Pagpupugay kay Luis sa kanyang landmark na ika-80 kaarawan

0
176

Para sa akin, si Luis ang pinaka-beterano, sa yaman ng naisulat, sa journalism sa kasalukuyan na ang kanyang panulat at opinyon ay nananatiling pinakamatalas at makabuluhan dahil may yaman ng insights na nakaangkla sa kanyang yaman ng karanasan at kaalaman.

Siya rin ang columnist na nagbabantay sa media at walang takot na sabihin ang mga mali sa mga katiwalian nito.  Siya ang pinaka-literary sa mga journalist na ang prosa ay madulas sa pagiging malikhain at pagiging kritikal sa anumang paksang sinusulat nito.  Sa katunayan, may isang published collection of stories si Luis “The Undiscovered Country,” at marami ang nanghihinayang kung bakit hindi niya ipinagpatuloy ang pagsusulat ng literature, at tahakin primarily ang landas ng peryodismo.

Nasa personalidad ni Luis ang ‘ATM’ o ‘at the moment’ na tugon sa current events na for most part ay hindi kayang tugunan ng literary writing at natutugunan ng journalism.  Pero ang kanyang opinion columns ay hindi lamang pinakamatalas na pagsusuri na matatagpuan sa dyaryo pero isang resource sa mga yugto ng kasaysayan ng bansa at ng journalism sa bansa.

Kapag binabalikan ang mga sinulat ni Luis na matatagpuan sa kanyang blogsite at sa limang librong koleksyon ng kanyang mga column at speech, mauunawaan ang mga warning at red-flagging ni Luis sa mga political na isyu at kaganapan, at ang kanyang tagong frustration kung bakit ito naganap noon at kung bakit hindi ito nababago hanggang sa kasalukuyan.

At hindi rin iba si Luis kapag kausap mo ito, matalas ang kanyang mga opinyon sa bagaybagay sa mga nagaganap sa ating bansa at sa mundong ibabaw.  Parati niyang sinasabi ang kanyang frustrations sa mga bagaybagay, hindi lamang sa mga may kapangyarihan kundi pati na rin sa mga bumobotong maluklok ang nasa kapangyarihan pero wala rin naman siyang pagod ipagpatuloy ang matatalas na panunuring nababasa natin online, maging ang regular niyang interbensyon sa mga forum, panayam at interview.

Passionate at compassionate ang panulat ni Luis dahil passionate at compassionate siya sa pagtuturo ng journalism at media sa UP.  Maraming mga journalist sa iba’t ibang dekada ang dumaan sa kanyang pagtuturo.  Hindi lamang skills of writing at analysis ang itinuturo niya pero may diin sa ethics dahil sapul niya ang tama at mali, ang kumplikasyon ng mga kontradiktoryong gawi sa dyaryo at media.

Siya ang aking go-to kapag may tanong ako para malinawan sa dapat na tugon sa mga lumalabas na katiwalian sa media coverage at operations.  Siya ang may pinakamalalim na kaalaman hinggil sa ethics sa journalism at media dahil to a large extent, hindi siya lubos na pumaloob sa dyaryo at media kundi kumilos bilang opinion columnist, alternative news outfit editor in chief ng Philippine News Agency, at professor ng journalism.

Siya ang moral compass sa ethical practices sa journalism at media sa kasalukuyan, lalo na sa turn ng journalism sa ATM newsreporting, sensationalism sa writing para makahatak ng traffic sa online at iba pang kagawian at evolving practices na focused sa pagpapalakas ng algorithm ng online news outfits, pati na rin ang dismal working conditions ng mga journalist at ang harrasment at killing of journalists.  Dahil pinili niyang ideboto ang kanyang journalism sa service ng alternative media, nananatiling may kredibilidad ang opinyon ni Luis.

Nakasama ko si Luis simula nang lumipat ako sa Mascom noong early 2000.  Kasama ko rin siya sa mga protest actions sa mga atake sa media, at kahit mapili sa kinakain si Luis, nilu-look forward ko ang aming lunch hindi lamang para makakain ng healthier food kundi na rin para makipagbalitaktakan sa kanya at marinig ang kanyang opinion sa current affairs of the nation, pati na rin ng Mascom at UP.  Nagkasama at patuloy na nagsasama sa Altermidya-People’s Alternative Media Network.

Mapalad ako, Luis na nakilala kita, nakasama at putuloy na nakakasama sa Mascom, Altermidya, naging kaibigan mo dahil natuto at patuloy akong natututong magbukas ng mga mata para maging matalas ang sipat sa lipunan, bansa at mundo.  Natuto rin ako sa iyong maging spooting sa pananamit at presentasyon ng sarili sa Mascom kahit hindi ko kaya ang expensive taste mo sa mga kotse.  Pero higit sa lahat, natuto rin ako sa iyo na maging masungit, maangal, may angas, galit, frustrated, kritikal sa mga gawain pero productive na sungit naman na makakapagwasto at makakapagpabuti sa pagiging guro, administrador, manunulat, at pagiging tao, as it should be.

Hangad ko at namin sa Altermidya na maging masaya ka sa iyong 80th, patuloy mong pangalagaan nang mabuti ang iyong sarili at ang iyong anak.  Patuloy kang magsulat ng pinakamatalas, pinakamaanghang at pinaka-well written columns, at baka naman gusto mong balikan ang iyong literary writing?  Ang wish ko sa iyo ay masimulan ang iyong journalism memoirs na hindi lang tatalakay ng iyong pagkaunlad sa peryodismo pero maging ang iyong personal na take sa mga naging pag-unlad ng journalism sa bansa.

Padayon, Luis!

———————

Binasa sa online na pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni Prof. Luis V. Teodoro.

Leave a reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.