PAKI-EXPLAIN: The ‘War on Drugs’

0
201

Halos araw-araw na sa balita ang pagsuko, pag-aresto, at pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga. Nagaganap ang lahat ng ito sa gitna ng “war on drugs” ni Pang. Rodrigo Duterte.

Silipin natin ang tinatakbo ng kampanya laban sa ilegal na droga, na ayon sa bago nating pangulo ay isang malaking salot sa lipunan na kailangang sugpuin.

Gaano kalala ang problema sa ilegal na droga?

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2015, 20% o 1 sa 5 barangay sa Pilipinas ang apektado ng ilegal na droga. Sa Metro Manila, umaabot ito sa 92% ng mga barangay.

Ayon sa Philippine Center on Transational Crime, ang Pilipinas ay “transshipment hub” ng mga dayuhan at lokal na drug traffickers—kadalasan, sa mga daungan dumadaan ang droga mula sa Tsina. Sinabi ni PNP Chief Ronald Dela Rosa dumadaan din ang mga ito sa paliparan ng Clark Air Base sa Pampanga.

Sinu-sino ang tinutugis sa kasalukuyang kampanya kontra droga?

Kalakhan, maliliit o street-level na mga drug pusher at dealer.

“These are operations of our lower units by our police stations. So, ‘yung mga operations in that level, normally talagang mas marami ang street-level,” sabi ni PNP spokesperson Senior Supt. Dionardo Carlos.

May ilan din na umano’y malalaking personahe o nasa listahan ng mga most wanted ang naging target. Gaya ng pinaghihinalaang “No. 1” drug lord sa Central Visayas na si Jaguar Diaz, na napatay sa operasyon.

Sa unang pagkakataon, tinukoy ng isang pangulo ang mga heneral na nagpapatakbo at protektor diumano ng mga sindikato sa droga. Limang heneral na ang pinangalanan ni Duterte. Papangalan daw niya sa susunod na mga araw ang iba pang heneral, gayundin ang mahigit-kumulang 200 na local officials—mayor, gobernador, kongresista, at bokal—na diumano’y involved sa droga.

Duterte released the Generals who were involved in drugs syndicate. No one ever did that to us but he did because we deserved to know.

— TAO MALIK. (@745INK) July 12, 2016

one of the generals Duterte called out 4 drugs was my neighbor… no wonder they moved into a bigger house and bought so much new cars ??

— Chris (@chriscabico) July 6, 2016

Maglalabas din ng memorandum ang Palasyo sa mga mayor at barangay captain para sabihing iimbestigahan ang mga lugar na diumano’y malaganap ang ilegal na droga.

Ilan na ang inaresto?

Ayon sa PNP, 5,845 mula Mayo 10 hanggang Hulyo 3. Mahigit kalahati na ito ng 10,868 indibidwal na inaresto ng PNP sa pitong buwan noong nakaraang taon. Simula naman noong maupo si Duterte, tinatayang may 141 suspek kada araw ang inaaresto ng pulisya.

Ilan na ang sumuko?

60,393 na ang sumuko sa mga awtoridad simula noong Hulyo 1. Pinakamalaki ang 4,064 indibidwal na boluntaryong nag-surrender sa Tagum City.

Ilan na ang pinatay?

Ayon sa Philippine National Police, mula Mayo 10 hanggang Hulyo 3, 103 suspek na ang napapatay sa mga operasyon ng pulisya. Hindi pa naglalabas ang PNP ng datos hinggil sa pagpatay sa mga suspek laban sa police operations.

Sa talaan naman ng Philippine Daily Inquirer, mula Hulyo 1 hanggang 11, nasa 136 na ang drug-related deaths—kasama dito ang 51 indibidwal na pinatay ng mga hindi pa nakikilalang hitmen.

Ayon naman sa talaan ng ABS-CBN, nasa 385 na ang drug-related deaths mula Mayo 10 hanggang Hulyo 14.

Mula sa FB ni Israel Bobadilla
Mula sa FB ni Israel Bobadilla

Kung hindi namatay sa police operation, sino ang pumatay?

Yan ang malaking tanong. Walang iisang grupo na umaamin sa pagpatay. Inamin ni Dela Rosa na posibleng mga grupong vigilante ito, o maging mga ordinaryong mamamayan: “Kahit sino siya, basta galit sa droga.” Bagamat sinabi niyang hindi sang-ayon ang PNP sa extra-judicial killings, sinabi rin niyang:

“Kung gusto man nilang gawin, gawin na lang nila, wag na lang nilang ipaalam sa akin.”

