Hiling ng OFWs sa Middle East: ‘Payagan n’yo na kaming makauwi’

0
479

By Felipa Cheng & Alliah Andaleon

Sampung taon nang “undocumented” o walang sapat na papeles ang mag-asawang Khalid at Joanna Guiali sa Kingdom of Saudi Arabia. Isang dekada na rin nilang nais makauwi.

Taong 2011 nang tumakas si Khalid mula sa mapang-abusong amo. Magmula noon, nahirapan na siyang makahanap ng bagong trabaho. Dahil sa sinampang kaso sa kanya ng kanyang amo, dagdag na kalbaryo ito sa gitna ng pandemya. Hirap na hirap ang mag-asawa na makahanap ng paraan para makauwi at makapiling ang siyam nilang anak sa Pilipinas.

Kwento ni Khalid, pinagtrabaho siya nang walang bayad at hindi pinapakain ng kanyang amo. Para mabuhay, pumupunta siya sa mga pribadong kasalan para mag-abang ng tira-tirang pagkain.

“Para akong hayop,” ani Khalid sa isang press conference na inorganisa ng grupong Migrante Middle East noong Agosto 20.

Para naman kay Joanna, sa gitna ng patong-patong na hirap sa kanyang trabaho, ninakaw pa ng kanyang agency ang kanyang sahod. Kamakailan, nadiskubre pa niyang may sakit siya na enlarged liver.

Dahil parehong nasa tagilid na sitwasyon, hindi alam ng mag-asawang Guiali kung saan makakahagilap ng pambayad sa upa, kuryente, tubig, at mga gamot ni Joanna.

“Hindi po kami malaya rito,” ani Khalid. “Mahirap po talaga, mahirap. Please po, please. Kung sino man ang makakatulong samin. Utang namin sa inyo ang buhay namin.”

Ang karanasan nina Khalid at Joanna sa Saudi Arabia ay hindi malayo sa karanasan ng mahigit dalawang milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East. Kabilang dito ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga bansang Afghanistan, Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE), Kuwait, at Oman.

Sa gitna ng pandemya at umiigting na sigalot sa Afghanistan, lalong lumala ang kanilang sitwasyon.

Hirap makauwi

“Bago pa man nagkaroon ng pandemic, mabigat na talaga ang pinagdadaanan ng mga OFW. Pinalala ito ng pandemic,” ani Bryan Cabugsa, Migrante Coordinator sa UAE.

“Isa sa mga problema, wala tayong nahihingan ng tulong. Una ang repatriation na sinasabi, ay kulang at mabagal. Kung titignan mo sa one year at six months na COVID, ilan lang ang na-repatriate nila. Pinatindi pa ito ng travel ban,” saad ni Cabugsa.

Magmula Hunyo hanggang Hulyo 2021, tinatayang 2,069 na bilang ng mga OFW pa lamang ang nakakalipad pauwi ng Pilipinas mula UAE, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Samantala, nasa 50,000 OFWs naman sa UAE ang naghihintay pa ring makauwi, ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Hulyo.

Ganito ang dinaranas ng pamilyang Siman. Dalawang beses nang nakansela ang kanilang flight pauwi mula UAE. Parehong natanggal sa trabaho ang mag-asawang sina Mirna at Ferdinand Siman na may inaalagaang batang anak. Nakatakda na sanang umuwi ng Pilipinas ang mag-anak noong Hulyo 4, ngunit iniurong na naman ito ng Setyembre 8. Ngunit Agosto pa lang, sinabihan na silang kanselado na naman ang kanilang flight.

“Napakahirap po sa mga OFW na may nakikitang pag-asa umuwi, pero ang layo layo pa kina-cancel na nila ang flight,” daing ni Mirna, habang katabi ang tatlong gulang na anak.

Ganito rin ang pinagdadaanan nina Janette Garcia, OFW sa UAE at Mylene Mapalad ng Oman na Hulyo pa lang sana ay dapat nakabalik na ng Pilipinas. Pero inurong nang inurong ang petsa ng lipad hanggang sa makansela na nang tuluyan ang kanilang mga visa.

Ayon kay Cabugsa, isa sa mga dahilan ng pagkansela ng flight ang kakulangan ng quarantine facilities dito sa bansa.

“Limited ang flight dahil sa kakulangan sa quarantine facilities sa Pinas,” paliwanag ni Cabugsa. “Ang nakakagalit dito, July pa, sinabi na wala daw pondo para sa quarantine facilities. Pero may balita ngayon na inilabas ang COA, doon sa gastos at overpricing. Nakakagalit. Sinasabihan ang mga manggagawang Pilipino ‘di kayo makakauwi dahil walang facility.”

Batay sa pahayag ni DFA Undersecretary Sarah Arriola sa isang virtual press conference noong Hulyo 30, hindi nila mapalawak ang bilang ng mga byaheng pauwi ng Pilipinas mula Middle East dahil kulang ang quarantine facilities sa bansa. Nais muna umano nilang masiguro na may sasalong hotel sa lahat ng OFWs na pauwi.

Dumagdag pa umano sa problema ang pagpapataw ng Pilipinas ng “travel ban” sa mga galing sa ilang piling bansa kabilang ang UAE at Oman. Una itong ipinatupad noong Mayo 15, at pinalawig pa hanggang Agosto 31.

