#SONA2017 | 10 Tampok na Ginawa ni Duterte
July 24, 2017

ISANG TAON matapos ang unang State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Duterte, nagiging malinaw na para sa progresibong kilusan ng mamamayan ang posibleng direksyon ng administrasyon. Ayon sa kanila, matingkad ang pagiging pasista at pagiging anti-mahirap ng rehimen, laluna kung titingnan ang war on drugs, pagpataw ng Martial Law, at mga pang-ekonomiyang patakaran nito.

Pumili kami ng sampung ginawa ni Duterte sa nakaraang taon na masasabing may malaking epekto sa sitwasyon ng bansa ngayon at sa mga susunod na taon. Ang mga ito ay posibleng magtakda – at maging pasilip – sa maaaring katangian ng kanyang administrasyon sa hinaharap.

1. Pagdeklara at pag-extend ng Martial Law sa Mindanao

Terorismo sa Marawi City ang naging dahilan ng pagdeklara ni Pangulong Duterte ng Martial Law sa Mindanao noong Mayo 23. Pero marami ang naniniwalang hindi kailangan ang Martial Law para lamang sugpuin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga teroristang grupong Maute at Abu Sayyaf. Katunayan, halos dalawang buwan matapos ang deklarasyon, bigo pa rin ang AFP na durugin ang grupo. Pabagu-bago ang kanilang ulat sa bilang at lakas ng kanilang kaaway.

Sa kabila nito, sinasabi ni Duterte na sa militar lang siya naniniwala at na hindi pa niya tatapusin ang Martial Law. Sa halip, hiniling niya ang Kongreso na palawigin pa ito nang hanggang Disyembre 31, na agad inaprubahan naman ng dalawang Kamara. Ibig sabihin, magpapatuloy ang kalbaryo ng daan-daang libong sibilyan sa mga baryo sa Mindanao na binomba ang mga tahanan at ngayo’y pinag-iinitan ng mga awtoridad.

Nakakabahala pa ang utos ni Duterte na gawing target na rin ng martial law ang mga rebolusyonaryong New People’s Army (NPA). Sinabi na ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na makakasira sa peace talks ang batas militar. Simula noong Martial Law, nasa 5,000 Lumad at iba pang magsasaka sa Mindanao ang lumikas dahil sa mas pinaigting na mga operasyong militar laban sa NPA. Napatunayan ng tinakbo ng Martial Law na mga sibilyan ang pangunahing biktima nito at tinatarget nito hindi lang ang Maute o mga terorista kundi maging mga sibilyan at aktibista at iba pang itinuturing na “kaaway ng estado”.

Signipikante ang deklarasyon ng batas military, at ang pagpabor dito ng Kongreso at Korte Suprema—mga institusyong inasahan ng marami na magtatanggol sa mga probisyon ng Konstitusyon na kontra pang-aabuso sa batas militar. Nagbabala ang ibang mambabatas at huwes tungkol sa pagpayag kay Duterte na basta-bastang ideklara ang batas militar. Ayon kay Justice Antonio Carpio, hindi malayong maulit ang nangyari noong diktaduryang Marcos na katakut-takot na mga paglabag sa karapatang pantao, pagbalewala sa sibilyan na awtoridad, at matinding korupsiyon.

Ngayon pa lamang, umaabot na sa 66 na mga magsasaka ang pinatay ng pinaghihinalaang mga sundalong militar at grupong paramiltar. Sa ulat ng Karapatan, hindi bababa sa 14 na mga organisador ng mga magsasaka sa Mindanao ang iligal na inaresto at ikinulong habang nasa 260 kabataang Moro ang dinampot at dinala sa mga istasyon ng pulis para “imbestigahan”.

