Quarrying at ang siklo ng trahedya
November 17, 2020

By Jobelle Adan, Jaze Marco at Priscilla Pamintuan, Pinoy Weekly

“Pa-rescue naman po kami, parang awa n’yo na.”

Paskil ito ni Jell Morena, umaga ng Nobyembre 12, sa Facebook. Nakatuntong siya, ang mga kapitbahay, at mga aso nila, sa bubong ng kanilang bahay sa 1K2 Kasiglahan, San Jose, Rodriguez Rizal — isa sa relocation sites sa lugar. Madaling araw noon, binutas nila ang kanilang mga yero para makaakyat ng bubong. Noong umaga, humahagupit pa ang hangin at makulimlim pa ang kalangitan.

Tulad ng maraming Pinoy kahit sa panahon ng kalamidad, nagtatawanan pa rin sila. Marahil, natatawa na lang sina Jell sa absurdong kalagayan nila. “Durog ang anez,” sabi ni Jell, “durog na ang mga gamit.” Payong, banig at basang kumot lang ang panangga nila sa hangin at ulan. Ang ibang kapitbahay, nakahiga na sa yero, tila gusto nang matulog. Magdamag silang gising, habang unti-unting tumataas ang tubig noong gabi ng Nobyembre 11.

Papaalis na ang bagyong Ulysses, at pasalamat silang unti-unti nang bumababa ang tubig noong umagang iyon. Pero hindi nina Jell alam kung ano ang bubungad sa kanila pagbaba ng tubig. “Hindi namin alam kung may mga naistranded sa loob,” sabi niya sa bidyo na pinaskil sa Facebook.

“May narinig kaming nagsisigawan sa ilalim ng mga bubong (ng mga bahay). Pero hindi na namin (sila natulungan). Kailangan na namin umalis. Palagay ko may mga naiwan sa loob ng mga bahay,” sabi niya.

Mula sa kanilang bubong, tanaw sa malayo ang mga burol at bundok na napapasailalim sa quarrying operations ng iba’t ibang kompanya.

Paulit-ulit

Hindi ito ang unang pagkakataon ng malubhang baha sa Kasiglahan. Noong 2009, binaha rin ito dahil sa bagyong Ondoy. Noong 2012, binaha na ito. Noong Agosto 2018, dinanas din ng mga mamamayan sa lugar ang flash floods na dala ng mga ulang habagat.

Matagal nang itinuturo ng mga eksperto ang quarrying sa Rizal, partikular sa San Mateo at Rodriguez o Montalban, bilang isa sa pangunahing mga dahilan ng bulnerabilidad sa baha ng mga lugar doon.

Ganoon din sa ilang bahagi ng Bicol. Pinakamatinding tinamaan ng bagyong Rolly noong Nobyembre 1 ang rehiyon ng Bikol. Sa paanan ng Bulkang Mayon sa Albay, natabunan ng lahar ang nasa 300 kabahayan. Nasira din ang may 26,261 ektaryang bukirin at 115,980 metric tons ng produktong palay, mais at iba pang mga pananim.

Quarrying operations sa Montalban. Kalikasan/Bulatlat

Kaagad na itinuro ang quarrying sa nasabing bulkan na dahilan nang pagragasa ng lahar at malalaking bato sa Guinobatan, Albay. Pero itinanggi ng lokal na pamahalaan na mayroong malaking quarrying site operations sa Bulkang Mayon.

Ayon kay Cedric Daep, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (Apsemo), maaaring ang nangyaring lahar flooding ay bunsod lang daw ng volcanic materials na pinalambot pagkatapos ng bagyong Quinta.

Pero iba ang kuwento ng iniwang mga larawan ng rumagasang lahar at bato sa naratibo ng gobyerno.

Hindi maikakaila ang presensiya ng quarrying sa Bulkang Mayon. Katunayan, pagkatapos malubog sa lahar at bato ang ilang barangay sa Guinobatan, Albay, agad na ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources ang suspensiyon ng nasa 12 quarrying operations sa nasabing lugar.

Mataas umano ang kalidad ng buhangin mula sa Bulkang Mayon na nasa Class A, ayon sa Bicol Movement for Disaster Response. Kaya naman inieksport pa ito sa mga bansa gaya ng China, Taiwan at Japan.

Ayon sa mga residente ng Guinobatan at Daraga, hindi dati binabaha ang kanilang lugar tuwing may bagyo. Pero mula nang magkaroon ng operasyon ng quarrying, naranasan na nila ang mga pagbaha at nitong huli ang pagkalubog ng kanilang komunidad.

“Ang may kasalanan ‘yung sinasabi nilang quarry dahil kung hindi doon sa quarry hindi naman dito dadaan ang baha. May quarry dyan sa itaas, sa Barangay Maninila,” ani Arnulfo Realoso Jr., residente ng ng Guinobatan, Albay.

Ganito rin ang paniwala ni Rey Macalla, residente ng Daraga, Albay. na nalubog sa lahar ang kanilang tahanan. Aniya, ang kanilang lugar ay palayan na hindi dinadaanan ng baha nung wala pang quarry sa kanilang lugar.

Quarrying ang tawag sa porma ng pagmimina na nasa ibabaw ng lupa. Isa sa unang mga hakbang sa pagsisimula ng quarry ang pagtanggal ng mga puno at iba pang kakahuyan. Malaki ang ambag ng mga puno tuwing tag-ulan dahil nakakatulong ang mga ugat nito na patatagin ang kalupaan. Sa pagtanggal sa kakahuyan, nababawasan ang natural na kakayahan ng kalikasan na pigilan ang pagdedelubyo.

