Kwentong 5-9
March 11, 2020

by Neil Ambion
Pinoy Weekly

Sana maging aral ito, hindi lang sa establishment na ito pero kahit saan na may nagtatrabaho… Sa lahat ng management, magrespetuhan tayo. Huwag tayo mismo ‘yung hahamak sa mga kasama natin,”

Ito ang mensahe ng security guard na si Alchie Paray matapos niyang kumuha ng ng mahigit 70 katao bilang hostage sa isang mall sa Greenhills, San Juan noong Marso 1. Ginawa niya raw ito para mabigyan-pansin ang maraming kamalian sa kanyang pinagtatrabahuhan.

Sa isang panayam sa midya, sinabi ni Paray na hindi niya pinagsisisihan ang nagawa. Kahit papaano raw, nangyari ang gusto niyang malantad at humingi ng paumanhin ang mga opisyal ng kanyang agency at ng pinapasukang mall.

“Sa part na ‘yun, masaya ako,” ani Paray.

Ano nga ba ang kalagayan ng mga security guard gaya ni Paray? Paano nito natulak ang isang inagrabyadong manggagawa na gumawa ng desperadong hakbang para maiparating ang kanyang hinaing?

Buhay 5-9

Para kay Ives, security guard sa isang subdivision sa Paranaque, maituturing na bayani si Paray ng mga kapwa niya 5-9 (koda sa radyo ng mga security guard na ginagamit na ring tawagan nila sa isa’t isa).

“Minulat niya ang mga kapwa security na huwag magsawalang-kibo, bagkus magsalita at ipaglaban ang karapatan ng bawat isa,” ani Ives.

Sa 12 taon niya kasing pagtatrabaho bilang guwardiya, naranasan niya rin halos lahat ng mga paglabag sa karapatan na isiniwalat ni Paray.

Dalawang beses na siyang tinanggal sa trabaho dahil sa rekwes ng kliyente na pinaratangan siyang hindi umano sumunod sa utos.

“Hindi ko sinunod ‘yung tumestigo sa pangyayari na wala naman ako at sabihin ko raw na nakita ko at narinig ko ang lahat. Hindi po ako sumunod dahil alam ko na ako ang mapapahamak,” kwento ni Ives.

Kalaunan, napatunayan namang wala siyang kasalanan at naibalik sa trabaho. Ang problema, hindi na ibinigay ang kanyang sahod.

“Nagmakaawa po ako na ibigay sa akin ang sahod ko dahil aking tatay ay may sakit na diabetes at TB (tuberculosis) at maraming gamot na dapat inumin. Sobra-sobra ang hingi ko na awa hindi rin po nila ako pinakinggan,” aniya.

Sabi ng agency, hindi pa raw kasi nagbabayad ang kliyente at wala silang pang-abono. Pero may pampautang naman daw sila. ‘Yun nga lang, may tubong P50 kada P500 uutangin.

Sumasahod lang si Ives ng P416 kada araw sa 12 oras na duty. Mas mababa ito sa minimum na itinatakda ng batas. Wala rin siyang overtime pay at night differential. Kakaltasan pa ito para sa mga benepisyo gaya ng SSS, PhilHealth at Pag- Ibig.

“Depende po sa ahensiya at kung magkano po ang kontrata sa kliyente. Dun nagbabase ang mga ahensiya kung magkano ang ipapasahod nila,” paliwanag ni Ives.

Ganito rin halos ang karanasan ni Lancesiyam na taon nang security guard at nagbabantay ngayon sa konstruksiyon ng isang town house sa Antipolo.

“Nag-duty ako sa isang residential building nang tatlong taon at ganyan din ang nangyari sakin kapareho ni Alchie. Natangal kami dahil ginawa namin ang trabaho namin,” kuwento niya.

Tinanggihan daw kasi nilang papasukin ang mga alagad ng National Bureau of Investigation o NBI na maghahain ng warrant sa isang tenante. Ayon daw kasi sa patakaran ng bilding, may kailangan pang daanang proseso at hindi basta puwedeng papasukin sa lobby ang mga ito. Minasama ito ng ibang tenante at pinatanggal sila sa trabaho.

“Sobrang sama talaga ng loob ko nang mangyari ‘yun. Umabot pa sa punto na minumura at pinagsasalitaan kami ng masasakit, hindi lang ng mga tenant, Pilipino man yan o foreigner, (kundi) minsan pati rin ng mga kasambay, drayber at bisita nila. Normal na lang po ‘yan sa ‘min araw-araw. Pero sobrang sakit talaga ‘yung tanggalin ka na ginawa mo lang trabaho mo,” ani Lance.