Sinasabi mismo ng pangulo na magiging katulad siya ni Marcos (na pinayagan niyang mailibing sa Libingan ng mga Bayani sa kabila ng masidhing pagtutol ng mga mamamayan). Bago pa man ang gulo sa Marawi City, itinalaga na ni Duterte ang 59 na mga opisyal militar sa kanyang gabinete. Lalong humihigpit ang hawak sa kapangyarihan ng mga administrador ng Martial Law, sa pamumuno ni Defense Secretary Delfin Lorenzana—na sinasabing pinakamaaasahang tauhan ng gobyernong US, ayon sa mga progresibo.

Ayon sa mga progresibong grupo, ito na nga ang senaryong dapat paghandaan ng bayan ngayong pinahaba pa ng limang buwan ang batas militar: ang absolutong pangingibabaw ng kagustuhan at laya ng militar, sa pagdidirehe ng US. Ito rin ang itinutulak ng mga opisyal at oligarkiyang noon pa man ay nakikinabang sa panunupil sa kalayaan—at tahasang pandarahas—ng mga mamamayan.

2. Pagpapalibing kay Marcos

Para sa mga progresibong grupo, maituturing na pagpapabango sa Martial Law ang pagpapalibing sa dating diktador Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ang rehabilitasyon ng imahe ng pamilyang Marcos at ang pagtangkang baguhin ang kasaysayan ay nakikitang bahagi ng mga pagtatangka para ikondisyon ang mamamayan sa pagpapalawig pa ng batas militar.

Umani ng galit mula sa publiko ang panakaw na pagpapalibing kay Marcos. Nobyembre 8 nang ibaba ng Supreme Court (SC) ang desisyon na pumapayag sa pagpapalibing sa dating diktador. Nagsampa ng motion for consideration sa SC ang mga grupo gaya ng National Union of People’s Lawyers. Pero ilang araw matapos ang SC decision, madalian at sikretong ipinalibing ng pamilyang Marcos ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.

3. All-out war laban sa mga pwersang rebolusyonaryo

Bago pa man nagbaba ng Martial Law sa Mindanao, nauna nang nagdeklara ng all-out-war laban sa Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA-NDFP si Sec. Lorenzana. Ito ay matapos ikansela ni Duterte ang peace talks sa NDFP noong Pebrero nang bawiin ng rebolusyaryong grupo ang unilateral ceasefire dahil sa tuloy-tuloy na operasyong militar sa mga baryo. Inutos ni Duterte na “bombahin at patagin ang kabundukan” para tugisin ang NPA. Agad namang nagsagawa ng aerial bombing ang AFP, gaya ng ginawa sa Abra, Compostela Valley at Maguindanao na nagdulot ng panganib sa mga sibilyan.

Nang muling ipagpatuloy ang peace talks noong Abril, hindi na binawi ng administrasyon ang deklarasyong all-out war nito.   Katunayan, nagpahayag si Duterte kamakailan na ibabaling na niya ang Martial Law sa mga komunistang grupo. Ayon sa CPP, ang deklarasyon ng Martial Law ay parte ng pagpapalakas sa panawagang all-out war ni Duterte. Katuwang ang batas militar, binibigyan ni Duterte ng higit pang laya at kakayahan ang AFP para supilin ang mga puwersang rebolusyonaryo.

Babala ng human rights groups na tiyak mas tataas pang bilang ng mga paglabag sa karapatang pantao laluna’t kasama sa target ng all-out war ang mga komunidad ng mga pesante at katutubo sa kanayunan.

4. Madugong kampanya kontra-droga

Malakas ang suporta ng publiko sa kampanyang sugpuin ang ilegal na droga—pero kasing-lakas din, marahil, ang kondemnasyon sa ilegal at brutal na pamamaraan ng administrasyong Duterte. Lumalaro sa 8,000 hanggang 12,000 ang estimated na bilang ng mga pinaslang kaugnay ng war on drugs. Karamihan sa mga biktima ay mula sa mahihirap na komunidad. Kabilang ang gumagamit lamang (user) ng ilegal na droga; at mga nadamay lamang (kabilang ang mga bata at biktima ng mistaken identity). Marami ang naniniwalang ang mga di-makataong pamamaslang ay masyadong mataas na kabayaran para sa kampanya kontra sa ilegal na droga. Marami rin ang nababahala sa kawalan ng due process at pagtanggal sa presumption of innocence ng isang indibidwal, na pinapatay bago pa man mapatunayan ng kahit anong krimen.

