Rebyu: ‘Hamilton’ 
November 24, 2023

 
Dulang mas magandang panoorin sa malayo. 
 
‘Yan ang sinabi namin sa aming sarili bago magsimula ang palabas. Nasa bandang likod na kasi ang mga upuan namin. Pero hindi ito nakabawas sa pagkaaliw sa panonood. Salamat sa lottery, at natunghayan din ang di-sana-abot-kayang Broadway musical na ito: ang kuwento ng burges na rebolusyong Amerikano na kinakatawan ni Alexander Hamilton.  
 
Siyempre, kabisado ko ang lahat ng kanta, pero pinigilan ang sariling makisabayan sa pag-rap at hayaan ang aking kasama na madiskubre ang dula sa unang pagkakataon. Pagkatapos pa lang ng Act I, abot-tenga na ang ngiti niya.  
 
Nakatulong, siyempre, sa katuwaan namin ang napakagandang musika ni Miranda. Walang saliwang nota, kumbaga, sa kanyang obra. Kamangha-mangha ang kumplikadong direksiyon ng “Satisfied,” ang paborito kong numero sa buong dula. Sa totoo lang, kaiba sa maraming megamusicals sa Broadway o West End, turntable lang ang masasabing high-tech sa produksiyon ng Hamilton. Dinala ang dula ng makabagbag-damdaming naratibo at ng nakahahawang tibok at himig ng musikang hiphop at R&B ni Miranda. Minsan pang inihalintulad ng dramaturg ng dula sa Public Theater kung saan unang pinalabas ang Hamilton – ang nagpapakilalang sosyalista na si Oskar Eustis – si Miranda kay Shakespeare: ginamit niya ang wika ng kalsada at dinala sa entablado.  
 

* * * 
“A story of America then, told by America now” ang katagang laging ginagamit ng manlilikha nitong si Lin-Manuel Miranda para ilarawan ang dula. Ito’y dahil repleksiyon ang cast nito ng iba’t ibang lahi sa Amerika ngayon. Ipinagpapalagay ng census ng naturang bansa na magiging minorya na ang mga Caucasian o puting lahi sa kanilang bansa sa taong 2045. Dahil ito siyempre sa migrasyon – at sa kabila ng mga tangka ng mga Konserbatibo at ni Donald Trump na ampatan ang pag-agos ng mga migrante tungo Amerika.  
 
“This is an immigrant story,” sabi pa ni Miranda sa maraming panayam. Galing sa islang Nevis sa West Indies si Hamilton, na nakarating sa Amerika na nasa gitna ng rebolusyonaryong pag-aalsa laban sa kolonyalismong Ingles. “I wrote my way out,” sabi niya sa isang kanta – katulad ng maraming migranteng umasenso sa Amerika at iba pang bansa dahil sa sariling talino at pagsisikap. Katulad daw niya ang bansang ipinapanganak pa lang noon: “young, scrappy and hungry.” Sa maraming antas, kinakatawan ni Hamilton ang Amerika. Sa maraming dahilan, si Hamilton ang Amerika. 

* * *
Siyempre, pag-uwi, high na high sa pagkatuwa, pinanood uli namin ang dula – sa telebisyon. Nasa isang streaming service ang isang “proshot” (kuha ng pagsasadula ng isang propesyunal na film crew) ng pagtatanghal ng Hamilton sa Broadway. Kinailangan pa naming mag-aplay ng isang buwang libreng subok sa Disney+ para mapanood ito. 
 
Sa naturang streaming service, may kasamang bidyo ang proshot: isang Zoom interview ng host na si Robin Roberts sa orihinal na cast ng Hamilton. Isinagawa ang panayam sa konteksto ng tumitinding mga protesta sa Amerika laban sa sistematikong brutalidad ng mga pulis sa mga lahing itim. Iba ang tama ng Hamilton ngayon sa panahon ng Black Lives Matter, ani Miranda. Kasunod ng mga protesta kontra diskriminasyon sa lahi ang laganap na mga aksiyon para itumba ang mga bantayog ng “founding fathers” na kumakatawan sa sistematikong rasismo – mga slaveowners tulad nina Hamilton at George Washington.  
 
