HINDI TOTOO: Lahat ng mga aklat sa kasaysayan na inilathala sa panahon ng administrasyong Cory Aquino ay purong paninira sa mga Marcos

0
397

Noong Mayo 15, ang YouTube channel na “Filipino Future” ay gumawa ng post sa kanilang community tab, kung saan sinasabi nila na lahat ng aklat sa kasaysayan sa Pilipinas na inilathala noong administrasyon ni Corazon Aquino ay “mali-mali” dahil umano ang mga “naratibo” ng mga libro ay sa kalakhan, mga paninira sa mga Marcos at pumapabor sa mga Aquino.

Diniin ng ‘Filipino Future’ na nagsagawa sila ng fact-check sa kolumnista at historian na si Ambeth Ocampo dahil sa artikulo niya sa Philippine Daily Inquirer na tumalakay sa “kahalagahan ng mga library sa pagpreserba ng mga material source tungkol sa pag-aaral noong panahon ng Martial Law.”

Ang post ay nagpatuloy sa pag-akusa na ang administrasyong Aquino ay nagtapon at “nagsunog” sa lahat ng mga libro at iba pang historical references na isinulat noong panahon ng diktaduryang Marcos, at naglathala ng mga bagong libro na pabor kay Aquino at lumikha ng hindi kanais-nais na imahe para kay Marcos Sr.

Iginiit din sa post na ang mga tagasuporta ni Ferdinand Marcos Jr. ay hindi nagbabaluktot ng kasaysayan para paboran ang mga Marcos kundi para ilabas ang “tamang bersyon” ng kasaysayan kasunod ng pagmamanipula ng kasaysayan ng yumaong Corazon Aquino.

ANG SABI-SABI:

Ang lahat ng mga history books na inilathala noong administrasyon ni Cory Aquino ay purong paninira sa imahe ng mga Marcos

MARKA:

HINDI TOTOO

ANG KATOTOHANAN:

Walang patunay na makakasuporta sa akusasyon na binago ni Corazon Aquino at ng kanyang administrasyon ang mga historical account at naglathala ng alternatibong mga aklat sa kasaysayan ng Pilipinas upang pagandahin ang imahe ng kanyang administrasyon at siraan ang naunang administrasyon.

Salungat sa sabi-sabi, may mga naiulat na kaso ng “historical distortion” kamakailan lamang. Isang halimbawa nito ang pagpuna sa Department of Education ng mga grupong pinangungunahan ni Sen. Risa Hontiveros dahil sa paglabas ng dalawang textbook na ginagamit sa mga paaralan na diumano ay “pinagtatakpan ang mga karahasan na naganap noong Martial Law.” Sa isang pahayag, binanggit ni Hontiveros ang na ang textbook na ‘Pilipinas: Bansang Papaunlad’ ay tumatalakay sa kasaysayan ng bansa hanggang 1946 lamang at walang detalye tungkol sa Pilipinas noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng digital forensic researcher na si Pauline Macaraeg, noon pang 2011 ay ang mga Marcos na talaga ang nangunguna sa pagpapalaganap ng historical distortion at propaganda sa Internet at maging sa telebisyon. Ang mga gawa-gawang kwento tulad ng Marcos pre-presidency wealth, Tallano Gold, at Yamashita Gold, ay kumalat nang walang tigil sa Internet mula 2014 hanggang 2022. Sa tulong ng mga Marcos loyalist at partisan pages, ang mga maling impormasyon sa social media ay lalong lumakas, at nagbigay-daan para muling makapanumbalik sa poder ang mga Marcos.

Inihayag din sa mga pag-aaral na si Marcos Jr. ang pinakanakinabang sa online na disimpormasyon at pekeng balita noong eleksyong 2022.

BAKIT KAILANGAN I-FACT CHECK:

Ipinakita sa mga pag-aaral na ang paggamit ng networked propaganda, social media manipulation, pagpapalaganap ng disimpormasyon, at pag-atake sa media at oposisyon sa pamamagitan ng red-tagging at iba pang paninira, ay nakapag-ambag sa pagpapanumbalik ng pamilyang Marcos sa kapangyarihan.

Ang post ay mayroon nang 3,100 likes, at 262 comments sa YouTube. Ang nasabing YouTube channel ay mayroong 372,000 subscribers, at 180 videos. Ang nasabing channel ay naglalaman ng mga video na kalakhan ay tungkol sa mga Marcos. – Rome Medina at Neil Dizon

Bahagi ang Altermidya Network ng #FactsFirstPH, na pinagsasama-sama ang iba’t ibang sektor na nakatuon sa pagtataguyod ng katotohanan sa pampublikong espasyo, at paghingi ng pananagutan sa mga nananakit dito sa pamamagitan ng kasinungalingan. Para sa mga interesadong sumali sa inisyatiba, mag-email sa info@factsfirst.ph.

Magbasa ng iba pang artikulo rito:

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.