Hala.

Ngunit makaraan ang ilang araw, sinabi na ni Dela Rosa na posibleng mga miyembro ng sindikato ay nagsasagawa ng cleansing o paglilinis sa sarili nilang hanay, nang sa gayon ay hindi makapagturo. Diin pa niya:

“I hate extrajudicial killings. I hate vigilantism. Ayaw na ayaw ko ’yan.”

Bakit ba umaalma ang mga tao dahil sa usapin ng human rights?

Dahil may karapatang pantao kahit ang mga tulak ng droga. At dahil hindi pa naman talaga napapatunayan ang kanilang krimen: suspek pa nga lang eh.

Karumal-dumal at hindi makatao ang extra-judicial killings sa mga suspeknatatagpuan sa kung saan ang bangkay, minsan may ebidensya ng tortyur, at may nakasabit pang karatula na nakasulat: “Huwag Tularan.”

Mula sa FB ni Arienne Onday
Mula sa FB ni Arienne Onday

Bilang pagtutol, isang estudyante na ang nagsuot ng karatulang “Lahat Tayo Posibleng Drug Pusher,” para ipakita na hindi tama na patayin ang isang tao dahil lamang napagbintangan (o kahit pa nga totoong) nagtutulak ng droga.

Mayroon na ring mga ulat na ginagamit ng mga opisyal ng barangay ang kampanya kontra-droga para i-target ang mga karibal sa pulitika. Ganoon kasi kapag hindi nasusunod ang due process: kahit sino—kahit ikaw, o ako—pwede maging target. Ganern.

Teka. Bakit ganoon karaming suspek ang namamatay sa shootout?

Marami ang nagtatanong: kung totoong nanlaban ang mga suspek, bakit wala pang pulis na naiuulat na nasugatan sa mga operasyong ito? Sa rules of engagement ng pulisya, maaari lamang nito barilin ang isang suspek sa self-defense. Sa iba pang mga kaso, nasa kustodiya na ng PNP ang suspek nang umano’y nanlaban ito at saka binaril. Kaduda-duda.

Ayon na nga mismo kay Duterte, posibleng ang nangyayari ay cleansing ng pulisya sa kanilang hanay para mapagtakpan ang pagkakadawit sa ilegal na droga:

“Baka yung pinatay nila, mga bata nila.”

Siyempre, kung ganoon, dapat utusan din niya ang PNP na habulin ang mga pulis na gumagawa nito.

Matagal nang pinupuna ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang ganitong mga operasyon kontra-droga laban sa maliliit na pusher at dealer.

“Sa matagal na panahon, ginagawa ito ng PNP para lamang mapunuan ang kanilang quota, magpabango sa media, at mapatay ang mga karibal na sindikato o asset ng pulis…habang pinagtatakpan ang patuloy na operasyon ng mga sindikato,” sabi ng CPP.

Bukas sa kooperasyon sa administrasyong Duterte ang rebolusyonaryong grupo sa kampanya kontra-droga, basta’t walang paglabag sa karapatang pantao, at prayoridad ang malalaking personahe sa PNP at Armed Forces of the Philippines na protektor ng mga sindikato. Nanatiling nasa kustodiya ng NPA ang isang opisyal ng PNP sa Davao Oriental na umano’y sangkot sa ilegal na droga.

kung dati PNP nangriraid, ngayon PNP station niraid dahil sa drugs at NPA pa nangraid. what a twist!

— Chara (@ChichaWaters) June 2, 2016

So, gaano nga kalaki ang involvement ng PNP at AFP sa ilegal na droga?

Kung mismong mga heneral ang involved, eh di malaki.

Mayroon nang mga pulis na nag-surrender at napatay sa mga operasyon kontra-droga. May miyembro ng SWAT na nahuling gumagamit ng droga. Mayroon ding mga police officer na itinuturo ng mga sumusuko.

Ayon sa CPP—na matagal nang may kampanya laban sa malalaki at notoryus na drug traffickers—ang halos araw-araw na mga raid ay indikasyon na

“matagal nang alam ng pulisya at LGU officials ang tungkol sa operasyon ng mga sindikato.”

Hindi lang PNP at AFP ang involved sa droga. Malalim umano ang ugat ng drug industry sa PDEA, National Bureau of Investigation, at Department of Interior and Local Government.

Noong kampanya, sinabi ni Duterte na walang silbi o “useless” ang PDEA, at na sangkot sa ilegal na droga ang isang mataas na opisyal na hindi niya pinangalanan.

