Bagong luma: DepEd, ibabalik ang school year sa dati
March 9, 2024

Ni ANDREA JOBELLE ADAN
Pinoy Weekly

Para sa maraming paaralan at kabahayan, kaabang-abang ang anunsiyo ng Department of Education (DepEd) na dahan-dahan nang ibabalik ang school year sa orihinal na Hunyo hanggang Marso.

Nakasaad sa DepEd Order No. 3, Series of 2024 na “kinikilala ng kagawaran ang mga panawagan para unti-unting ibalik ang kalendaryo at simula ng pasukan sa kung paano ito bago ang pandemya.”

Noong 2020, Oktubre nagsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan dahil sa Covid-19 at sa kinailangang buuin na mga plano para matuloy ang pagkatuto ng kabataan sa kabila ng pandemya. 

Ayon kay Undersecretary Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, plano ng kagawaran na pagsapit ng school year 2026-2027, maibabalik na sa Hunyo ang simula ng pasukan.

“Sinasabi naming tagumpay ito ng sama-sama nating pagkilos,” sabi ni Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region Union (ACT-NCR) president Ruby Bernardo. Ayon sa kanya, kasama ang unyon sa ilang mga kinonsulta ng DepEd para sa panukalang balik-Hunyo na simula ng klase.

Ngayong school year 2023-2024, Agosto nagsimula ang klase para sa mga pampublikong paaralan at mga pribadong paaralan na sumusunod sa kalendaryo ng DepEd. Sa ikalawang linggo ng Hunyo ito dapat matatapos, pero sunod sa DepEd Order No. 3, dapat matapos ang pang-akademikong taon sa huling araw ng Mayo.

ACT NCR Union president Ruby Bernardo (gitna). ACT NCR Union/Facebook

Ayon kay Bernardo, mas maigi na ito kaysa sa panukalang biglain ang pagsisimula ng klase sa Hunyo para sa 2024-2025. “Mawawalan tayo ng magagaling at masisipag na guro kung ituturing na parang robot, walang pahinga,” sabi niya.

Sa DepEd Order No. 3, nakasaad na dapat walang ipapatrabaho sa mga guro, boluntaryo man o hindi, sa buong buwan ng Hunyo.

Kasabay naman ng positibong pagtanggap sa unti-unting balik-Hunyo ang pag-antabay sa magiging tugon ng DepEd sa panawagan ng unyon, iba pang mga paaralan, at mga magulang.

“Gusto natin matiyak na sa Marso, dapat immediately mag-respond [ang] DepEd sa gagawin sa mga bata,” sabi ni Bernardo. At kasama na dito ang muling pagharap sa katakot-takot na init ng panahon. 

Tugon sa init

Sa Caloocan, buong ipinagmalaki ni Geraldine Salaum na sa paaralan ng kanyang dalawang anak, nagawang magtulong-tulong ng mga magulang para bumili ng dalawang bentilador. Umeekstra si Salaum sa pagtatahi ng mga notebook habang ang asawa niya ay isa namang construction worker.

Napansin kasi niya at ng ibang magulang ang pingadaraanang hirap ng mga anak sa hindi maaliwalas na mga classroom. “Nagdo-donate kami kasi ang init nga sa mga eskuwelahan,” sabi niya, Kaya kapag raw Abril at Mayo, “parang tamad na tamad na sila pumasok dahil sa sobrang init.”

Ngayong Marso at sa sunod na dalawang buwan, maraming paaralan sa bansa ang makikinabang sa parehong sistema ng donasyon at kawanggawa para lang maiwasan o mabawasan kahit papaano ang katakot-takot na sinapit noong nakaraang taon.

Sa Gulod National High School Extension sa lalawigan ng Laguna, higit 80 estudyante ang sinugod sa ospital noong Marso 2023 dahil hindi nakayanan ang matinding init ng panahon habang nagsasagawa ng emergency drills para sa sunog at lindol.

Sa parehong panahon, lumabas sa resulta ng online na sarbey ng ACT sa higit 11,700 na guro sa pampublikong paaralan na 87% ng mga guro ang naniniwala na hindi na nakatutok sa pag-aaral ang mga bata dahil sa matinding init.

