Makatarungang paglilitis ng mga human rights defender
January 23, 2023

Nanghingi ng proteksyon laban sa red-tagging ang iba’t ibang mga human rights organization mula sa Korte Suprema noong 2019. Kabilang rito ang Rural Missionaries of the Philippines (RMP), Gabriela, at Karapatan. Isang indibidwal din na kasama, si Elisa Tita Lubi.

Noong nanghingi sila ng proteksyon, idiniin nila ang pangha-harass ng gobyerno. Ilang halimbawa noon ang pagpatay sa tatlong human rights worker, ang pag-akusa ni Antonio Parlade Jr. sa RMP na tinuturuan nilang maging “radikal” ang mga bata sa probinsya at ang paglagay kay Lubi sa proposed terrorist list ng Department of Justice.

Noong taon ding iyon, tumugon si Hermogenes Esperon Jr., dating National Security Adviser, sa pamamagitan ng pagsampa ng perjury laban sa mga human rights defender mula sa tatlong grupong nabanggit. Inakusahan niya ang mga ito ng pagsasabi ng kasinungalingan tungkol sa pamahalaan.

Bukod pa rito, idiniin din ni Esperon na hindi na rehistrado ang RMP kaya hindi na ito maituturing na “nonstock, non-profit organization.” Binanggit din ni Esperon na nagbibigay ng pera ang cause-oriented organizations sa CPP-NPA-NDF mula sa mga grant ng mga foreign funding institution.

Pinapakita ng perjury case na isinampa ni Esperon ang dahilan sa likod ng paghingi ng proteksyon ng mga grupo at indibidwal sa Korte Suprema. Hindi lingid sa ating kaalaman, maraming buhay na ang nawala dahil sa red-tagging—karamihan dito, inialay para sa marhinalisado.

Ilang araw lang din bago ang pagsampa ng kaso ni Esperon, tinanggihan ng Court of Appeals na bigyan ng proteksyon ang mga nabanggit na grupo. Ayon sa Court of Appeals, “There is no evidence of extrajudicial killings, enforced disappearances, arbitrary arrests, malicious prosecutions and defamations…for these reasons, the petition is denied.”

Habang tinanggihan ang kahilingan ng grupo ng proteksyon, lumakad ang perjury case ni Esperon na nakaangkla sa expired registration ng RMP. Inabot ito nang mahigit sa tatlong taon.

Noong nakaraang linggo lamang, ipinawalang sala na ng Quezon City court ang 10 human rights defender na kinasuhan. Ayon sa korte, nabigo ang prosecution na patunayang nagkaroon ang mga inakusahan ng “willful and deliberate assertion of a falsehood.”

Hindi maitatanggi na malaking tagumpay ito para sa karapatang pantao ngunit kailangan din nating alalahanin na tatlong taon ang naging paggulong ng kaso. Higit pa rito, hindi dapat isinampa ang kasong ito. Konkretong ebidsenya ito kung bakit humingi ang mga aktibista ng proteksyon, kita naman kung paanong hina-harass ng mga opisyal ang mga aktibista.

Sabi nga ni Cristina Palabay, isa sa 10 human rights defender na napawalang sala, pangatlong beses nang na-dismiss ang kaso ni Esperon.

Una ang kaso ng Hilongos na nagpataw ng maraming murder charge sa mga peace consultant dahil sa Hilongos “mass graves” na nadiskubre sa Inopacan, Leyte noong 2006. Na-dismiss ito noong 2021. Pangalawa ang kaso ng Bulatlat na na-dismiss ng Quezon City court ang apila ng gobyerno na ibalewala ang ruling na nag-unblock sa Bulatlat website. Ayon sa korte, paglabag ito ng freedom of speech at press. Nagsimula rin ito sa utos ni Esperon sa National Telecommuncations Commission na i-block ang mga alternative news website, kabilang na rin dito ang Pinoy Weekly. Pangatlo itong perjury case na nagsimula noong 2019 na natapos din sa wakas.

Nagpapakita ang mga tagumpay na ito na mananaig ang tapang, pag-asa, katotohanan at katarungan. Ngunit huwag rin nating kalimutan na direktang panunupil ito ni Esperon sa mga aktibista na tumutugon sa mga sektor na nangangailangan. Kailangang panagutin si Esperon sa kanyang pananakot, pagbabanta at pagpapanganib sa mga aktibista. Dapat nating seryosohin ang red-tagging at panagutin ang mga nagpapatibay nito.

Sa kasamaang palad, patuloy ang pag-atake sa mga human rights defender. Kita natin ito sa kamakailang pagdukot kina Dyan Gumanao na coordinator ng ACT Union Region 7 at Armand Dayoha na volunteer ng Alliance of Health Workers-Cebu. Kilala ko si Dyan, isang student leader at honor student noong nag-aaral pa siya sa University of the Philippines Cebu. Isa sa pinakamahusay na kabataang Pilipino si Dyan. Sigurado akong gayon din si Armand, isang visual artist.

Ayon sa kanilang mga pamilya, parehas silang nawala. Kasunod nito ang paglakad ng kampanya upang palayain at ilitaw ang dalawa. Nagtagumpay naman ito sa kabutihang palad. Habang nagtapos nang mabuti ang kuwento ng pagkawala nina Dyan at Armand, maraming hindi papalarin sa hinaharap hangga’t hindi natutuldukan ang pag-atake sa mga human rights defender. Atty. Antonio La Viña/pinoyweekly.org

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This