?” tanong niya.

Sa nagdaang mga taon, samu’t saring ulat na rin hindi lang ng mga magsasaka kundi pati mga manggagawa sa Timog Katagalugan ang kumalat hinggil sa mga kilos ng Task Force Ugnay.

Sa House Resolution No. 344 na ihinain ng mga mambabatas sa ilalim ng Makabayan Coalition sa Kongreso noong 2022, inilahad ang paulit-ulit na pagbisita ng mga nagpapakilalang kasapi ng Task Force Ugnay sa mga bahay at opisina ng mga manggagawa sa Laguna, Cavite, at iba pang bahagi ng rehiyon.

Sa nasabing pagdalaw, tinatanong ng mga unipormadong sundalo at pulis ang mga manggagawa kung konektado ba sila sa mga grupong gaya ng Kilusang Mayo Uno at kung balak ba nilang magkasa ng welga.

“Kaya nga hindi talaga kami pumayag sa medical mission ng Task Force Ugnay. Sabi ko sa kanila, pwede namang Department of Health na lang ang magsagawa niyan, o kaya sa may barangay hall na lang gawin at hindi dito sa mismong sakahan,” diin ni Bayani.

Paglabag sa karapatang pantao

Paliwanag ng abogadong si Abigail Aman ng Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA), matuturing na paglabag sa karapatang pantao ang paglapit ng Task Force Ugnay sa mga magsasaka at manggagawa at tangkang magsagawa ng mga aktibidad sa kanilang mga lugar paggawa at mga bukid.

“Ginagamit nila itong supposedly na social services para maniktik, sa kaso ng Lupang Ramos, sa mga lehitimong residente at mga magsasaka na ilang taon nang nakikipaglaban para sa lupa. Kumbaga imbes na ibigay sa kanila ‘yung lupang hinahangad nila e minimilitarisa sila, nireredtag sila bilang rebelde diumano, na hindi naman talaga – mga simpleng magsasaka silang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupa,” paliwanag ni Aman.

Diin niya, may karapatan ang anumang komunidad na tanggihan kahit pa socio-civic program gaya ng medical mission na nais ilunsad sa kanilang lugar.

“Pwede nilang irehistro yung kanilang pagtutol sa pamamagitan ng pagrerehistro nito sa barangay, tapos siyempre maging ano rin sila kumbaga, panindigan din nila yung ganoong stand nila na hindi talaga sila papayag sa ganoong activities.”

Dagdag ni Aman, bagama’t maraming ligal na pamamaraan para ihabla ang mga nagsasagawa ng paniniktik at pananakot sa tabing ng serbisyo publiko, susi pa rin ang ibayong pagkakaisa.

“Kaya naman napigilan ang pagpasok ng Task Force Ugnay sa Lupang Ramos ay dahil nanindigan sila. Ganito rin dapat ang gawin ng mga komunidad na nasa peligro ng militarisasyon – kung magiging mahigpit ang paninindigan, kakayaning pigilan ang ganitong mga tangka.”

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This