Kaya naman patuloy na itinatanggi o pinagtatakpan ng gobyerno ang mga pamamaslang na ito, sa kabila ng malinaw na ebidensya ng pagkakasangkot ng pulisya, batay sa mga imbestigasyon ng midya at human rights groups. Ayon sa gobyerno, matagumpay ang war on drugs: bilyun-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga ang narekober, mahigit 1.3 milyong drug ang nag-surrender, at libu-libong barangay ang diumano’y “malinis” na sa impluwensiya ng droga.

Isang taon matapos ilunsad ang war on drugs, hindi pa rin malinaw na nasusugpo ng gobyerno ang problema. Hindi malinaw kung ano na ang nangyari sa drug surrenderees. Iilan lang sa kanila ang ipinasok sa programang drug rehabilitation; kahit ang mega drug facility sa Nueva Vizcaya ay napabalitang walang laman. Wala ring nahuhuli at nakakasuhang malalaking drug lordat kanilang mga protektor sa militar at pulisya—na inaasahan sana ng marami na pangmatagalang solusyon sa problema sa ilegal na droga, maliban pa sa pagsugpo sa ugat nito, ang matinding kahirapan.

Samantala, namamayagpag ang pang-aabuso ng pulisya, dahil na rin sa mga pahayag ng pangulo na poprotektahan sila, anuman ang kanilang gawin. Ang mga paglabag sa karapatang pantao sa war on drugs ay patuloy na umaani ng malawak na kondemnasyon. Dahilan para lalong sumasandig ang pangulo sa pulisya at militar para protektahan ang kanyang poder. Nagbubunga ito ng higit pang mga pang-aabuso, sa tila isang walang katapusang siklo ng karahasan na ang totoong layunin ay malayo na sa pagsugpo lamang sa droga.

5. Mga militar, neoliberal sa Gabinete.. at iilang progresibo

Sa gitna ng karahasan, tumitinding pasismo, at kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao, tila raw isa sa mga natitirang positibo sa administrasyon ang pagkakaroon ng ilang progresibong opisyal sa gabinete.

Itinalaga ni Duterte sa gabinete niya ang ilang kilalang progresibo para diumano matupad ang mga makabuluhang reporma na ipinangako niya: sina Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano sa Department of Agrarian Reform (DAR), Judy Taguiwalo sa DSWD, Liza Maza sa National Anti-Poverty Commission (NAPC) at Joel Maglunsod na undersecretary ng Department of Labor and Employment.

Bitbit ng mga progresibo sa gabinete ang agenda ng mamamayan. Halimbawa, makasaysayan ang agad na pagpapatawag ni Sec. Mariano sa Presidential Agrarian Reform Council (PARC), ang komiteng gumagawa ng mga polisiya tungkol sa repormang agraryo, matapos ang sampung taon na hindi gumana sa ilalim ng mga nakaraang administrasyon. Kabilang sa mga inaprubahan ng PARC ang rekomendasyon ni Sec. Mariano na 2-taon moratoryum sa land use conversion. Pero sagka pa rin sa pag-usad sana ng mga progresibong panukala ni Sec. Mariano ang pananatili ng mga patakarang neoliberal sa agrikultura sa bansa, at ang kawalan ng tunay na agrarian reform program ng administrasyon. Bukod pa rito ang pagharang ng malalaking landlord sa mga progresibong inisyatiba ng Kalihim.

