FIRST PERSON: Dalaw sa Tacloban City Jail
August 30, 2024

Mainit ang Tacloban sa Agosto ngayong taon. Malagkit ang hangin at mahapdi sa balat ang titig ng araw. Sa mga panahong ito, mas mainam na sumilong, manahimik, at uminom ng palamig. Pero ako, maglalakad sa initan para dumalaw sa mga kaibigan kong political detainee.

Ang petsa ay August 17, 2024, Sabado. Nabanggit sa akin ni Kyle, kapatid ni Marielle ‘Maye’ Domequil, na may family day na salo-salo sa loob ng Tacloban City Jail Female Dormitory. Inimbitahan ako bilang kaibigan ng pamilya.

Si Ate Maye ay bahagi ng Rural Missionaries of the Philippines. Isa siya sa tinaguriang Tacloban 5, ang limang mga progresibong ikinulong at sinampahan ng mga inimbentong kaso noong February 7, 2020. Apat na taon na ang lumipas at hindi pa rin sila lumalaya. 

Kasama niya sa loob ng piitan si Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist na bahagi rin ng Tacloban 5. Magkasama sila sa nirirentahang staff house nang inaresto ng kapulisan.

Malapit ako sa dalawa dahil nakilala at nakatrabaho ko sila noong estudyante pa ‘ko sa UP Tacloban. Kami ni Ate Frenchie, parehong galing sa campus publication, ang UP Vista. Minabuti ko nang sumama sa dalaw sa loob ng jail. Ang hirap kasing dumalaw do’n kung ibang araw; ang daming butas na kailangang pasukin. Biruin mo ‘yon, hindi na nga dapat nakakulong, ang hirap pang dalawin.

Bandang 1:30 nang hapon, dumating ako sa Tacloban City Jail. Nauna ako kina Kyle–bumili pa kasi sila ng pagkain kasama ang ama at isa pang kapatid. Nadatnan ko ang jail warden ng kulungan, nagpalitan ng ngiti at kamustahan. Sinabihan akong nakita niya raw ako kahapon sa video sa social media. Ang tinutukoy niya, yung binuwag na protestang ginawa sa Tacloban City noong August 16. Bilang midya, ako ang nagkober ng protesta. Magkakilala kami ni warden noong 2020 pa, sa kalagitnaan ng community quarantine. Taga-dala kasi ako ng grocery para sa mga kaibigang nakakulong kaya’t madalas makita at makausap saglit ang warden.

Bago makapasok, hiningan muna ako ng ID at isinailalim sa strip search. May waiver na pinapirmahan, ipinasok ako sa isang silid, mabilisang ibinaba ang pantalon at sapatos at lumabas. Inilipad ko muna ang aking ulirat sa ibang dako habang sumailalim doon. Pagkalabas ko ng silid, nadatnan ko na ang pamilyang Domequil. Sabay-sabay kaming pumasok sa bakal na gate ng city jail.

Bumungad sa amin ang naka-dilaw na Persons Deprived of Liberty (PDL), ang ibang mga dalaw, at ang nakasabit na tarpaulin na may katagang ‘Buwan ng Wika.’ May event pala sa kulungan, isang balagtasan. Sina Ate Frenchie at Ate Maye ang mga nagsilbing tagapagpadaloy ng programa. Ganitong kaaktibo ang dalawa kahit nasa loob ng kulungan. Binati kami ng dalawa at niyakap. Ang tangkad ko pa rin daw, sabi ng dalawa. Hindi na nga rin naman sila tumangkad; noon at ngayon, ‘di pa rin sila umabot sa balikat ko.

Hindi raw pala nakapunta ang pamilya ni Ate Frenchie, banggit niya. May kalayuan kasi ang bayan nila mula Tacloban. Sa araw na iyon, kami-kami muna. Kinuha akong hurado ng dalawa sa patimpalak, sa mungkahi na rin ni warden. Payag naman ako, masayang makilahok sa programang binuo ng dalawa at ng kababaihan sa loob ng kulungan. 

Nagsalo-salo kami pagkatapos ng balagtasan. Nakapagkamustahan nang mas maayos. Tinanong ko kung kumusta ang takbo ng mga hearing sa mga kaso nilang illegal possession of firearms and explosives at financing terrorism. Malapit na raw matapos ang pagsalang ng mga testigo para sa kanila. Baka nga raw sa Setyembre o Oktubre, maglabas na ng promulgation ang huwes. Nabanggit din nilang may bigay silang cupcakes, brownies, at butterscotch bilang pasasalamat sa mga student council at publication ng UP na nag-protesta bitbit ang panawagang ibasura ang kaso sa Tacloban 5. Naiyak daw sila nang makita ang video ng protesta at dispersal. Nagpasalamat ang dalawa at pinayuhan akong mag-ingat lagi.

