FACT CHECK: Kritisismo ni VP Robredo sa ‘war on drugs’, dahilan ng pagdadalawang-isip ng investors na mamuhunan sa bansa?
April 12, 2022

Muling kumakalat sa social media ang isang Facebook video na in-upload noong Enero 16, 2022 na may thumbnail na nagsasabing “Leni Robredo, ipinahiya sa mga investors ng isang CEO”.

Sa video, makikita ang talumpati ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chair Andrea Domingo na tumagal nang mahigit sa apat na minuto. Ipinapaliwanag ni Domingo sa kanyang talumpati na “siniraan ang ating bansa at mga Pilipino” ni Bise Presidente Leni Robredo dahil sa kritisismo niya laban sa sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga. Sinabi pa ni Domingo na hindi mapapatawad ang kritisismo ni Robredo dahil maaari nitong mapigilan ang mga investor na mamuhunan sa bansa.

Bahagi ang video ng footage ng pagbubukas ng ASEAN Gaming Summit na isinagawa noong Marso 2017 sa Conrad Manila at dinaluhan ng mahigit sa 300 delegado mula sa gaming industry ng Asya.

Ang tinutukoy ni Domingo sa kanyang talumpati ay ang isang video ng pahayag ni Robredo sa isang side session ng 60th Commission on Narcotic Drugs na isinagawa ilang araw bago ang ASEAN Gaming Summit. Sa nasabing video address, ipinahayag ni Robredo ang kanyang pagtutol sa extrajudicial killings na dulot ng kampanya laban sa iligal na droga ng administrasyong Duterte.

ANG SABI-SABI:

Kritisismo ni VP Robredo sa ‘war on drugs’, dahilan ng pagdadalawang-isip ng investors na mamuhunan sa Pilipinas

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Walang basehan ang mga komento ni Domingo sa kritisismong ibinigay ni Robredo tungkol sa mga patayan kaugnay ng ‘gera kontra droga.’ Bago pa man lumabas ang video address ni Robredo, inilathala na ng Forbes noong Enero 2017 ang artikulong, “How Philippine President Duterte’s Anti-Drug Killings Will Stunt Economic Growth.” Laman nito ang pahayag ng American Chamber of Commerce in Manila na nagsasabing nakakabahala ang isyu ng extrajudicial killings at kampanya kontra droga. Maaari pa raw nitong maapektuhan ang tiwala ng mga Amerikanong negosyante na mamuhunan sa bansa. Ipinapakita lamang nito na hindi masisisi ang kritisismo ni Robredo sa pagkawala ng kumpiyansa ng investors sa bansa. Sa katunayan, ang paglabnaw ng kumpyansa ng mga dayuhang namumuhunan ay mauugnay mismo sa ‘gera kontra droga’ at sa karahasang dala nito.

Ang mga pagpatay dahil sa kampanya kontra droga ay dokumentado at kasalukuyan ring parte ng isang imbestigasyon ng International Criminal Court.

BAKIT KAILANGAN I-FACT CHECK:

Pinapalabas sa nasabing Facebook video na ang kritisismo ni Robredo sa drug war ay hindi kinakailangan at naging dahilan pa para umiwas ang mga posibleng investors sa bansa, kahit na ipinapakita sa mga naitalang kaso na aabot na sa 30,000 ang napaslang sa mga operasyong kaugnay ng drug war.

Disimpormasyong maituturing ang pagsisi sa bise presidente kung bakit humina ang kumpyansa ng investors sa bansa, isang sabi-sabi na ginawa kahit na maraming dayuhang grupo na ng mga negosyante ang nagsabing ‘war on drugs’ ang pangunahing rason sa kanilang pagdadalawang-isip na mag-invest sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang pinutol na Facebook video ng talumpati ng PAGCOR Chair ay mayroon nang 115,000 views, 25,000 reactions, 21,000 shares at 2,900 na komento. – Vanessa Adolfo at Jamaica Marciano

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

Read more

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This