Walang katiyakan kung hanggang kailan mananatili sa gabinete ang mga progresibong opisyal. Nanganganib silang sapitin din ang nangyari kay Sec. Gina Lopez, na bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay ipinagbawal ang operasyon ng open-pit mining at ng may 28 minahan sa bansa, gayundin ang pagkansela ng may 75 mining contracts. Sa harap ng matinding presyur at lobbying ng malalaking mining firms, ibinasura ng Commission ang Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Lopez sa DENR.

Kasama rin sa mga humarang kay Lopez ang masusugid na neoliberal sa gabinete ni Duterte, sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Budget secretary Benjamin Diokno, at NEDA director Ernesto Pernia. Sila rin ang nasa likod ng mga anti-mamamayang patakaran ng administrasyon gaya ng tax reform package at ang neoliberal na planong Ambisyon 2040. Ang tatlo rin ang sinasabing humaharang sa mga panukala gaya ng land use conversion ban, free tuition, P2,000-SSS pension hike, at marami pang iba. Walang malaking pagbabago ang isinusulong nilang patakaran na liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng ekonomya ng Pilipinas.

Bukod sa namamayagpag na mga neoliberal sa gabinete, ikinababahala ng mga progresibong grupo ang dumadaming bilang ng mga militarista sa gabinete. Itinalaga ni Duterte ang mahigit 50 ex-military officials sa mga sibilyang posisyon sa iba’t ibang ahensya.  Ayon sa grupong Bayan, posibleng lumakas ang hatak ng mga maka-Kanan at maka-impluwensiya sa mahahalangang desisyon ng Ehekutibo. Ilan sa mga tampok na militar sa gabinete ay sina Sec Lorenzana ng DND, Security adviser Hermogenes Esperon, Roy Cimatu ng DENR, Danilo Lim ng MMDA, at iba pa.

Marami rin sa mga dating militar na itinalaga ni Duterte sa gabinete ay may rekord sa paglalabag ng karapatang pantao gaya ni Gen. Eduardo Año. Ayon sa Karapatan, ang pagtatalaga sa kanila sa gabinete ay nagpapalala ng klima ng “impunity” sa bansa dahil sa halip na harapin ang pananagutan sa mga ginawang paglabag laban sa mga karapatan ng mamamayan.

6. Paglunsad sa neoliberal na PDP at Build, build, build

Kumpartableng buhay para sa mga Pilipino ang isa sa mga pangako ni Duterte sa kanyang unang SONA. Pero simula pa lang, inanunsyo na niya ang kanyang 10-point socio-economic agenda kunsaan tampok agad ang neoliberal na direksyon ng kanyang administrasyon. At nitong Hunyo 2017, pormal na inilunsad ng economic managers ng administrasyon ang Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022, ang magiging gabay ng administrasyon sa pagpapaunlad ng bansa. Gaya ng inaasahan, nakatuntong din ito sa oryentasyong neoliberal – parehas sa mga patakaran at programa na ipinatupad ng mga nagdaang administrasyon at napatunayan nang hindi nagdudulot ng anumang kaunlaran sa bansa.

Ayon sa IBON Foundation, isang research group, nakatuon ang PDP sa paglikha ng paborableng kondisyon para sa malalaking negosyante at dayuhang korporasyon. Imbes na pagpapaunlad ng mga produktibong sektor ng ekonomiya, idinidiin ng PDP ang pagpapahusay sa sektor ng serbisyo at pagtatayo ng susing imprastruktura para magsilbi sa operasyon, kalakalan at pamumuhunan na kailangan ng pandaigdigang merkado.

Pundasyon ng PDP ang istratehiyang ‘Build, build, build’ na magpapatayo ng malalakihang imprastruktura para lumago diumano ang ekonomiya. Bubuhusan ng bilyung-bilyong pisong pondo ang halos 4,000 proyektong pang-imprastraktura ng administrasyon. Manggagaling ang pondo mula sa public-private partnership (PPP), utang panlabas, at mula sa buwis na papasanin ng mamamayan.