Dagdag pa sa init ng panahon ang siksikan sa mga klase. Ayon sa sarbey, 67% ng mga guro na sumagot sa sarbey na nasa pagitan ng 36 at 50 ang dami ng estudyante sa isang section. Sa standard mismo ng DepEd, dapat hindi lalampas ng 35 na mag-aaral kada classroom sa mga primary school at 40 naman para sa high school.

“Hindi talaga fit ang mga classroom natin sa napakainit na mga panahon,” sabi ni Bernardo na 10 taon na nagtuturo sa pampublikong paaralan. “[Kaya] ‘yong mga magulang nag-volunteer na dalhin ang electric fan nila sa bahay,” dagdag niya.

Panawagan niya at ng ACT-NCR, dapat tugunan pa rin ng gobyerno ang isyung ito kahit na may plano nang ibalik ang kalendaryo sa dati. Bago pa man ang lahat ng nangyari noong 2020, aniya, matagal nang isyu ang kakulangan ng maayos na classroom sa buong bansa. Nitong nakaraang taon, nasa 159,000 ang kulang na classroom.

Tugon sa mga guro

Bukod sa mga mag-aaral, dama rin ng mga guro ang hamon sa kalusugan ng matinding init kapag sumasapit ang Abril at Mayo. Mayo ng nakaraang taon naitala sa iba’t ibang probinsya ang mapanganib na mga heat index na lumagpas ng 45 degrees Celsius at umabot pa ng 50 degrees Celsius.

Napansin ni Maribeth Loreto, guro ng 33 taon sa isang pribadong Katolikong paaralan sa Lipa City, Batangas, na tila nanghihina ang resistensya at nagkakasakit ang mga guro dahil sa panahon.

“Air conditioned ang kuwarto ng mga bata. Ang nakakaramdam talaga ng init ay ang mga teacher dahil labas-pasok, ulit-ulit, nagpapalit ng room. Malamig sa loob ng room, mainit sa labas,” sabi niya. Higit pa ang hirap, pabiro niyang sabi, kung katulad niya na may gamot pang maintenance.

Ayon sa kanya, magandang balita ang unti-unting pagbabalik ng kalendaryo sa Hunyo dahil natutugunan nito kahit papaano ang isyu sa init, at maibabalik na sa regular na iskedyul ang mga programa ng lungsod para sa mga kabataan tuwing bakasyon.

Ang hiling niya, at ayon sa kanya hiling rin ng mga kapwa niya guro sa pampribadong paaralan, “sana man lang ay magkaroon kami ng kaunting subsidy or assistance from the government.” 

Aniya, kinikilala nilang bokasyon at serbisyo sa bayan ang pagtuturo. At para maayos nilang magagampanan ang mga tungkulin ng isang guro, dapat sapat ang naiuuwi nila sa kanilang mga pamilya. 

Higit pa ngayon na bukod sa bagong kalendaryo, kailangan rin ng puspusang paghahanda para sa implementasyon ng Matatag Curriculum.

“Ang bilis kasi ng changes, ‘yong mga pagpapalit,” sabi ni Loreto, tulad na lang raw ng K-12, at Most Essential Learning Competencies na binuo bilang tugon sa pandemya.

“Hindi pa nahahasa, hindi pa nakikita ‘yong development, hindi pa nakikita ‘yong product, ito nanaman meron nang Matatag,” dagdag niya.

Aniya, maigi mang isipin na tunay itong pinag-aralan ng mga eksperto ng kagawaran, kailangan rin kilalanin ang dagdag na oras na kailangang ilaan ng mga guro para pag-aralan at ipatupad ang mga pagbabago.

Hindi ito nalalayo sa panawagan ng ACT na itaas sa Salary Grade 15 o P50,000 kada buwan para sa isang entry-level na guro. Ayon sa grupo, karapat-dapat lang ito katumbas ng hinihing oras ng serbisyo sa mga guro, kasama na ang nagtaasang presyo ng iba’t ibang gastusin.

Malinaw na bukod sa kalendaryo para sa pag-aaral, marami pang kailangang tugunan ang DepEd para masabi nito na tunay na pinakikinggan ng gobyerno ang hinaing ng mga nasa sektor ng edukasyon.

Sa huli, para sa mga guro, para rin ito sa kinabukasan ng mga mag-aaral. Ayon kay Loreto, “Hindi magiging maunlad ang ating bansa kung kulang ang kabataan sa kaalaman.” /May ulat mula kay Michelle Mabingnay

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This