Pakay ng US sa EDCA at Balikatan
May 3, 2023

Nitong Abril 17, nagtipon ang mahigit 7,000 Cagayano sa Prayer Rally for Peace sa Tuguegarao City para ipakita ang pagtutol sa planong pagbubukas ng mga bagong base militar ng US sa kanilang probinsya. Nangangamba ang sila na maipit sakaling tumindi ang tensiyon sa pagitan ng US at Tsina.

Ito’y kasunod ng anunsyo ng gobyerno ng Pilipinas na pagbubukas doon ng panibagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.

Tinukoy ng Malacañang na balak gawing EDCA sites ang Camilo Osias Naval Base sa bayan ng Santa Ana, at Lal-lo Airport sa Cagayan, ang Camp Melchor dela Cruz sa Isabela, at ang Balabac Island sa Palawan.

Ayon sa Palasyo, makakatulong ang bagong EDCA sites sa pagpapalakas ng pagtugon ng bansa sa mga sakuna. Gagamitin din umano ang mga ito para sa humanitarian at relief operations sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Sinabi ni Clarita Lunas, dating supervisor ng Department of Education (DepEd) sa probinsya at isa sa mga nanguna sa Prayer Rally, sa pahayagang Manila Times na gagamitin ng US ang EDCA sites bilang lunsaran ng naka-ambang giyera dahil sa plano ng Tsina na bawiin ang Taiwan, giyera na aniya’y walang kinalaman ang Cagayan.

Damay sa giyera

“Dito sa amin sa Cagayan, ang EDCA ay katumbas ng giyera,” ani Cagayan Governor Manuel Mamba, isa sa mga lokal na opisyal na tutol sa pagtatayo ng EDCA sites sa probinsya.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), gagamitin ng US ang mga bagong base para sa pagpapakitang lakas at paghahanda sa giyera. Nakakabahala rin umano na nakatutok sa Taiwan ang mga tinukoy na EDCA sites sa Hilagang Luzon.

Ani Renato Reyes, presidente ng Bayan, sa mga tinukoy na lokasyon ipoposisyon ng US ang kanilang mga sandata at barko de-giyera laban sa Tsina na magpapatindi naman sa tensiyon at magdudulot ng pakikipagtagisan ng arma sa rehiyon.

“Hindi dapat pumayag ang Pilipinas na magamit sa mga tunggalian sa ibayong-dagat na labag sa ating pambansang interes at magiging sagka sa kapayapaan sa rehiyon,” ani Reyes.

Uminit ang tensiyon sa pagitan ng Taiwan at Tsina matapos ang sunud-sunod na pagdalaw ng mga opisyal at tropang militar ng US sa Taiwan. Bilang tugon, naglunsad ang Tsina ng mga eherisyong militar at nagpalipad ng mga eroplano’t misayl sa Taiwan.

Pinatindi ng militaristang pagpapakitang-lakas ng US ang tensiyon sa rehiyon ng Asya-Pasipiko. Pinaigting nito ang estratehiya na palibutan ng mga tropa at base militar ang Tsina.

Ayon sa Pentagon, may mahigit 313 military installations ang US sa Silangang Asya pa lang. Para kontrahin ang pagkordon ng US, agresibo ang Tsina sa pag-angkin ng mga teritoryo at pagtatayo ng mga pasilidad sa South China Sea.

“Panlilimos ang ipinakikita ni Ginoong Marcos para sa interes ng US. Ibinarter niya ang ating pambansang soberanya kapalit ng mga segunda-manong kagamitan at mga pinaglumaang barko,” ani Reyes.

Dagdag pa niya, pinayagan ni Marcos na madamay ang Pilipinas sa hidwaan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan na wala naman sa interes ng bansa.

Sabi naman ni Lunas, “Tungkulin ng ating mga lider na protektahan ang mga Cagayano mula sa mga kahirapan at pagdurusa na dulot ng posibleng giyera ng US at Tsina.”

Libreng base

Pinirmahan noong 2014, ang EDCA ay kasunduan ng US at Pilipinas na nagbubukas sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para gawing eksklusibong base militar ng US.

“Dapat nating malaman na ang EDCA ay makaisang-panig na kasunduan na nagpapahintulot sa US na magtayo ng mga forward bases kahit saan sa bansa nang libre,” sabi ni Reyes.

Imbes na magtayo ng sariling pasilidad, ginagamit ng US ang mga kampo ng AFP bilang imbakan ng mga sandata, kagamitan at tropang militar. Libre ang paggamit sa mga ito. Pilipinas ang gumagastos sa operasyon ng EDCA sites sa bansa.

Binigyan din ang US ng mga pribilehiyo gaya ng libre at walang buwis na paggamit sa tubig, kuryente at mga radio frequency ng bansa.

May limang EDCA sites nang nagagamit ang US sa Pilipinas kabilang ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Basa Air Base sa Pampanga, Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Mactan-Benito Abuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro.

Nagbabala ang Bayan na mauulit ang masamang epekto sa mamamayan at lipunan ng paparaming tropa at base militar ng US sa bansa. Sa karanasan sa Subic at Clark, magdudulot ang ito ng paglabag sa karapatang pantao, prostitusyon, child abuse, pagkabalahaw ng lokal na kabuhayan, at pagkawasak ng kalikasan.

Nagbabala ang Bayan na mauulit ang masamang epekto sa mamamayan at lipunan ng paparaming tropa at base militar ng US sa bansa. Sa karanasan sa Subic at Clark, magdudulot ang ito ng paglabag sa karapatang pantao, prostitusyon, child abuse, pagkabalahaw ng lokal na kabuhayan, at pagkawasak ng kalikasan.

