Mga lider-mangingisda na anti-coal plant, hinarass ng PNP

0
108

Hinalughog diumano ng mahigit 10 miyembro ng Philippine National Police sa ilalim ng 415th Provincial Police Mobile Group ang Barangay Guisguis Talon sa Sariaya, Quezon upang hanapin ang organisador na si Ara Marcellana at iba pang mga miyembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) noong ika-18 ng Pebrero.

Ininteroga ng mga armadong pulis ang iba pang mangingisda sa komunidad at binantaan na huwag sumapi sa Pamalakaya at huwag makikipag-ugnayan sa mga organisador nito. Nanakot din ang mga pulis na aarestuhin ang mga lalabag, ulat ng grupo.

Kasalukuyang nangangampanya ang mga mangingisda sa nasabing barangay laban sa pagpapatayo ng San Miguel Corporation (SMC) Global Power Holdings Inc. ng coal-fired power plant na siyang sasakop sa apat na coastal barangay ng Sariaya. Ang apat na barangay na maapektuhan ay ang Guisguis Talon, Guisguis San Roque, Castanas, at Talaan Aplaya.

Manganganib ang kabuhayan ng mahigit 15,000 na mangingisda kung sakaling matuloy ang proyekto ng SMC.

“Pinagbibintangan po nila kaming mga NPA (New People’s Army) pero kami ay organisador ng Pamalakaya-Timog Katagalugan. Kasama po sa pag-ikot namin ng lugar ay iyong pagbubuo po ng mga samahan ng mangingisda,” ani Marcellana, coordinator ng Pamalakaya-Timog Katagalugan. “Ikinakabit nila yung NPA sa aming mga organisado, kahit ‘di naman po totoo,” dagdag pa niya. 

Epekto umano ang nasabing panghaharass sa pagdeklara ng Armed Forces of the Philippines ng all-out war laban sa NPA.

“Ang giyerang ito ay nagdudulot lamang ng paglabag sa mga karapatang pantao dahil ang tinatarget ng gobyerno ay iyong mga lider ng mga ligal at progresibong organisasyon, sa halip na iyong mga tunay na kalaban nila sa kabundukan ang paghahanapin,” ani Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya.

Kasabay ng ika-19 taon ng pagsasabatas ng Fisheries Code ng 1998 o Republic Act 8550 ay magkakaroon ng malawakang protesta sa buong bansa upang ipanawagan ang pagpapawalang-bisa sa nasabing batas.

Ayon sa PAMALAKAYA, sa loob ng humigit-kumulang 19 na taon ay nabigo ang Fisheries Code ng 1998 na iangat ang kalagayan ng pamumuhay ng mga mangingisda. “Wala itong intensyon na paunlarin ang atrasadong estado ng sektor ng pangisdaan. Kung anuman, pinanatili nito ang luma, tradisyunal at small scale na paraan ng pangingisda. Dagdag pa roon ay ang malaking kakulangan nito na maprotektahan ang mga yamang-tubig at kapaligaran laban sa pandarambong at pang-aabuso ng mga malalaking korporasyon,” ani Hicap.

Itinutulak ng grupo ang pagsasabatas ng panibagong fisheries reform law na tunay at lehitimong makatutulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga mangingisda sa bansa.

Ulat ni Jonnel Nicolas

Leave a reply