Pagpupugay at Pasasalamat, Nonoy!

0
278

Pinakamataas na saludo ang iginagawad ng Altermidya Network kay Jose Jaime ‘Nonoy Espina’, itinuturing na isa sa mga haligi ng malayang pamamahayag ng aming panahon.

Buong-buo ang suporta at masigasig ang pamumuno ni Sir Nonoy sa paglaban ng mga mamamahayag sa bansa, kabilang ang alternative media. Siya mismo ay nagmula sa tinawag na “mosquito press” noong panahon ng diktadurang Marcos bilang kasapi ng alternative media group na COBRA-ANS.

Mula noon, walang-pagod na itinaguyod ni Sir Nonoy ang malayang pamamahayag, ang pagtiyak ng karapatan ng mga manggagawa sa media, at ang pakikipaglaban sa tiraniya.

Noong kinaharap ng Altermidya Network ang red-tagging mula sa NTF-ELCAC, isa si Sir Nonoy na noo’y NUJP chairperson sa unang naglabas ng panawagan sa ibang media practitioners na suportahan ang alternative media.

Aniya, ipinagmamalaki niya ang “maliliit pero matatapang” na alternative media outfits at ang di-matatawarang kontribusyon nito sa pagpapatibay ng demokrasya sa bansa. Sa harap ng panunupil, ang pahayag at suporta ni Sir Nonoy ay nagpalakas ng loob namin sa Altermidya.

Mula panahon ni Marcos hanggang ngayon, matapang na pinangunahan ni Sir Nonoy ang paglaban para sa malayang pamamahayag: ang paggiit ng ABS-CBN para sa franchise renewal, ang paghahanap ng hustisya sa mga biktima ng media killings, at ang pagsusulong ng isang malaya at independent na media.

Saludo kami sa iyong buhay at pakikibaka, Sir Nonoy. Taos-pusong pasasalamat!

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.