Buhay sa Navotas fish port
April 16, 2022

Mga mangingisdang nagtatangal ng plastik. Isa-isang nakabalot ang mga isda habang nasa laot para mapanatiling presko ang huli. Lahat ng litrato sa sanaysay ay kay Francis Villabroza.

Alas-diyes na ng tangahali nang dumating ako sa palengke ng Navotas Fish Port Complex. Nakita ko agad na marami pa ring isdang hindi pa nabibili. Ayon sa ilang manggagawang nakausap ko, hindi pa bumabalik ang dating sigla ng fish port sa antas bago ang pandemya. Karaniwan, libo-libong fish buyer ang dumadayo doon. Nakalinya ang mga banyerang puno ng iba’t ibang isda gaya ng imelda, bangus, dalagang bukid, talakitok , cream dory, sapsap, dorado, at blue marlin. Marami rin lamang-dagat na tinitinda gaya ng tahong at pusit.

Isa sa mga lagum.

Kung ikukumpara sa buong port, maliit lang na bahagi ang palengke. Sa Navotas Fish Port matatagpuan rin ang mga cold storage facilities, canneries, at planta para sa pagproseso ng isda. Mayroon ring imbakan ng langis, gasolinahan, at baradero sa fish port complex.

Litrato ni Francis Villabroza.

Bilang pinakamalaking fish port sa bansa, isa rin ito sa pinakamalaki sa Asya. Aabot sa 70 porsiyento ng suplay ng isda sa Metro Manila ay nagmumula dito. Hindi nakagugulat dahil nasa 15 hanggang 20 komersyal na fishing vessel ang nagdidiskarga ng produkto araw-araw, na aabot sa mahigit 300 tonelada ng isda at iba pang lamang-dagat.

Daan papasok sa palengke.

Magtatanghali na noon pero abala pa rin ang mga manggagawa sa trabaho mula sa consignasyon – mga gusaling pinagdadalhan ng isdang ibebenta –   hanggang dalampasigan. Bukod sa mga mangingisda, andun  rin ang mga fish broker,  fish buyer, fish vendor, kargador, batilyo at mga lagum. Lahat  sila ay nag-aambag para sa maayos na pag-iral ng port.

Sa consignasyon, madalas makikita ang mga fish broker na nakaupo sa isang gilid, sa tapat ng maliit na  mesa. Abala sila sa pag-aayos ng resibo, sa pagkwenta gamit ang simpleng calculator, at pakikipagtawaran sa mga nagtitinda at sa mga mamimili ng isda.

Sa port, madaling makilala ang mga buyer – madalas maayos, malinis ang kasuotan at naka-sapatos o nakabota. Karamihan ay mga buyer para sa malalaking restawran o supermarket. Marami rin sa kanila ang namili ng isda para itinda sa palengke. Bultuhan sila kung bumili ng isda at iba pang lamang-dagat.

Sina Aling Salvacion at Aling Herminia.

Bagamat karamihan ng buyer ay namimili ng banye-banyerang isda, may ilan na pang alsada lang ang puhunan. Sina Aling Salvacion, 53, at  Aling Herminia, 64,  sa halip na sa consignasyon ay sa dalampasigan naghintay ng isda. Dahil maliit ang kapital, umaasa sila sa mga sobrang paninda ng mga mangingisda. Binibili nila ang mga tirang isda para ilako sa komunidad. Tanging mga plastic bag at maliit na pantimbang ang gamit nila sa pagtitinda sa mga barangay.

Sa daan patungo sa baybay dagat, maraming nakapwestong mga fish vendor. Gaya sa palengke, sa kanila makabibili ng paisa-isang kilo, o kalahating kilo pa nga. Nakita ko rin ang maraming lalaking pabalik-balik sa kosta at sa consignasyon bitbit ang mga banyerang gawa sa aluminum. Sila ang mga lagum at mga kargador.

Si Rogie.