Nag-duty rin si Lance sa isang komersiyal na bilding sa Bonifacio Global City. Dito sobrang hirap aniya ng pinagdaan niya. Hindi na lang kasi trabahong guwardiya ang pinapagawa sa kanya.

“‘Pag nakita ako ng may-ari na naka tayo lang, inuutusan ako magpunas ng salamin, maglagay ng uling sa palanggana at ilagay sa ilalim ng lahat ng upuan para daw di bumaho. Nagwa-wash-out na rin ako ng CR dahil ayaw niyang makita na madumi,” ani Lance.

Tinuruan na rin daw siyang maglipat ng tawag sa iba’t ibang departamento ng opisina.

“Noong una, ung isang telepono ang binigay sa ‘kin. Noong nakita nila na i-handle ko ‘yun, maya’t maya na ang binigay sa ‘kin. Hangang tatlong ring lang dapat at pagagalitan ka ‘pag natapos ‘yung tatlong ring na di nasagot,” kuwento niya.

Hindi rin daw naging maganda ang pagtrato sa kanya ng mga empleyado ng bilding. Habang pinasasagot na kasi siya ng mga tawag ay pinaglilista pa siya ng lumalabas na mga empleyado at inoorasan ang kanilang mga break. Kapag nailista niya na lampas sa oras, pinapagpaliwanag umano ng may-ari ang mga empleyado.

“Isang araw, tinawag ako ng may-ari, nagtanong kung may bottled water pa. Sabi ko, wala. Dalawang araw ko nang binilin sa secretarya niya yun. Kaya pinatawag siya at pinagalitan. Ako naman ang pinag-initan at pinahiya ako at pinagtaasan ng boses sa harap ng maraming tao,” aniya.

Di nagtagal, siniraan siya ng sekretarya at hinanapan ng butas para matanggal sa trabaho nang minsang late siyang makapag-biometric. Pero sa pagkakataong ito, aniya “OK lang ‘yun, dahil sobrang hirap dun”.

Bago maging security guard, dating manggagawang kontraktuwal sa isang warehouse si Lance. Lagi na siya dating namomroblema kung saan mag-aplay kada anim na buwan. Kaya nang alukin siyang maging security guard at kada tatlong taon na lang ang renewal, ginusto na rin umano niya ito.

Ipinasok siya ng agency sa programang “Train Now Pay Later”. Sagot umano ng agency ang training, uniform at binigyan pa siya ng panggastos noong nagsisimula pa lang. Umabot sa P18,000 ang kinaltas ng agency sa sahod niya para rito.

Para kay Lance, mali ang ginawa ni Paray. Aniya, “Humahanga ako sa lakas ng loob niya para magsalita at mabigyan pansin ang mga security guard. Pero maling-mali talaga ginawa niya.”

Saan dudulog?

Saan nga ba tatakbo sina Ives at Lance para idulog ang mga paglabag sa kanilang karapatan sa paggawa?

“‘Pag nagreklamo po ako sa DOLE (Department of Labor and Employment) o kay Tulfo, wala na pong tatanggap sa akin dahil ‘yun na ang kalakaran ng mga security agency. ‘Pag nalaman nila na nag-DOLE ka or nagpa-Tulfo, irereject ka nila,” ani Ives.

Dagdag pa niya, “Wala pong batas sa security guard para maproteksiyunan ang aming karapatan kaya ganyan ang nangyayari.”

Sa tingin ni Lance, sa kabila ng ginawa ni Paray ay tila di pa rin matutugunan ang paglabag sa karapatan ng mga gaya nilang security guard. “Baka kahit ilang dekada pa ang dumaan, di na ‘yan pag-usapan. Maraming nakikinabang sa sistema na ‘yan, kaya sa palagay ko ‘yun din dahilan bakit na-tolerate.”

Dahil karaniwang pag-aari ng mga dati o aktibong pulis o sundalo, normal nang patakaran sa mga security agency ang “obey first before you complain”. Kaya naman, karamihan din sa mga naagrabyadong guwardiya ay nananahimik na lang, sa takot matanggal sa trabaho, ma-blacklist, o pisikal pang masupil o mapaghigantihan.

Para kay Jhen Pajel, pambansang tagapangulo ng Kilos Na Manggagawa na pormasyon ng mga manggagawang kontraktuwal, naipapakita sa hostage-taking ni Paray sa Greenhills ang “pagkainutil” ng DOLE sa mga paglabag sa karapatan sa paggawa.

“‘Pag nagbalak kang magsampa ng reklamo sa DOLE, maaari kang tanggalin agad ng agency o employer. ‘Pag sinuwerte namang nakapagsampa ka ng reklamo, tutubuan ka na ng puting buhok bago pa maaksiyunan ang kaso,” ani Pajel.

