Ni ANACLETO ODIVER
Pinoy Weekly
Sa Pacific Partnership 2024-2 na bahagi ng Balikatan Exercises 2024 sa lalawigan ng Albay mula Ago. 2-14, inihahanda ng United States (US) Indo-Pacific Command ang mga Pilipino, lalo na ang mga Bikolano, sa imperyalistang digma ng US laban sa China, ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Bikol.
Sa pagharap sa mga midya sa Kapehang Bayan noong Ago. 9, nilinaw ni Jen Nagrampa, tagapangulo ng Bayan-Bikol, panakip-butas lang sa paghatak ng US sa Pilipinas sa digmaan laban sa karibal nitong China ang Balikatan Exercises sa Legazpi City, Albay sa pormang humanitarian mission.
“Bahagi ito ng estratehiyang militar na ilihis ang ating diwa sa US proxy war at gawing katanggap-tanggap ang presensiya ng dayuhang militar lalong-lalo na ang mga tropang militar ng Kano sa ating bayan,” wika ni Nagrampa.
Ikinabahala ng Bayan-Bikol ang banta ng karahasan dahil sa papalawak at paparaming presensiya ng mga sundalong Amerikano sa Bikol at sa buong bansa. Inilalagay din umano nito sa panganib ang seguridad at karapatan ng mamamayan.
“Kahit sa kasaysayan, kinakasangkapan ng mayayamang bansa ang giyera, kung kaya ang posibilidad ng digmaan ay laging nariyan at hindi rin malayong mangyari ito sa atin. Tingnan na lamang natin ang nangyayari sa mga Palestino, malaki ang bilang ng namamatay, nawawalan ng buhay at kabuhayan dahil sa digmaan,” dagdag ni Nagrampa.
Nitong Hul. 30, dumaong ang barkong pandigma ng US Navy, ang USNS City of Bismarck (T-EPF 9) sakay ang aabot sa 220 dayuhang tropang militar sa Legazpi City Port.
Dumaong naman ang ROKS II Chui Bong (LST-688), ang barkong pandigma ng South Korea, noong Ago. 2 sa Tabaco City Port. May matagal nang alyansang militar ang South Korea sa US na tumutulong sa bawat digmaan nito mula pa noong Vietnam War.
Kalahok din ang tropang militar mula sa United Kingdom, Australia at Japan sa isang Balikatan Humanitarian Response para umano sa disaster response at medikal na tulong sa Albay ngayong taon.
“Sa pagsanib puwersa nito sa mga bansang South Korea, Australia at Japan, sinasamantala lamang ng US ang sigalot sa West Philippine Sea (WPS) para kumamal ng malaking tubo,” ani Nelsy Rodriguez, tagapagsalita ng Bayan-Camarines Sur.
Malinaw din ang tindig ng Bayan-Bikol at iba pang progresibong grupo sa rehiyon na dapat tutulan din ang panghihimasok ng China sa bansa.
“Ang kontradiksyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS ay usapin ng maritime dispute ngunit nanganganib ang pambansang soberanya ng bansa sa pakikisabwatan ng rehimeng Marcos Jr. sa US,” dagdag ni Rodriguez.
Pinag-aagawan ng China at US ang kontrol sa WPS dahil sa napakalaking ekonomiyang pakinabang. Dumadaan sa WPS ang aabot sa $5 trilyon halaga ng pandaigdigang kalakalan taon-taon.
Ayon sa Department of Energy, tinatayang aabot sa 12.158 billion cubic feet ng reserbang natural gas at 6.203 million barrels ng reserbang langis ang nasa exclusive economic zone ng Pilipinas sa WPS.
Sabi ni Nagrampa, walang totoong pag-unlad at seguridad ang mamamayan sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. dahil sa patuloy nitong pangangayupapa sa mga dikta ng US.
Nanawagan din ang Bayan-Bikol na ibasura na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement, Visiting Forces Agreement at iba pang ‘di pantay na kasunduan ng US at Pilipinas na nagdudulot lang ng kapahamakan sa mamamayang Pilipino.