“Darating ang panahon na magiging ‘cute’ o ‘quaint’ na lang ang Hamilton,” sabi ni Leslie Odom Jr., na orihinal na Aaron Burr sa musical. Ngayon pa lang, may ilan nang kumukuwestiyon sa atensiyong binibigay ng dula sa isang slaveowner tulad nina Hamilton, Washington, Burr, at iba pa. May mga katulad ng awtor na itim na si Toni Morrison na diumano’y kinamuhian ang Hamilton kahit hindi niya ito napanood.  
 
Malay sina Miranda sa mga batikos, at batay lang sa panayam, hindi nila iniiwasan ang mga ito. “Kailangan kong tanggapin na kapwa totoo ito: na may dakilang ginawa sa kasaysayan si Washington, at mayroon din siyang kamuhi-muhing mga ginawa,” sabi minsan ni Christopher Jackson, isang itim na aktor na gumanap ng Washington sa dula.  
 
Darating kaya ang panahong hindi na magiging katanggap-tanggap sa publiko ang pagtatanghal kina Washington bilang “bayani”? Maaari. Hindi naman talaga maiiwasang “maluma” ang isang teatrikal na piyesa sa paglipas ng panahon. Halimbawa, siguradong hindi na basta tatanggapin ang pagsasadula ngayon ng West Side Story na hindi Latino o Latino-Amerikano ang gaganap na Maria. Aani rin siguro ng batikos ang pagsasadula ngayon ng Evita kung puting Amerikana na naman (kahit pa popstar) ang gaganap na Eva Peron. Tiyak, sa muling staging nito sa Marso 2024 sa Pilipinas, mauungkat muli ang mga batikos sa Miss Saigon katulad ng misrepresentasyon sa mga Biyetnames. Hindi rin ligtas dito ang Hamilton, na, sa taong 2023, at sa kabila ng tagumpay nito sa aspekto ng pangkulturang epekto at pampinansiyang ganansiya, ay maituturing na lang bilang isang produkto ng imperyo para ikonsumo ng ating malakolonyal na merkado. 
 

* * *
Malay kami sa mga puntong ito, pero hindi pa rin ito nakabawas sa kasiyahan ng panonood. Simula’t sapul, tiningnan ko na si Hamilton ni Miranda bilang kinatawan ng burges na rebolusyong Amerikano – sa yugtong burgesya pa ang pinakarebolusyonaryong uri sa lipunang Amerikano. Noong panahong iyon, nagkasabay o nagkatugma ang pansariling (burges na) ambisyon ng mga edukado at tao sa pangmalawakan at rebolusyonaryong hangad ng mga Amerikano para lumaya mula sa pangingibabaw ng kaharian ng baliw na si Haring George. Nagpatuloy ang rebolusyonaryong yugto ng Amerika hanggang kalagitnaan ng Act II – sa industriyalisasyon ng bansa, salamat sa sistemang pamumuhunan ng sentralisadong gobyerno na itinatag ni Hamilton.  
 
Binuo ng dula ang arc o kuwento ng burgesya: sa huling bahagi ng Act II matutunghayan ang trahedya ng ambisyon ni Hamilton. Masasabing pagbabadya ito sa ultimong patutunguhan ng uring burges, ang trahedya ng mga bayaning nag-aastang sila ang mapagpasyang puwersa sa pag-inog ng kasaysayan. Mabuting naging entry point ang Hamilton sa pagkainteres ng maraming kabataang Amerikano sa kanilang kasaysayan. Mainam na balansehin ito ng pagbabasa sa (at pagpapalaganap sa framework ng) A People’s History of the United States ni Howard Zinn: ang mga mamamayan – ang iba’t ibang lahi nito – ang tunay na mapagpasya sa kasaysayan. Sana may magsulat ng dula hinggil sa “kasaysayang bayan” batay sa lente ni Zinn. 
 
At kapag naisulat at naitanghal na ang dulang iyon, sana’y hindi na kailangang umasa sa lottery para makapanood. 

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

More stories

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

News in Pictures | Fil-Ams protest trilateral meeting in DC

MANILA – Filipino-American activists protested Ferdinand Marcos Jr.’s visit to the United States for the first trilateral U.S.-Japan-Philippines leaders’ summit on April 11. The national day of action was led by the Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-US. Protests were...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This