Paliwanag niya, napakabagal ng takbo ng mga kasong inihahain sa National Labor Relations Commission (NLRC). May mga kaso pa umano na umaabot ng isa dekada o higit pa bago maresolba.

“Sa panahong tumatakbo ang mga kaso sa NLRC, bulnerable pa ang mga manggagawa sa panggigigipit at panunupil ng mga amo,” ani Pajel.

Dahil dito, hindi na umano nakakagulat na isinasakamay na mismo ng mga manggagawa ang pag-aksiyon sa kanilang mga hinaing sa pamamagitan sama-samang pagkilos at paglaban.

Para kay Pajel, walang ibang masasandigan at madudulugan ang mga manggagawa kundi ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagkakaisa sa pamamagitan ng pagbubuo ng unyon.

“Mahalaga para sa mga manggagawa ang unyon. Sa pamamagitan nito, sama-sama nilang naipaglalaban ang kanilang karapatan. Mapapalakas ang kanilang tinig at mas mahihirapan ang mga employer, agency at gobyerno na supilin sila,” ani Pajel.

Sa pamamagitan ng mga unyon ng mga manggagawa, nakakapagbuo ng mga proseso at mekanismo sa pagdulog ng kanilang mga hinaing sa employer. Maaaring sa porma ng mga grievance committee, diyalogo sa manedsment, mga kasunduang napagkakaisahan sa mga collective bargaining agreement, hanggang sa sama-samang mga pagkilos.

Tingin ni Ives at Lance, maganda sana kung magkaroon ng mga ganitong mekanismo sa hanay ng security guards. Ayon pa kay Ives, “Malaking tulong ‘yan para maprotektahan ang aming karapatan.”

Hiling nila

Tingin ni Ives, mayroon ding pagkukulang ang gobyerno sa pagtugon sa hinaing ng mga security guards kaya humantong si Paray sa isang desperadong hakbang.

Aniya, “Ipinangako ng mahal na Pangulong Duterte na itataas niya ang antas ng mga security guard,” pero hindi pa umano ito natutupad.

Kaya ang panawagan niya, sana’y magpasa ng panukalang batas ang Kongreso at Senado na proprotektahan ang security guards at hindi ‘yung minamaliit at hinahamak sila.

“Dapat magsabatas na ang ating Kongreso at Senado ng batas (para sa) ng mga security guard na naglalayong maparusahan ang mga ahensiya at kliyente na abusado at kung mapapatunayan ay managot sa batas,” ani Ives.

Dahil naman sa ipinakitang paninindigan ni Paray, maraming kapwa 5-9 niya ang nanawagan ng pagkakaisa ng kanilang hanay. Marami na rin ang nagpalit ng kanilang mga profile picture sa Facebook ng panawagan ng pagkakaisa at pagrespeto sa karapatan ng security guards.

Sina Lance at Ives, kapwa nagsabi rin na makikiisa at susuporta.

Sinabi ni Ives na makikiisa siya “para mapakita ko ‘yung suporta kay Paray para hindi masayang ang kanyang sakripisyo.”

Nitong Marso 8, nagsama-sama ang ilang security guards, na nagkaugnayan lang sa pamamagitan ng kanilang Facebook group, para sa isang pagtitipon para talakayin ang kanilang kalagayan at pag-usapan ang kanilang susunod na mga hakbang.

Matapos nito, dumalaw din sila sa kulungan kung saan nakapiit si Paray para kamustahin ito at ipakita ang kanilang suporta.

Sa huli, may panawagan si Ives, sa mga kanyang mga ka 5-9:

“Suportahan natin ang ating ka-5-9 dahil sa kanya nagising ang mga ahensiya at kliyente na huwag nila tayong hamakin at maliitin. Panahon na para protektahan natin ang ating propesyon bilang security personnel. Makiisa tayo sa ating ka 5-9 na panagutin ang ahensiya at mga kliyente,” ani Ives.

Read more

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Nagpapakain sa bayan, dinadahas, pinapatay

Ni AXELL SWEN LUMIGUEN, TRISHA ANNE NABORPinoy Weekly Ilang araw bago ang paggunita sa Buwan ng mga Magbubukid ngayong Oktubre, pinatay ang mga magsasakang sina Roger Clores at Ronnel Abril ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) sa Uson, Masbate noong...

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Pagigiit ng katiyakan sa trabaho sa Nexperia, tagumpay

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Matapos ang mahabang pakikipaglaban sa hindi makatarungang tanggalan at paglabag sa collective bargaining agreement (CBA), ipinahayag ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang tagumpay sa pagigiit nito ng katiyakan...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This