Kaya naman itinutulak ng administrasyon ang tax reform package nito para siguradong may pambayad sa ipatatayong malalalaking proyekto. Ayon sa IBON, sa ilalim ng PDP at ‘Build, build, build”, nakaamba sa publiko ang lalong pagkalubog nito sa utang at pagpasan ng mga dagdag na buwis at bayarin (user fees).

Totoong nangangailangan ng imprastruktura ang bansa. Pero mas magdudulot ng kasaganahan at kaginhawaan para sa maraming Pilipino ang mga imprastruktura gaya ng rural electrification, paaralan, ospital, patubig, at mga proyektong susuporta sa maliliit na Pilipinong negosyo. Di hamak na magiging kapakipakinabang ang mga ito kaysa mga tinukoy na malalaking imprastruktura ng administrasyon.

7. Panukalang Comprehensive Tax Reform Package

Sa laki ng pondong kailangan para sa ‘Build, build, build’, dagdag na buwis ang panukala ngayon ng administrasyon para matustusan ang ambisyosong infrastructure program na ito.

Noong Mayo 31, naipasa na sa House of Representatives ang House Bill 5636 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Ang panukalang tax reform ay nakabalangkas sa 10-point economic agenda ng rehimeng Duterte na naglalayon umano na magpataw ng mas mahusay na paraan ng pangongolekta ng buwis. Ayon kay Presidential Spokesperson Abella, tinatayang P162 bilyon ang malilikom sa loob ng isang taon mula sa panukalang tax reform package.

Ang pagsasabatas ng TRAIN ay nangangahulugang pagbababa ng maximum rate ng Personal Income Tax mula 35% tungong 32%. Exempted na magbayad ng buwis ang minimum wage earners o yung mga kumikita ng P250,000 lamang kada taon. Pero para sa mga kumikita ng mahigit sa P500,000, magbabayad ng P125,000 at ng karagdagang 32% nang sosobra sa P500,000. Kapareha ito ng singil sa ultra-rich o 0.1% ng taxpayers sa ilalim ng tax calculation na ito. Magiging dagdag pasanin naman ang tax reform na magpapataw ng karagdagang buwis para sa middle class.

Wala mang babayarang buwis ang minimum wage earners, hindi pa rin sila ligtas mula sa pagbabayad ng karagdagang buwis. Babawiin pa rin ng gobyerno ang mawawala niyang kita mula sa pagbababa ng personal income tax sa pamamagitan ng karagdagang excise tax at mga dagdag items na magkakaroon ng VAT. Papatawan ng 12% VAT ang upa sa bahay na nagkakahalaga ng P10,000 pababa. Ang singil sa kuryente ay madaragdagan ng P1.50/kwh. Ang halaga naman ng LPG ay unti-unting tataas mula 2018 hanggang 2020. Tataas rin ang excise tax para sa mga produktong petrolyo gaya ng gasoline, diesel, LPG at kerosene.

Ayon sa IBON, mapanlinlang ang sinasabi ng economic managers ni Duterte na paborable ang TRAIN para sa mahihirap. Mangangahalugan ng dagdag pasinin sa mahihirap na pamilyang Pilipino ang kabuuang epekto ng pagbabago sa income tax, pagpapalawig sa sakop ng VAT, dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo, at ang idudulot nitong implasyon. Malinaw na imbes na mayayaman ang target ng tax reform package, mahihirap na pamilya ang pangunahing pipigain at papahirapan ng TRAIN.

8. Department Order 174 at pagbasura sa pambansang dagdag-sahod

Ngayong darating na SONA, daan-daang manggagawang kontraktwal mula sa mga rehiyon ng Southern Tagalog, Caraga at Southern Mindanao ang nangahas na magkampo sa paanan ng Mendiola para singilin si Pang. Duterte sa isa sa pinaka-importante niyang pangako: na wawakasan ang kontraktwalisasyon. Matapos kasi ang isang taon, malinaw na nabigo ang pangulo na wakasan ang kontraktwalisasyon, at malala pa, humakbang para lalong pagtibayin ito, sa pamamagitan ng Department Order 174.