Hubad  at malaki ang katawan, si Rogie, 34, ay isang lagum.   Alas-dos ng umaga pa lang nasa port na siya para magtrabaho para may maiuwing pagkain para sa kanyang asawa at tatlong anak. Mahirap ang trabaho dahil aabot ng 30 hanggang 50 kilo(depende sa isda o lamang-dagat) ang bigat ng bawat banyera. Madulas din ang tiles na sahig ng port. Ani Rogie, ito daw ang dahilan kung bakit mas gusto niya maglakad ng nakayapak  kahit pa mabato at madumi ang daanan. Mabigat ang gawain ng mga lagum, pero nasa P20 hanggang P30 lang ang kinikita niya sa kada banyera.

Si Ace.

Sa gilid ng dagat, nakausap ko si Ace, 15,  isa ring lagum. Sunog ang balat, payat, pero maaliwalas ang kanyang mukha. Kahirapan ang nagtulak kay Ace na pasukin ang paglalagum sa kabila ng kanyang murang edad. Nakapag-aral naman daw siya hanggang Grade 5. Gusto pa sana niyang magpatuloy, pero kinailangan na niyang magtrabaho para alalayan ang ina na mag-isang bumubuhay sa kanilang apat na magkakapatid. Dahil sa kanyang edad, nakapapasok siya bilang lagum sa mga kakilalang mangingisda lang.

Kumpara sa lagum, mas maayos ang kalagayan ng mga kargador na bagamat mga kontraktwal, ay tumatanggap ng minimum na sahod mula sa kompanya. Sila ang mga nagkakarga ng yelo sa mga refrigerated truck ng malalaking fish distributors. Mas maayos rin ang kanilang kasuotan kabilang ang puting bota.

Pero hindi lahat ng kargador ay namamasukan sa kompanya. Ang ilan ay nagkakarga ng mga binanyerang yelo sa halagang P25-P30. Sila ang mga on-call na kargador.

Sa kabilang dulo ng palengke, naabutan ko ang isang grupo ng kababaihan sa isang gilid ng fish port, nakaupo sa bangkito katabi ng banyera ng tahong. Matiyaga nilang tinatanggalan ng sisi ang mga tahong gamit ang maliit na kutsilyo. Sila ang mga tinatawag na batilyo. Dahil nangangailangan ng tiyaga at husay ng galaw ng kamay, madalas na mga kababaihan ang kinukuha bilang batilyo.  Ayon sa kanila, P50 kada banyera ang bayad sa gawaing ito.

Habang kumukuha ako ng mga larawan sa dalampasigan, isang mangingisdang nakaupo sa maliit na bangka ang nagtanong sa akin, “Para saan ang kinikuha mong litrato?” Nang malaman niya na para sa isang artikulo sa pahayagan hinggil sa fish port, agad na siyang nagkwento.

Si Felicito, 46-anyos, mangingisda at residente ng Navotas ay tatlong dekada nang nangingisda sa Manila Bay. Sa pamamagitan ng pangingisda, natutugunan niya ang pangangailangan ng tatlong anak at asawa.  Ayon sa kanya, humina ang huling isda dahil sa pagtabon ng lupa sa dagat ng Taliptip, Bulakan. Dagdag niya pa, itinataboy rin sila ng mga sundalo palayo sa mayamang bahaging ito ng Manila Bay.

Si Felicito.

Isang 2,500 ektaryang proyektong reklamasyon para tayuan ng aerotropolis ng San Miguel Corporation sa Taliptip, Bulakan  ang tinutukoy ni Felicito.

Bagamat napatunayan na sa maraming pagkakataon na malaking pinsala sa kapaligiran at kabuhayan ang dulot ng mga proyektong reclamation, pinahihintulutan at hinihikayat pa nga ito ng pamahalaan.

Si Felicito.

Dapdap, Taliptip, 2022.

Taong 2018, aabot sa P281.652 bilyon ang halagang ipinasok ng mga mangingisdang tulad ni Mang Felicito sa ekonomiya. Sa kabila ng pagiging ika-11 bansa na may pinakamalaking ambag sa dami ng huling isda sa dagat, nananatiling ikalawa sa pinakamahirap sa Pilipinas ang sektor ng pangingisda, pumapangalawa lang sa sektor ng pagsasaka.

Sa gilid ng dalampasigan.

Mayaman ang ating pangisdaan, masipag ang mga mangingisda, pero gaya ng sambayanang Pilipino, nananatiling silang hirap at salat sa oportunidad.

Sa labas ng palengke ng Navotas fish port.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This