Sa gitna ng usapan, may kantahan din. Hindi ko napigilan sarili ko, isang ala-ala kasing tumatak sa akin ay ang isang beses na nakapag-karaoke kami nila Ate Frenchie at Ate Maye ilang linggo bago nangyari ang pag-aresto. Naalala ko pa ang kinanta ni Ate Maye noon: Thinking of You ni Katy Perry.  Bumalik ako sa panahong iyon. Masaya at puno ng sigasig para sa mga planong gagawin, laluna para sa campus press kung saan ako kabilang. 

Naputol ang kasiyahan ng tumunog ang buzzer. “Naku, makikita niyo yung headcount namin,” sabi ni Ate Maye. Sa maliit na espasyo ng dormitoryo, humanay ang 30 babaeng detenido. Bumati ng magandang hapon sa mga panauhin sa paraang maihahalintulad sa pagbati ng mga estudyante sa elementarya sa mga panauhing papasok sa kanilang silid-aralan. Nagsimula ang bilangan nila.

Isa… sabay talungkô.

Dalawa… sabay talungkô.

Tatlo… sabay talungkô…

Pang-16 si Ate Maye. Hindi ko na naatim na tanungin si Ate Frenchie kung anong bilang niya. Sa kanan ko, narinig kong binanggit ni Irish, “That’s f–ked up.” 

Higit apat na taon nang ginawaga ito nila Ate Frenchie at Ate Maye. Dalawang beses sa isang araw pa nga ayon sa schedule nilang nakapaskil sa pader. Nang matapos na ang oras ng dalaw, humagulgol si Irish. Unang beses niya palang makadalaw sa ate niya sa loob ng halos 8 buwan. Paspasan ang habiling mag-ingat at ang pagbibigay ng pasasalamat habang papalabas ng kulungan. Babalik na naman kami sa mga buhay namin, habang ang dalawa ay mananatili sa loob at maghihintay ng paglaya.

Kinabukasan, Agosto 18, bumisita naman ako kay Alexander Abinguna na mas kilala ng madla bilang Chakoy. Isa rin siya sa Tacloban 5. May family day din sa kanila kaya maraming tao. Walang ginawang strip search, bukod sa pagtatanggal ng sapatos. Matanong nga lang ang gwardyang kumapkap sa akin. Tinanong kung taga-saan ako, saan ako nag-aaral, ano ang pinag-aaralan ko.

Bitbit ko sa loob ang sulfur soap na pinabili sa akin ni Ate Frenchie para sa rashes ni Kuya Chakoy. Mas malaki ang espasyo ng presinto ng kalalakihan. Sa katunayan, ang itsura doon sa loob ay parang covered court ng barangay. Sa araw na ‘yun, may live band na tumutugtog nang pagkalas-lakas kaya nagkahirapan kaming magkarinigan ni Kuya Chakoy. Agad naming napag-usapan ang bagong kasong inihain na naman sa kanya: dalawang kaso ng murder at isang kaso ng attempted murder. Nangyari raw ang krimen noong Oktubre ng 2019 sa bayan ng Palapag sa Northern Samar. Noong mga panahong iyon, isa nang human rights worker si Kuya Chakoy sa ilalim ng Katungod (Karapatan) Eastern Visayas. 

Nakwento rin niyang may political prisoner na pinasok sa Tacloban City Jail, Elpidio Romanca ang pangalan. Pamilyar ang pangalan sa akin kaya pagkatapos ng bisita, agad kong hinanap sa internet. Kilala ko nga siya. Nagkatagpo ang landas namin nang minsa’y napasama ako kay Kuya Chakoy at Ate Maye sa Basey, Samar para rumesponde sa nagbakwit na komunidad. Isang buong sitio ang lumisan sa kanilang lupain dahil may ikinulong na kasamahan nila. Tinaniman daw ng baril at bomba ang bahay. Doon, nakausap ko si Elpidio Romanca. Sabi ni Kuya Chakoy, baka raw pwedeng pasabi sa mga abogado nila para matulungan. Apat na taon pagkatapos niyang ipakulong, may diwang human rights worker pa rin si Kuya Chakoy.

Nang kinagabihan, bumiyahe na ako pabalik ng Maynila.

Masalimuot ang damdamin ko, parang ipo-ipo ng galit, lungkot, at saya. Galit dahil sa nangyari sa Tacloban 5. Lungkot para sa mga kaibigan ko. At saya dahil kahit papaano, sa kabila ng tagal ng pagkakakulong at gawa-gawang kaso laban kay Ate Frenchie, Ate Maye, at Kuya Chakoy, buhay ang diwa nilang lumaban. Nananatili ang palabiro, mapangutya, at masigasig na disposisyon—at higit sa lahat, ang pag-asang lalaya sila isang araw.

Read more

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Sa kabila ng makatuwirang mga panukala ng mga manggagawa, nagmatigas ang management ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang posisyon kaya nauwi sa deadlock o hindi pag-abot sa isang katanggap-tanggap na kasunduan ang collective...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This