Inilibas ng Dept. of Labor and Employment (DOLE) and DO 174 matapos ang mga konsultasyon sa mga employer at grupong manggagawa. Pero ayon sa mga manggagawa, hindi naman sinunod ng DOLE ang kanilang mga rekomendasyon. Ang resulta? Ang DO 174, na sa esensya ay pinagtitibay ang legalidad ng pangongontrataat nagbibigay-daan para maging regular ang isang manggagawa sa agency—at hindi sa kanyang pinapasukang kompanya. Itinaas ng DO 174 ang halaga ng kapitalisasyon ng mga ahensiya, at nagsasagawa ng mga hakbang para higpitan ang ilegal na pangongontrata—pero sa esensya, ipinagtibay nito ang kontraktwalisasyon.

Mayroon pang mga ulat na nagdudulot pa ang DO 174 ng ibayong tanggalan. Sa dokumentaryo ng Mayday Multimedia hinggil sa mga manggagawa sa plantasyon ng saging na Shin Sun (pag-aari ng Koreano), binanggit ng mga manggagawa na ginamit ng manedsment ang DO 174 para tanggalin sila sa trabaho.

Noong nakaraang taon, medyo nabuhayan rin ng loob ang mga manggagawa nang ihayag ng DOLE na pag-aaralan nila ang panukalang pambansang P125 na dagdag-sahod, na matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawa. Isang hakbang sana ito para baligtarin ang pambabarat sa dagdag-sahod sa pamamagitan ng Regional Wage Board. Ayon sa pag-aaral ng IBON, wala pa sa kalahati ng family living wage o halagang kailangan ng isang pamilya para mabuhay nang disente ang minimum na arawang sahod. Ngunit agad ring ibinasura ni DOLE Sec. Silvestre Bello III ang panukala, at gaya ng dati ay pinanigan ang mga employer sa pagsasabing hindi ito posible dahil malulugi ang mga kompanya—sa kabila ng malinaw na datos na taliwas dito.

Sa dalawang hakbang na ito na ikinadismaya ng mga manggagawa, hindi nakapagtataka na matapos ang isang taon, wala pa ring pagbabago sa kondisyon ng karamihan na sahod-alipin at kontraktwal.

9. Nagsasariling patakarang panlabas?

Umalingawngaw ang matatapang at palaban na pahayag ni Duterte tungkol sa pakikialam ng US sa ekonomiya at pulitika ng Pilipinas. Makabuluhan ito para sa isang bansang matagal nang pinanghihimasukan ng US. Pinatingkad nito ang relatibong humihinang impluwensiya ng US sa daigdig sa gitna ng paglakas ng ibang kapangyarihan gaya ng China at Russia.

Pero ayon sa mga progresibong grupo gaya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), tila hindi nayanig ang dominasyon ng US sa bansa sa kabila ng deklarasyon ni Duterte tungo sa nagsasariling patakarang panlabas. Malalim at matagal ang impluwensiya ng US sa Pilipinas at agad itong nakapagmaniobra para mapanatili ang impluwensiya nito sa Pilipinas. Nagawa ito ng US sa pamamagitan ng matatagal na alyado nito sa Armed Forces, iba’t ibang opisyal ng pamahalaan, masmidya, at iba pa.

Halimbawa, patuloy na nakapangingibabaw sa Pangulo ang sinasabing pro-US na opisyal gaya nina Sec. Lorenzana ng DND at iba pang mga heneral na sinanay ng US.

