Diwang palaban ng kababaihang bilanggong politikal
April 5, 2024

Ni MICHELLE MABINGNAY
Pinoy Weekly

Bilang ina, gustong masaksihan ni Teresita Abarratigue ang mahahalagang yugto ng buhay ng kanyang pitong anak—ang kanilang mga kaarawan, pagtatapos, pagbuo ng pamilya at iba pa.

“Normal naman yata na pangarapin ‘yon [ng mga nanay],” anang 55 taong gulang na tubong Samar.

“Pero kahit ‘yong simpleng pangarap na ‘yon, pinagkakait pa ng gobyerno sa’min. Hanggang ngayon, hindi pa rin nila kami pinapalaya kahit wala naman talaga kaming kasalanan,” dagdag n’ya, may galit sa boses.

Isa si Abarratigue sa 11 bilanggong politikal na nasa Correctional Institution for Women (CIW). Sa datos ng Kapatid-Friends and Families of Political Prisoners, umaabot sa 786 ang kabuuang bilang ng mga bilanggong politikal sa Pilipinas, 99 dito ang inaresto at kinulong sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang 159 o 20% dito ang kababaihan.

Dating magsasaka si Abarratigue. Batid at naranasan niya mismo ang masahol na kalagayan ng pagsasaka sa bansa. Kalaunan, ito ang nagtulak sa kanya para sumapi sa isang lokal na grupong nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa.

Pero ang paniniwala at pagkilos niya para sa kapakanan ng kapwa magsasaka ang siya ring ginamit ng estado laban sa kanya.

Naaalala pa niya, buo at malinaw, ang nangyari noong madaling araw ng Nob. 23, 2012. Habang natutulog silang mag-iina, marahas na pinasok ng pulisya ang kanilang bahay at walang pakundangang tinaniman ng armalayt ang kanyang unan. Bago dalhin sa Samar Provincial Jail, tatlong araw din siyang dinetine ng mga pulis. Pinapaamin siya sa kasalanang hindi niya ginawa. 

Pagkatapos ng anim na taon, hinatulan siya sa gawa-gawang kaso ng pagpatay. Inilayo rin siya sa kaniyang pamilya at inilipat sa CIW sa Mandaluyong City noong 2019.

Bukod kay Abarratigue, nakadetine rin ngayon ang kanyang anak at manugang na sina Grace Abarratigue Versoza at Juan Paolo Versoza dahil sa huwad na kasong robbery with homicide.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, hindi nagkakalayo ang mga kuwento ng pag-aresto at pagkakakulong ng iba pang bilanggong politikal sa bansa. Halos lahat umano ay inaresto sa alanganing oras, sinalang sa mental torture para “mapaamin,” at sinampahan ng hindi makatotohanang mga kaso.

Si Marites Coseñas, na organisador din ng mga magsasaka sa Samar, ay dinala sa kampo ng mga militar at pinapaaming miyembro ng New People’s Army.

“Namimilit sila, pero wala naman akong aaminin e,” sabi ni Coseñas.

Bago pa man mahuli, iniinda na ni Conseñas ang pamamaga ng kanyang kanang hita. Nahirapan siyang igalaw ito, pero gumaling na lang din umano sa loob ng piitan. Gayunpaman, noong Mayo 2022, napansin naman niyang may tumutubong cyst sa kanyang dibdib.

Ani Coseñas, hindi sila pinapayagang ng management ng CIW na magpagamot sa labas kahit pa malala na ang kanilang mga sakit. Karaniwan umanong hinaharap ng mga bilanggo ang sakit sa suso na minsan ay cancerous pa. 

“Kahit anong sakit ng mga tao dito, paracetamol lang ang binibigay [ng pamunuan ng CIW],” dagdag pa niya.

Dahil sa paggiit ni Coseñas at iba pang kaibigan sa labas at loob ng bilangguan, nakapagpakonsulta siya sa doktor nitong Pebrero, dalawang taon ang makalipas. Base sa inisyal na suri ng eksperto, walang nakitang tumor pero kailangan pa niyang bumalik sa susunod na buwan.

Sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dapat maisabatas na ang House Bill 401 o An Act Defining the Rights of Women Deprived of Liberty in Jails and Correctional Facilities and Providing Funds for Their Enforcement na nagsusulong ng karapatan ng kababaihang bilanggo.