Ayon sa mga eksperto, nakakapagpabago rin ng hulma ng kabundukan ang quarrying. Nabubuo ang ilog dahil sa ilang dekadang pagragasa ng tubig mula sa mga kurbada ng kabundukan. Kung mag-iiba ang hugis ng bundok dahil sa quarrying, mag-iiba rin ang direksiyon ng pagbaba ng tubig at maaaring bahain ang mga komunidad na dati namang napoprotektahan ng kalikasan.

Dagdag pa sa panganib na ito ang paglambot ng lupa. Sa mga pagkakataong malakas ang ulan, hindi malayong agusin pababa ng matataas na lugar ang malambot na lupa, dala ang iba pang mapanganib na materyales tulad ng naglalakihang bato.

Mga halimbawa ng nakaraan

Ang mga tala na ito ng epekto ng quarrying ay bunga hindi ng haka-haka, kung hindi ng mga pag-aaral sa siyensiya at danas ng mga komunidad na apektado.

Dalawang taon ang nakakaraan nang matampok sa balita ang Barangay Tinaan, Naga City, Cebu matapos ang mapaminsalang landslide na nagpalubog sa hindi bababa sa 50 kabahayan. May 78 katao ang binawian ng buhay sa landslide.

Bumisita rito si Pangulong Duterte upang magpaabot ng pakikiramay. Nang tanungin niya ang mga tao kung may irereklamo sila, matapang na humarap ang isang residente.

“Itigil ang Apo Cement quarry. Iyon lang ang hinihingi ko. Hindi namin kailangan ng pagkain. Ang kailangan namin ay matigil ang quarry dahil makakakain naman kami kung kami’y magtatrabaho,” aniya.

Mabilis itong isinantabi ito ni Duterte dahil aniya, sa kolorete sa kamay ng residente malamang raw ay nasa parlor ito nang mangyari ang landslide. Dagdag pa ng Pangulo, mahusay ang “pagka-training” sa residente. Sinundan ito ng tirada laban sa mga komunistang rebelde.

Dalawang taon ang nakakaraan nang sabihin din na bunga lang ng natural na pagbabago sa kalikasan ang landslide, hindi ng malakihang quarrying operation. Tulad ngayon, may pansamantalang pagpapahinto rin ng quarrying operations sa Naga City noon.

Dalawang taon makalipas, muling dumadaan ang bansa sa trahedya na ayon sa mga komunidad na apektado ay dulot ng malakihang operasyon ng quarrying.

Pananagutan

Para kay Leon Dulce ng Kalikasan – People’s Network For The Environment, marapat na papanagutin ang hindi maayos na pagpapatupad ng batas at kapabayaan ng gobyernong maidya sa kapahamakan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan, kabuhayan lalo na ang mga nasawi sa trahedyang ito.

“Ang pagragasa ng lahar sa komunidad ng Barangay San Francisco sa Guinobatan ay naglalahad ng naratibo ng posibleng maling pamamahala, o di kaya’y illegal na aktibidad ng quarrying, dahil duda ang mga residente na walang kinalaman dito ang quarrying,” ayon kay Dulce.

Sa Rodriguez, Rizal at karatig na mga bayan at lungsod katulad ng San Mateo at Marikina City, quarrying din ang itinuturong isa sa pangunahing mga dahilan ng bulnerabilidad ng mga lugar na ito sa pagbaha. Nasa downstream o mababang bahagi ng Marikina River ang residensiyal na mga lugar ng naturang mga bayan at lungsod. Dagdag na bulnerable pa ito dahil sa fault lines na gumuguhit sa naturang lugar na bulnerable sa matinding lindol.

Noong 2018, matapos ang nabanggit na landslide sa Naga City, Cebu, sinuspinde ni Environment Sec. Roy Cimatu ang quarrying operations sa bansa.

Pero nito lang Nobyembre 5, o mahigit isang linggo bago ang pagdating ng bagyong Ulysses, binawi na ang suspensiyon sa quarrying operations ng ilang kompanya, kabilang ang Republic Cement and Building Materials Inc., Concrete Agregates Corp., Asencio Pinzon Aggregates Corp., Gozon Development Corp., Teresa Marble Corp., Rapid City Realty and Development Corp., Island Quarry Aggregates Corp., Hardrock Aggregates Inc., San Rafael Development Corp., Montalban Millex Aggregates Corp., Monte Rock Corp., Con Rock Development Corp., at marami pang iba – lahat may operasyon sa Rizal.

Matapos ang pagkabaon ng mga komunidad sa Guinabatan, Albay noong nakaraang linggo, muling nag-anunsiyo si Pangulong Duterte ng suspensiyon ng mga operasyon ng quarrying sa Albay. Pero huli na ang lahat. At posibleng katulad ng naunang suspensiyon ay muling bawiin din ito sa paglipas ng panahon at kapag di na muli usap-usapan ang mga epekto ng quarrying.

Dagdag pa ni Dulce, sa ilalim ng administrasyong Duterte, nananatili ang Pilipinas bilang isa sa pinakamalala pagdating sa pagiging bulnerable sa klima at hindi nais matuto sa mga pagkakamali ng mga nagdaang kalamidad. Nagpupumilit itong tumugon sa pagbabago ng klima o climate change pero hindi nababawasan ang pinsalang dulot nito.

“Hangga’t walang kongkretong plano upang tumugon sa pagbabago ng klima, kabilang ang pagbibigay halaga sa konserbasyon ng kapaligiran, magpapatuloy ang siklo ng mga sakuna,” ayon kay Dulce.

Samantala, malungkot mang isipin, pero magiging posible pa rin sa hinaharap ang matinding pagbaha at o landslide na dinanas nina Jell sa Kasiglahan, ng mga taga-Naga City, Cebu at ng mga mamamayan ng Guinobatan.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This