Kahit na may pahayag si Duterte na handa niyang tanggihan ang ayuda galing sa US, agad naman niyang tinanggap ang tulong ng US sa pagsiklab ng krisis sa Marawi. Naka-deploy ngayon sa Marawi ang hindi-malamang bilang na tropa ng US na nagpapalipad ng drone at nagsisilbing tagapayo ng sundalong AFP na lumalaban sa Maute. Sa kabilang banda, tila handa rin magbigay ng tulong ang China at Russia sa AFP. Halimbawa, nagbigay ng P15 milyong donasyon ang China para sa rehabilitasyon ng Marawi at milyun-milyong pisong halaga ng armas at amunisyon.

Pero sa totoo lang, wala namang kongkretong pagsasalin sa patakaran ang deklarasyon ni Duterte para sa nagsasariling patakarang panlabas. May mga obserbasyon din na tila ginagamit lang na taktika ng administrasyon ang maaanghang na salita laban sa US para makakuha ng bentahe sa pakikitungo nito sa gaya ng China at Russia.

Tila ginamit din ng administrasyong Duterte ang war on terror para bigyang-katwiran ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao. Kailangan ni Duterte ang batas militar para makapanatili ito sa poder at mabigyan ng dagdag-kapangyarihan sa paggigipit sa nakikitang banta sa kanyang kapangyarihan. Dahil sa war on terror, sinasabing nagsasalubong ang interes at agenda ni Duterte at ng US – si Duterte para magkonsolida ng kapangyarihan at ang US para may dagdag dahilan sa patuloy na panghihimasok sa bansa. Sa huli, ang soberanya ng Pilipinas ang nakataya sa pangingibabaw ng ganitong agenda.

10. Peace Talks

Isa sa mga positibong hakbang ni Duterte ang muling pagbubukas ng peace talks sa NDFP. Kaugnay nito ang pagpapalaya sa ilang nakakulong na NDFP consultants at pagtatalaga ng mga progresibo sa kanyang gabinete.

Kahit maganit, umabante ang ilang substansyal na usapin sa peace talks gaya ng pagpapatibay ng mga naunang kasunduan at pagsisimula ng mga negosasyon para sa mga susunod na agenda.

Pero unti-unting naging malinaw na pagpapasuko at matagalang tigil-putukan ang totoong habol ng administrasyong Duterte sa peace talks. Lalo itong naging klaro sa mga kilos ng mga tinaguriang militaristang opisyal ni Duterte gaya ni Lorenzana, Esperon at Ano, na tinawag ng NDFP na “peace spoilers” na pilit gumagawa ng paraan para madiskaril ang peace talks.

Dahil gusto ng mga heneral at ni Duterte ng isang kasunduang tigil-putukan, lalong naging maganit ang usapang pangkapayaan. Noong Pebrero, matapos ang ikatlong round kunsaan matagumpay na umabante ang usapan para sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (mga programa at patakaran na tutugon sana sa ugat ng armadong labanan), sinuspindi ni Duterte ang formal peace talks.

Nagpatuloy muli ang peace talks dahil sa pagpursigi ng NDFP na pag-usapan ang mga makabuluhang reporma at kasunduan. Sa katunayan, napagkasunduan ng dalawang panig ang usapin sa free land distribution bilang pundamental na prinsipyo ng tunay na repormang agraryo. Pero muling ikinansela ng administrasyon ang ika-limang round noong Mayo, hanggang sa tuluyang kinansela ni Duterte ang backchannel talks ng mga negosyador ngayong buwan.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

2 Pangasinan-based environmental defenders abducted

2 Pangasinan-based environmental defenders abducted

by DOMINIC GUTOMANBulatlat.com MANILA – Two Pangasinan-based environmental defenders and organizers were violently mauled and dragged into an SUV at about 8 p.m. on March 24 in Barangay Polo, San Carlos, Pangasinan, according to human rights group Karapatan-Central...

At UN event, women activists want Palestine free

At UN event, women activists want Palestine free

NEW YORK — Women activists gathered in front of the United Nations Headquarters in New York City on March 21, 2024 to express their support for Palestine. The protest action was in time for the Commission on the Status of Women. “From the sea to the river, Palestine...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This