Bukod sa pahirapang pagpapagamot, sakit sa ulo rin ng mga bilanggong politikal at person deprived of liberty (PDL) sa CIW ang mataas na presyo ng bilihin at sistemang cashless.

Sabi ni Cleofe Lagtapon, asawa ni National Democratic Front of the Philippines peace consultant Frank Fernandez, nagkakahalaga ng P10 ang bawat piraso ng kamatis at P80 naman ang ampalaya.

“Napakamahal ng presyo ng mga pagkain! Dapat magbigay ng full support ang gobyerno at hindi iasa sa mga naghihirap na pamilya ng PDL,” ani Lagtapon.

Nitong Mar. 4, pinangunahan naman ng mga bilanggong politikal sa CIW ang pagsusumite ng liham kontra sa abusadong cashless system. Sinuportahan ito ng mahigit 3,000 PDL na pumirma sa dokumento. Sa naturang sistema, 8% hanggang 20% ang awtomatikong mababawas sa bawat padala gamit ang GCash.

Para kay Alexandrea Pacalda, kabataang organisador at human rights defender na apat na taon nang nakakulong, paraan lang ito ng Bureau of Corrections at pamunuan ng CIW para gatasan ang pamilya ng mga PDL.

Sabi pa niya, katawan lang ang nakakulong sa kanila at hindi ang kanilang utak at prinsipyo laban sa mapaniil na sistema.

Sa loob ng kani-kanilang siksikang dormitoryo, sinisikap ng mga bilanggong politikal na nakakapanuod pa rin sila ng balita sa telebisyon. Nagsusulat din sila ng mga tula hinggil sa kanilang kalagayan at mahahalagang isyung panlipunan. Paminsan-minsan, kolektibong kumakanta rin sila ng mga awiting protesta.

“Mahalaga ang kulturang gawain sa pagpapalaya ng bayan,” ani Pacalda.

Samantala, dinala naman ni dating Sen. Leila de Lima ang kalagayan at hinaing ng mga babaeng bilanggong politikal sa isang side event ng ika-55 sesyon ng United Nations Human Rights Council nitong Mar. 27.

Inilahad ng dating mambabatas na lalong dumami ang bilang ng mga aktibistang nare-red-tag at nakukulong simula nang maipatupad ang Anti-Terrorism Act of 2020 at Executive Order No. 70 na nagbuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

“Hindi kailangan ang NTF-Elcac,” saad pa niya.

Ayon sa Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensiyon at Aresto (Selda), tila nauulit ang malagim na Martial Law dahil sa nabanggit na mga batas. Ginagaya umano ng batang Marcos ang ama nito pagdating sa ilegal na pagdukot at pagpapakulong sa mga aktibista, habang patuloy sa pagpapayaman at pagpapabango ng pangalan ng kanilang pamilya.

Matatandaang nabuo ang Selda noong 1984, huling yugto ng Martial Law. Itinatag ito ng mga aktibistang tinortyur at kinulong ng diktador. Dumami naman ang naging miyembro nito matapos ang Pag-aalsang EDSA kung saan naglabas ng kautusan si dating Pangulong Corazon Aquino na palayain ang mga bilanggong politikal.

Pero paglilinaw ng Selda, hindi dahil kay Aquino o sa kanyang utos kung bakit nakalaya ang mga bilanggong politikal. Walang duda, anila, ang sama-samang pagkilos ng sambayanan ang nagpalaya sa daan-daang bilanggong politikal noon.

Tiwala rin ang grupo na tulad noon, makakalaya rin ang mga bilanggong politikal ngayon. Darating umano ang panahon na makakasama muli nina Abarratigue, Coseñas, Lagtapon, Pacalda, at iba pa ang kani-kanilang pamilya sa mahahalang yugto ng buhay—kaarawan, pagtatapos, pagbuo ng pamilya at paglaya ng bayan.

Read more

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Sa kabila ng makatuwirang mga panukala ng mga manggagawa, nagmatigas ang management ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang posisyon kaya nauwi sa deadlock o hindi pag-abot sa isang katanggap-tanggap na kasunduan ang collective...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This