Ni ANDREA JOBELLE ADAN
Pinoy Weekly
Kapag ipinapanawagan ang paglaya ng Palestine “from the river to the sea,” kasama dito hindi lang ang Gaza, kung hindi mga komunidad hanggang sa okupadong West Bank na katabi ng ilog ng Jordan. May 40 kilometro sa hilagang kanluran ng Gaza, may lawak 5,655 kilometro kuwadrado ang West Bank, ‘di hamak na mas malaki sa binansagang “open air prison.” May ilan mang pagkakaiba, hindi naman nalalayo ang imahen ng karahasan sa parehong komunidad.
“May mga balita ngayong linggo [ng Marso] na kahit labag sa international law, may plano ang Israel na magpatayo ng 3,476 na dagdag na settler homers sa Maale Adumim, Efrat at Kedar,” ani United Nations (UN) Human Rights chief Volker Turk. Sa ganitong paraan, ayon kay Turk, matatawag itong pangangamkam ng lupa na mababansagang isang “war crime.”
Ito ay matapos ang naitala ng UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs na demolisyon ng 917 na mga kabahayan at istruktura na pagmamay-ari ng mga Palestino sa West Bank, kasama na ang 210 sa East Jerusalem, mula Nobyembre 2022 hanggang Oktubre 2023.
Aabot sa 3 milyong Palestino ang naninirahan sa West Bank. Kinuha ng Israel ang kontrol sa lugar matapos ang binansagang “Six-Day War” noong 1967 pero para sa mga Palestino at sa kalakhan ng internasyonal na komunidad, ilegal na okupasyon ito.
Sa kabila ng pagtutol ng maraming organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, patuloy na nagpapalawak ng settlement ang Israel sa West Bank. Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng karatig-bansa na Jordan, malinaw na lumalabag sa international law ang Israel.
Sa kasalukuyan, may 160 na housing settlement na ang naipatayo doon, mula sa lupain ng mga dating naninirahan na Palestino. Marami sa kanila ang napilitang lumikas dahil sa tuloy-tuloy na atake.
Magmula Okt. 7, lagpas 400 Palestino na sa West Bank ang pinaslang ng puwersa ng Israel ayon sa huling tala ng Palestinian Health Ministry. Higit sa 100 sa mga ito ay bata.
“Nakatayo lang ako sa labas, tapos sa isang sulok naglalaro ng football si Mujahed kasama ang iba pang bata. Tapos biglang tumama ang missile,” sabi sa Al Jazeera ni Mohammad Saaida, ama ng 14 taong gulang na si Mujahed Saaida na kasama sa mga batang namatay sa mga airstrike ng Israel noong Okt. 19.
Taga-Tulkarem sa West Bank sina Saaida, may 105 kilometro ang layo sa Gaza. Naninirahan sila sa isang refugee camp nang mangyari ang insidente. Apat na bata ang namatay, kasama ang walo pang nakababata ring mga kalalakihan.
Ayon sa Palestine Red Crescent Society at sa pamilya ni Saaida, nahirapang makatanggap ng paunang lunas ang mga kabataan dahil pinigilan ng puwersa ng Israel ang pagdating ng mga ambulansiya.
Nitong Mar. 12, patay sa pamamaril ang 13-taong-gulang na si Rami al-Halhuli sa Shu’fat refugee camp. Ayon sa Israeli Border Police, tinutukan sila ng fireworks ng bata. Sabi pa ni Israel National Security Minister Itamar Ben-Gvir sa kanyang X (dating Twitter) account, sumasaludo siya sa pumatay sa terorista.
Sa nakalap na mga testimonya ni Al Jazeera reporter Laura Khan, naglalaro lang ng paputok ang bata. Karaniwan ito kapag sumasapit ang banal na buwan ng Ramadan.
Dayuhang pangangamkam
Nakumpirma ng UN Human Rights Office noong Dis. 27 na mula Oktubre 2023, pangunahin na pasimuno sa pandarahas ng mga Palestino sa West Bank ang Israeli Security Forces. Pero may ilang mga pagpaslang na pinangunahan ng mga Israeli settler o dayuhang nangangamkam ng lupa ng mga Palestino.
Ayon sa Marso 2024 report ng UN Office of the High Commissioner on Human Rights (UN OHCHR), sa unang siyam na buwan ng 2023, hindi bababa sa 835 na insidente ng pandarahas ng mga Israeli settler ang pinagdusahan ng mga residente sa West Bank, East Jerusalem at Syrian Golan.
“Sa halos kalahati ng lahat ng insidente ng pandarahas mula Okt. 7 hanggang 31, nagsilbi pang escort o aktibong katuwang ng mga umaatakeng Israeli settler ang puwersa militar ng Israel,” sabi sa ulat.
Ang mga nagpapastol na komunidad ng mga Palestino sa West Bank ang isa sa pinakabulnerable sa puwersahang pagpapaalis. Ayon sa UN OHCHR, mula Enero 2022 hanggang Setyembre 2023, may 1,105 ng indibidwal mula sa 28 komunidad na ito ang displaced o hindi makabalik sa kanilang mga kabahayan dahil sa direktang pandarahas ng mga settler o panghaharang ng mga ito sa lupang pinagpapastolan ng mga Palestino.
Lalong tumindi ang pandarahas noong Oktubre kaya napilitang lumikas ang 136 na mga pamilya, kasama na ang 435 na mga bata.
“Kailangan na agad itigil ng Israel ang mga atake nito laban sa mga Palestino,” sabi ni Turk. Ayon sa kanya, para matuldukan ang karahasan, kailangan ng isang politikal na solusyon na “magwawakas sa okupasyon [ng Israel], magtatatag ng isang malayang estado ng Palestine, at gagarantiya sa pundamental na karapatan ng mga Palestino.”