Matatandaang kinasangkutan ng tropang ng US ang Subic Rape Case noong 2005 at ang pagpatay kay Jennifer Laude noong 2014. Parehong nahatulang guilty sa Pilipinas ang mga may salang sundalong Amerikano pero malaya silang nakauwi sa US. Taong 2013, nawasak ang ekta-ektaryang coral reef nang sumadsad ang barkong pandigmang USS Guardian sa Tubbataha Reef, isang UNESCO World Heritage Site sa Sulu.

Noong 1991, napalayas sa Subic at Clark ang mga tropang militar ng US dahil sa malawak na protesta ng mga Pilipino. Pero hindi natigil at paparami pa ang dumagsang tropa at armamentong pandigma ng US sa Pilipinas sa bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA), at kalaunan ng EDCA.

Ayon kay Propesor Roland Simbulan ng University of the Philippines, eksperto sa usapin ng US bases, dapat nang ibasura ang mga di pantay na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Imbes na mapaunlad, banta pa aniya ang mga ito sa seguridad at kapayapaan sa bansa.

“Sa ngayon, sitting duck ang Pilipinas dahil sa presensiya ng mga US bases. Tayo ang may pinakamaraming bilang ng mga base na ito. Bulnerable tayo sa anumang atake ng mga kaaway ng Amerika na hindi naman natin kaaway,” aniya.

Para naman kay Reyes, lahat ng umiiral na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas ay “nakabatay sa di-pantay na ugnayan sa pagitan ng imperyalistang kapangyarihan at neokolonya nito.”

Walang tigil na Balikatan

Idinaos naman sa bansa ang pinakamalaking Balikatan Exercise nitong April 11-28 na nilahukan ng mahigit 12,000 sundalong ng US military at 5,400 tropa ng AFP.

Ayon sa Embahada ng US sa Pilipinas, palalakasin ng joint exercise ang kakayahan ng dalawang bansa sa pagpaplano, koordinasyon, at magbibigay ng komand at kontrol sa magkasamang puwersa laban sa iba’t ibang mga senaryo at pagsubok. Kikinisin rin umano nito ang mga taktika, teknik, at procedure sa seguridad pangkaragatan ng AFP at US military.

“Dapat mabahala tayo sa agenda ng US sa mga war games na ito. Hindi ito tungkol sa soberanya ng Pilipinas. Ito ay tungkol sa inter-imperyalistang ribalan ng US at Tsina, at hindi tayo obligadong pumili ng isang bully mula sa isa pa,” ani Reyes.

Dagdag pa niya, ginagamit lang ng US ang Pilipinas bilang tuntungan para sa pakikialam nito sa rehiyon.

Kinundena naman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang ipinatupad ng “no-sail zone” sa mga karagatang malapit sa pinagdarausan ng Balikatan. Hindi umano katanggap-tanggap na pagbawalan silang mangisda lalo na’t peak season ang Pebrero hanggang Mayo.

“Hindi katumbas ng kung anumang benepisyo ng isinasagawang ehersisyong militar ang kagyat at kasalukuyang epekto ng isang araw na hindi pagpalaot sa mga mangingisda at kanilang umaasang pamilya,” ani Pamalakaya Vice Chair for Luzon Bobby Roldan.

Ayon pa sa mga mangingisda, 38 taon na umanong nagkakaroon ng mga Balikatan pero hindi naman nagawang mapalakas ang kakayanan ng Pilipinas sa pagdepensa sa karagatan.

“Konkretong halimbawa ang kung paanong hindi aktibong nadepensahan ng AFP ang West Philippine Sea nang okupahin at dambungin ito ng China,” ani Roldan.

Nitong Abril 23, habang nagaganap ang Balikatan, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na muntik nang sagasaan ng barko ng Chinese Coast Guard ang kanilang Patrol Ship sa Ayungin Shoal, isa sa mga inaangking teritoryo ng Tsina sa West Philippine Sea.

Nitong Abril 23, habang nagaganap ang Balikatan, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na muntik nang sagasaan ng barko ng Chinese Coast Guard ang kanilang Patrol Ship sa Ayungin Shoal, isa sa mga inaangking teritoryo ng Tsina sa West Philippine Sea.

Samantala, nakatakda namang magdaos ng panibagong joint military exercise sa bansa mula Mayo 1 hanggang 12 na tatawaging Exercise Cope Thunder. Para sa Bayan, pagpapakita ito ng pagiging sunud-sunuran ng gobyernong Marcos at ng “imperyalistang arogansya” ng US.

“Maaring maging permanente ang magastos, mapanira at mapang-upat na war games sa sandaling ianunsyo na ni Marcos at US President Joe Biden ang mas pinalawak na kasunduan sa seguridad sa kanilang pulong sa May 1,” ani Reyes.

Nanawagan naman ang Bayan sa mga makabayang Pilipino na “itakwil ang pagkapapet ni Marcos” at labanan ang nagpapatuloy na interbensyong militar ng US.

“Bigyang pugay natin ang ating mga bayani sa pamamagitan ng pagpanawagan sa kagyat na paglayas ng mga tropa ng US, pagbasura sa mga di-pantay na kasunduan gaya ng VFA at EDCA, at ipaglaban ang nagsasariling patakarang panlabas at pagdepensa sa soberanya,” panawagan ng Bayan. Neil Ambion/Pinoy Weekly

0 Comments

Trackbacks/Pingbacks

  1. Pwersa ng paggawa ang babaklas ng tanikala – UPLB Perspective - […] naman nakaambang mangyari. Nagdaos din ng Prayer Rally for Peace sa Tuguegarao City na dinaluhan ng pitong libong mamamayan…

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This