Ni KRISTEN NICOLE RANARIO
Pinoy Weekly
Lumobo na sa P5.9 bilyon ang pinsalang dulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura ayon sa pinakahuling report ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction Operations Center (DA-DRRM) nitong Mayo 2.
Pinakaapektado ang produksiyon ng palay na umabot na ang danyos sa P3.1 bilyon na sinundan naman ng mais at high value commercial crops na may pinsalang aabot sa P2.71 bilyon.
Mahigit isang linggo pa lamang ang lumipas nang maglabas ng pahayag ang DA ukol sa halos P4 bilyong halaga ng pinsala ng El Niño sa bansa, patunay na patuloy ang pasakit ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura kahit sinabi na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na unti-unti na itong humihina.
Epekto sa produksiyon
Sa ulat ng DA, apektado nito ang 113,585 na mga magsasaka at mangigisdang may 104,402 na ektarya ng lupang agrikultural.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng mahigit kumulang 100,000 na metriko tonelada ang produksiyon ng lokal na palay ngayong unang kuwarto ng taon.
Bagaman tiniyak ng DA na 1.40% lamang ng 9.2 milyong metriko toneladang palay na itinakdang target sa produksiyon ang naapektuhan ngayong dry copping season, malaki ang pinsala nito sa kabuhayan ng mga magsasaka lalo na’t marami ang hindi nakapagtanim dahil sa kakulangan sa irigasyon.
Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at magsasaka ng palay sa Bulacan, siya mismo ay hindi nakapagtanim. Sa halip, naghanap na lang sila ng mga alternatibong pananim na hindi nangangailangan ng maraming tubig para sa pangkain ng kanilang pamilya.
Sinubukan man ng ilan na magtanim, umiikot lang ang ani sa 10 kaban mula sa inaasahang 80 kaban kada ektarya, dahilan upang mas lalong mabaon sa kahirapan at gutom ang magsasaka at manggagawang bukid.
“Hindi nakapag-ani, hindi kumita ‘yong mga manggagawang bukid, hindi nakakuha ng unos. Kasi ang unos sa panahon ng anihan, in-kind yan e, palay. Hindi naman cash. So ibig sabihin, kung walang ani, gutom ‘yong pamilya ng magsasaka, gutom ‘yong pamilya ng mga manggagawang bukid,” sabi pa ni Ramos.
Samantala, isinaalang-alang na lang ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa sa halaga ng mga imported na bigas ang pagtaas ng presyo sa merkado ng mga lokal na ani.
“Magkakaroon ng price impact kung ang papasok na imported ay masyado ring mahal at ‘yong local production mo ay kulang. Ngayon, hindi naman masyadong mataas ang presyo sa international market compared last year,” ani de Mesa sa isang panayam sa telebisyon.
Taliwas sa nais ng DA na magkaroon ng mas magandang ani sa susunod na kuwarto ng tao, maaaring magkaroon pa ng delay sa pagtatanim ang mga magsasaka kung kukulangin ng tubig sa irigasyon.
Ayon kay Ramos, malaking suliranin ito sa mga katulad niyang magsasaka lalo na’t ayon mismo sa National Irrigation Administration (NIA), 1.3 milyon lamang sa apat na milyong ektarya ang nakikinabang sa kanilang proyektong irigasyon.
Isinasantabing danyos
Sa panayam ng PTV kay Task Force El Niño spokesperson Presidential Communications Assistant Secretary Joey Villarama, kanyang isinaad na balewala pa ang datos na ito kumpara sa mga naitalang pinsala sa kasaysayan ng bansa.
“Gusto po nating sabihin na kahit papa’no nakatulong ‘yong mga preventive measures, interventions at saka ‘yong mitigation measures kaya po kahit papa’no ay maliit pa po ‘yon compared to what we have experienced in terms of damage historically,” aniya.
Nasa 131 na lokalidad na ang nagdeklara nng state of calamity dahil sa kakulangan ng tubig sa irigasyon. Kinondena rin ito ng KMP dahil sa kanilang natatalang epekto ng El Niño sa mga manggagawa ng agrikultura.
“Lumabas ka sa air conditioned room mo. Pumunta ka sa mga probinsya para makita mo kung gaano [ang] epekto. May ulat nga na may namamatay na kahit ‘yong mga alagang hayop ng mga magsasaka,” hamon ni Ramos sa Task Force El Niño.
Ayuda, hindi pautang
Sa kasalukuyan, naglaan ang DA ng aabot sa P2.18 billion na pondo upang agapan ang pinsalang dulot ng tagtuyot. P658.22 milyon dito ang mapupunta sa produksiyon at P1.065 billion naman ang tulong pinansyal sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA).
Sa ilalim ng RFFA ng Rice Tariffication Law, makakatanggap lang ng kakarampot na P5,000 ang mga apektadong magsasakang may lupang hindi tataas sa dalawang ektarya. Halagang hindi sapat kung pagkakasyahin ito sa kanilang araw-araw na pamumuhay at kakailanganin upang makabawi sa mga napinsalang ani.
Bukod pa rito, sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program ng DA, hinihikayat ang mga magsasakang umutang ng P25,000 na kanilang babayaran sa loob ng tatlong taon upang agapan ang pinsala sa kanilang pananim.
Ngunit ayon kay Ramos, hindi pautang kundi ayuda ang kailangan ng mga maralitang magsasaka.
“Sa kagyat, kailangan ng mga magsasaka, mangingisda, peasant women, agricultural workers o food producer ng ayuda. Ano ‘yon? P15,000 cash aid sa mga magsasaka. Uulitin ko, ayuda, hindi pautang,” saad niya.
Hinimok niya ang gobyernong pabilisin ang paggawa ng mas mainam na irigasyon at palawakin ang tulong para sa rehabilitasyon tulad ng pamimigay ng binhi at pagsasaayos ng mga kagamitan na kailangan ng mga magsasaka.
Inaasahan ng mga magsasaka tulad ni Ramos na makakapagtanim na silang muli sa darating na Hunyo o Hulyo ngunit wala pa rin itong kasiguraduhan lalo na’t inaasahan na rin ang pagdating ng La Niña sa mga susunod na buwan.