Paliwanag ni Cabugsa, bagaman nangako ang gobyerno ng Pilipinas na  na magkakaroon ng “Bayanihan” special flight arrangement ang mga airline para mapabilis ang repatriation, hirap pa rin ang OFWs na bunuin ang pamasahe para dito.

“Sa mga simpleng tao tulad natin, nagtatrabaho sa maliit na sweldo, hindi kaya ang pamasahe. Bayanihan ba ‘yun, e limitado, mahal, at andaming requirements?” daing ni Cabugsa.

Walang mahingan ng tulong

Bunsod ng pandemya, dumarami ang OFWs na biglaan ding tinatanggal sa kanilang trabaho.

“Nagresulta ang pandemic sa pagsara ng maliliit at malalaking establishment. Maraming natanggal, karamihan dito mga foreign workers, expatriate,” ani Migrante Saudi Arabia Coordinator Marlon Gatdula.

Sa Saudi Arabia, pinakaapektado umano ang mga nagtatrabaho sa retail services. Dahil sa bagong patakaran ng Ministry of Human Resources and Social Development na “Saudization,” mga mamamayan ng Saudi na lang ang pinapayagang magtrabaho sa malls at restaurants.

“Alam naman natin ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing tagapagdala ng labor sa Saudi Arabia. Pinatupad nilang mandatory ang lahat na nagtatrabaho sa retail services, lalo sa mall, ay dapat mga local. Madami ang pagbabawas, at walang kasiguraduhan sa bagong trabaho ang mga Pilipino,” paliwanag ni Gatdula.

Para sa OFWs na natanggal sa trabaho at wala nang matuluyan, nagsisiksikan umano sila sa kakaunting shelter na inayos ng gobyerno ng Pilipinas para sa kanila, gaya ng sa Rafa Hotel sa Riyadh, kung saan pinagsisiksikan ang 15 katao kada kwarto.

Ani Noel Casumpang, isa sa mga OFW na stranded ngayon sa shelter, dahil sa sobrang dami nila roon, kinailangang irasyon ang pagkain at tubig.

“Nanghihingi po kami ng tulong sa inyo,” ani Casumpang. “Magtatatlong buwan na kami rito. Dahil sa sobrang dami namin dito sa Rafa, limitado na ang pagkain namin, ang tubig badyetado na rin.”

Marami sa kanila ang buwan hanggang taon nang naghihintay, lalo iyong mga may kasong kailangang maresolba bago makauwi, at hanggang ngayon wala pa ring update kahit ilang beses na silang lumapit sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) at sa Philippine Embassy. Madalas, pinagsasarhan pa umano sila ng pinto ng dalawang nasabing ahensya.

Laking pasakit kasi sa pag-uwi ng mga OFW ang mga isinasampang kaso ng kanilang mga mapang-abusong amo.

“Inabot na po kami ng sampung taon pero wala pong nag-aasikaso sa mga kaso namin. Sa POLO, sa Embassy po. Wala pong nag-aasikaso po. Dalawang amnesty na po ang dumaan, pero hanggang ngayon nandito pa rin po kami,” daing ni Khalid.

“Tuwing magaapply kami ng amnesty, nirereject po kami dahil nga po meron nga pong dumi ang pangalan namin. Kinasuhan kami ng mga amo namin nang hindi namin alam kung bakit kami kinasuhan. Dapat po sila po ang kasuhan dahil minaltrato po kami,” dagdag ni Khalid.

Mabilisang repatriation, ayuda hiling ng OFWs

Sa papalalang sitwasyon, lalo ng mga stranded na OFW, umiigting din ang panawagang tanggalin na ang travel ban sa Middle East pauwing Pilipinas, at pabilisin ang proseso ng repatriation.

Dagdag pa dito, nananawagan din ang OFWs na magkaroon ng P10,000 ayuda para sa bawat pamilya ng stranded na OFW, at P20,000 naman bilang agapay sa kabuhayan ng mga OFW na nakauwi na sa Pilipinas at permanenteng maninirahan dito. Nakabatay ang nasabing mga halaga sa proyektong DOLE Abot Kamay ang Pagtulong (DOLE-AKAP).

“Sa Qatar, 60,000 ang nag-apply sa ayuda. Marami pang gustong mag-apply pero sabi ng DOLE-AKAP ay wala nang pondo,” ani Noel Tolentino, Migrante Middle East Coordinator.

Ito ay sa kabila ng pinakabagong ulat ng Commission on Audit na may mga pondo para sa DOLE-AKAP na naiwang nakatiwangwang sa remittance centers.

“Sa panahong tayo ay nangangailangan, inaabandona tayo. Ang masama, may pondo pero hindi ginagamit sa ating kagalingan,” daing ni Tolentino.

Pero sa kabila ng lugmok na sitwasyon ng OFWs sa Middle East, hindi umano sila titigil sa paggiit sa kanilang mga panawagan, ani Gatdula. “Ang kailangan lang natin ay manindigan tayo sa kung ano ‘yung nais nating mangyari. Makakauwi at makakauwi tayo kung panghahawakan natin ang ating pagkakaisa, karapatan, at paninindigan,” paliwanag niya.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.