Ni Donna Mae Delfin at Jenny Rose Flores
Mas mahirap maging maliit na negosyante sa Pilipinas kaysa sa ibang bansa sa rehiyon.
Ito ang hinaing ng mga negosyante, lokal na prodyuser, konsiyumer, at policymakers sa isang konsultasyon tungkol sa taas ng singil ng kuryente at epekto nito sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSME)Â noong Agosto 8 sa Quezon City.
Kinumpara ni Joy Cerrafon, presidente ng Negosyo Advocates, ang pagnenegosyo sa Pilipinas at sa isa sa mga kalapit nitong bansa tulad ng Thailand.Â
Aniya, mas malaki ang gastos sa kuryente sa Pilipinas na nasa PhP12 per kilowatt hour (kWh) kumpara sa Thailand na nasa PhP5 per kWh lang. Bunsod nito, nasa 58 porsiyento ang pagtaas sa kita ng maliliit na negosyo sa Thailand (PhP475,000) kumpara, halimbawa, sa Pilipinas (PhP300,000).
Samantala, iniuugat ang mataas na singil sa kuryente sa Pilipinas sa deregulasyon at pagsasapribado ng industriya ng kuryente sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001.
Sa bisa ng batas na ito, isinailalim sa restructuring at privatization ang industriya ng kuryente para ipakilala ang kompetisyon at pribadong pamumuhunan dito. Dahil naging monopolyo sa industriya ang pribadong kompanya ng kuryente, mabilis na tumaas ang singil dito sa bansa, na nakaaapekto sa mga negosyo at mamimili.
Ibinahagi naman ni Chef Gerry Abadilla, may-ari at chief operating officer ng Laiya Gourmet, ang dagdag umanong hirap sa paglalakad ng papeles para sa mga negosyante tulad ng pagbabayad sa Social Security System (SSS) at buwis sa Bureau of Intenal Revenue (BIR).
“Dahil maliit akong negosyante, may interes akong binayaran. Napakahigpit po ng SSS, grabe po. Madelay lang yung contribution mo, meron kang interes na babayaran. Andyan pa po ang BIR. May mga iba iba pang requirements depende pa po sa LGU,” kuwento niya,
Para naman kay Carol Thor, general manager at may-ari ng Enlightened Enterprise, maliliit na mga negosyo ang pinahihirapan ng sistema, hindi ang malalaking korporasyon.
“Hindi naman (ito) nae-experience ng large corporations because they can hedge with long-term power supply agreements. We cannot. Shortening operating hours, using generators just to survive brownouts, with no local subsidy to fall back on. ‘Pag brownout, stop ang gawa namin,” paliwanag pa niya.
Habang maliliit na negosyo ang napipilitang magbawas ng operating hours at gumastos para lang makaraos sa mataas na singil sa kuryente at mga brownout, patuloy namang lumalaki ang yaman ng iilang pinakamayayaman sa bansa.Â
Ayon sa IBON Foundation, si Enrique Razon Jr. ang kauna-unahang Filipino trillionaire noong 2026, na may tinatayang yaman na PhP1.1-Trilyon. At ang Top isang porsiyento ng populasyon ng bansa ang kumokontrol sa PhP17.9-T na halos triple umano ng yaman ng higit 50 porsiyento ng mahihirap sa bansa.
Para sa grupo, malinaw na umiiral ang matinding konsentrasyon ng yaman kasabay ng malawak na pangangailangang panlipunan at pangkabuhayan ng mga Pilipino.
Samantala, sinabi ni Amihan Mabalay, tagapagsalita ng SUKI Network, na mahalaga ang universal access sa kuryente bilang bahagi ng layunin ng Sustainable Development Goal 7.Â
Aniya, napipilitang gumamit ng jumper ang ilang residente sa maralitang komunidad dahil hindi sila pinahihintulutang magkaroon ng sariling metro bunsod ng panganib ng sunog sa mga lugar na dikit-dikit ang mga bahay.
Ibinahagi rin ni Mabalay na noong 2001, nasa PhP4.87 kada kWh ang singil sa kuryente at PhP974 ang buwanang household bill. Makalipas ang 25 taon mula nang maipatupad ang EPIRA, sinabi niyang umabot na ito sa PhP14.33 kada kWh, habang nasa PhP2,867 na ang buwanang household bill.
Sa gitna ng patuloy na taas-singil sa kuryente, nananawagan ang mga grupo ng pagbabago sa kasalukuyang sistema ng industriya ng enerhiya.
Para sa mga grupong gaya ng Propel at IBON Foundation, hindi naging epektibo ang pribatisasyon sa ilalim ng EPIRA para gawing abot-kaya ang kuryente at sa halip, kundi nakinabang dito ang malalaking energy conglomerates.
Isinusulong ng mga grupo ang pagbabasura ng EPIRA at pagbabalik ng mas malaking papel ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya.
Sa huli, sinabi ng enhinyerong si Francis Quintana, vice-chairperson for internal affairs ng Propel, na ang mga panawagan o hakbang ng grupo sa hinaharap ay ibasura ang EPIRA, isaayos at i-update ang kasalukuyang power facilities, isulong at suportahan ang appropriate technology, isulong ang pambansang industriyalisasyon, isabansa ulit ang energy industry, at palakasin ang lahat ng industriya, light man, medium, o heavy.

![Ni Donna Mae Delfin at Jenny Rose Flores Mas mahirap maging maliit na negosyante sa Pilipinas kaysa sa ibang bansa sa rehiyon. Ito ang hinaing ng mga negosyante, lokal na prodyuser, konsiyumer, at policymakers sa isang konsultasyon tungkol sa taas ng singil ng kuryente at epekto nito sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) […]](https://www.altermidya.net/wp-content/uploads/2026/08/EPIRA-discussion-4.jpg)