Walang updated na ulat hinggil sa kasalukuyang pagkakasangkot ng mga awtoridad sa ilegal na droga. Pero ayon sa Presidential Task Force on Intelligence and Counter-Intelligence noong 1998, nasa 2,423 miyembro ng AFP at PNP ang sangkot sa iba’t ibang krimen kabilang ang ilegal na droga.

Bakit ganoon na lang ang involvement ng mga awtoridad sa drugs? Usapin lang ba ito ng korupsiyon?

Hindi lang. Sa kasaysayan, ginagamit ng mga kolonyalista at ruling class ang droga para i-“desensitize” ang masa o gawin silang manhid sa matinding kahirapan. Winawasak din nito ang kanilang pagkakaisa at pinahihina ang kanilang kapasyahang lumaban sa mga nang-aapi sa kanila.

Sabi ng CPP:

Malinaw na sa mga lugar na may matinding presensiyang militar, lumalaganap din ang droga at iba pang gawaing “anti-social.”

Bago rin daw magsagawa ng operasyong militar, humihithit muna ang maraming sundalo ng shabu, para magkaroon ng “false sense of courage” sa giyerang isinasagawa nito laban sa mga mamamayan. Wasak.

Kaya’t ang tagumpay ng “giyera kontra droga” ni Duterte ay hindi umano madadaan sa maliitang mga raid. Kailangan umano ng malupit-lupit na shakedown at reorganization sa AFP at PNP, at malitis at maparusahan ang pinakamalalaking drug trafficker at kanilang mga protektor sa gobyerno.

when-npa-joins-war-on-drugs-with-duterte-govt-but-2929810

Kapag nagawa yon, mawawala na ang ilegal na droga?

Siyempre hindi. Sa huli, kailangan matugunan ang mga ugat ng malawakang kahirapan at social inequality sa bansa, na dahilan ng paglaganap ng ilegal na droga.

“Sa mayayamang 1% ng lipunan, ginagamit nila ang droga para lalong magpakasasa at maampat ang boredom sa buhay. Para naman sa mayorya na walang trabaho o underemployed, ang droga ay paraan para makatakas sa kanilang miserableng mga buhay,” ayon kay CPP founding chairman Jose Ma. Sison.

Isang problemang kinakaharap ngayon ng administrasyon ay kung ano ang gagawin sa libu-libong mga adik at pusher na sumuko: kailangan ng kagyat na plano para sa kanilang rehabilitasyon, gayundin sa paglikha ng mga trabaho at libangan na kapaki-pakinabang sa lipunan.

Ano ang plano ng administrasyong Duterte para sa libu-libong surrenderees? Kuha sa Tagum City, mula sa FB ni Nene Katorse.
Ano ang plano ng administrasyong Duterte para sa libu-libong surrenderees? Kuha sa Tagum City, mula sa FB ni Nene Katorse.

Pero posible nga bang mawala ng ilegal na droga sa isang lipunan?

Nagawa raw ito sa Tsina sa loob ng tatlong taon, pagkatapos manalo ng rebolusyon noong 1949. Minobilisa ni Mao Tse-Tung ang mga mamamayan laban sa ilegal na droga, sa pamamagitan ng malawakang edukasyon. Sinusunog ng mga komunidad ang droga. Tinatrato ang mga adik na biktima ng sistema—kapag sumuko, pinupuri sila sa halip na inaaresto, o kung inaaresto man ay isinasailalim sa “neighborhood watch” o rehabilitasyon.

Samantala, ang malalaking drug traffickers ay nililitis sa harap ng mga mamamayan, kung saan nag-testify ang mga nasira ang buhay dahil sa droga. Ang parusa: habambuhay na pagkakabilanggo o kamatayan (hindi marami ito: 5 hanggang 6 na drug trafficker lamang sa malalaking siyudad ang nahahatulan ng kamatayan).

Sa halos 20 taon, umano’y halos nawala ng drug addiction ng Tsina—bumalik na lamang ang ilegal na droga sa bansa noong 1976, sa pagtahak ng landas sa kapitalismo at pagtakwil ng mga pinuno ng Tsina sa rebolusyong sosyalista.

Kampanya kontra-droga na edukasyon ang sentrong pamamaraan, bahagi ng Cultural Revolution sa Tsina.
Kampanya kontra-droga na edukasyon ang sentrong pamamaraan, bahagi ng Cultural Revolution sa Tsina.

Patunay umano ito na hangga’t walang rebolusyong sosyal, mananatili ang salot ng ilegal na droga sa isang lipunan.

Avatar

Leave a reply