Pang-aangkin sa teritoryo at disimpormasyong pakana ng China
April 7, 2024

Ni JHON ALMARK DELA CRUZ at HANNAH KRISTINE JUAN
Pinoy Weekly

Tuloy pa rin ang agresibong pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Muli na namang binomba ng mga water cannon mula China Coast Guard (CCG) ang Pilipinong barkong Unaizah May 4 sa Ayungin Shoal noong Mar. 23.

Nagtamo ng sugat ang ilang pasahero ng napinsalang barko sa humigit-kumulang isang oras na pagbugso ng mga water hose ng CCG. Ikalawang beses na ang pag-atakeng ito ng CCG sa naturang barko noong buwan ng Marso.

“Tama na, Lord,” usal na lang ng isang walang magawang pasahero habang sila’y walang habas na binibira ng tubig sa isang eksklusibong video mula sa GMA Integrated News.

Pagharang ng Chinese Coast Guard sa resupply mission sa Ayungin Shoal noong Mar. 23. Philippine Coast Guard

Binomba rin ng tubig ang nasabing barko na may lamang pang-sundalong suplay at sinadya itong banggain noong Mar. 5.

Klarong abuso na ang ginawa ngunit nagawa pa ring depensahan ng China ang nasabing karahasan.

Ayon kay Gan Yu, tagapagsalita ng CCG, nanghihimasok daw ang Pilipinas sa kanilang teritoryo at makatwiran, legal at propesyonal daw ang kanilang ginawa.

Pagbabanta ng Beijing

Bungad pa lamang ng taon, nagpakita na ng mas maigting na agresyon ang China sa pag-agaw ng WPS sa bansa.

Nasaksihang nagpadala ang Beijing ng 27 barko para sa major maritime militia rotation na agad naiulat ng isang American maritime security expert noong Ene. 21. 

Bukod dito, namataan din ang 200 militia ships, 10 hanggang 15 warships at 10 hanggang 15 coast guard ships na umaaligid sa Panganiban Reef.

Taliwas sa napagkasunduang pagbawas ng tensiyon sa pamamagitan ng diplomasya ang aksiyon ngayon ng China matapos ang “gentleman’s agreement” na pinagkasunduan noon ng China at ng administrasyong ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Disimpormasyon ng China

Ngunit hindi lang sa barko ng Pilipinas natatapos ang pag-atake ng China. Nagpapakalat dito sila ng disimpormasyon sa WPS. 

Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), kinakasangkapan din ng China ang ilang grupo sa Pilipinas para tuwirang ipakalat ang mga naratibong maka-China sa social media.

At may posibilidad na paniwalaan ito ng maraming Pilipino kung hindi ito maitatama agad, dagdag pa ng PCIJ.

Nalalapit na sagupaan sa pagitan ng China at Pilipinas, paglalim ng security activities ng Pilipinas at United States (US) na nagdulot ng mas grabeng agresyon ng China, at manipulasyon ng US sa lahat ng aksiyon ng Pilipinas ang ilan lamang sa madalas na tema ng disimpormasyon ng China, ayon kay Philippine Information Agency (PIA) director general Undersecretary Jose Torres Jr.

Dagdag pa niya, pinaiigting pa lalo ng China ang ganitong uri ng opensiba dahil bukod sa mga troll mula China, nagbabayad din umano sila ng mga Pilipino upang magpakalat pa ng maling impormasyon.

Pinaimbestigahan kamakailan ni Sen. Jinggoy Estrada ang disinformation campaign na pinondohan ng China para sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

Malilihis ang atensiyon ng publiko sa mga agresibong aksiyon ng China at maitutuon na lang sa umano’y militarisasyon ng Vietnam sa WPS, iyan ang isa sa pangunahing mithiin ng disinformation campaign, ani ni Estrada.

Berbal ding inaatake ang mga Pilipinong mamamahayag na sumasama sa mga resupply mission. Ibinaling pa sa kanila ang sisi sa pagpapakalat ng maling impormasyon at sinabihan pang tagadala lamang ng gulo.

“They had many journalists on board, and had them manipulate the videos they recorded to make sensational news and project the Philippines as a victim,” ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Hua Chunying.

Hindi naman ito pinalagpas ng ilang samahan sa peryodismo ng bansa.

Walang basehan at pawang kasinungalingan ang mga paratang na ito, ayon sa pahayag ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (Focap).

Naglabas din ng saloobin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa kanilang pahayag na sila’y nainsulto at nasaktan sa ganitong pang-aakusa ng China.

Mariin ding kinondena ng Defense Press Corps of the Philippines (DPC) ang akusasyon ng China.

“The journalists who join these missions, risk their lives in the face of unwanted aggression to bring the unvarnished truth to light. It is unfortunate some would still call the work of these independent Filipino journalists as manipulated sensationalism. We reject and condemn this false accusation,” anila.

Mangingisdang walang huli

Sa patuloy na pag-angkin at pangingikil ng China sa yamang dagat ng WPS, lubhang naaapektuhan ang kabuhayan ng ating mga kababayang mangingisda.

Itinuturing na pangunahing pangkabuhayan ng maraming pamilya ang pamamalaot sa WPS na tradisyonal na lugar pangisdaan ng mga mangingisda sa ilang lalawigan na nakaharap sa pinag-aagawang dagat, tulad ng Palawan, Pangasinan at Zambales.

Hinaing ng mahigit 600 mangingisda sa Palawan, apektado ang kanilang pangingisda dahil sa paulit-ulit na pagtataboy sa kanila ng mga sasakyang pandagat ng China.

Labis na pasakit ang naging epekto sa pamumuhay ng ilang mangingisda sa ginagawang pangha-harass ng China.

Sandy Cay sa Kalayaan, Palawan. Philippine Coast Guard

Maraming ipinangako ang gobyerno na solusyon kagaya ng pagpapalawig ng government assistance at livelihood training program para sa mga mangingisda dahil sa paghina ng pang araw-araw nilang kita.

Ngunit wala sa mga pangakong ito ang natupad hanggang sa kasalukuyan.

Kamakailan lang, hinabol ng CCG ang ilang mangingisda sa Bajo de Masinloc at sapilitang pinigilan mangolekta ng seashells ang mga mangingisdang Pinoy.

Bagaman nagsagawa ng imbestigasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pangunguna ni Commodore Jay Tarriela sa nangyaring insidente, nanatili pa ring tikom ang bibig ng mga opisyal tungkol sa panunupil na nararanasan ng mga mangingisda sa kamay ng China.

Silong sa saya

Sa gitna ng tensiyon, patuloy ang pagsangguni ng administrasyong Marcos Jr. sa pangakong pagsuporta ng US.

Taliwas sa tahakin noong panahon ni Duterte, suportado ng kasalukuyang administrasyon ang mga ehersisyong militar ng US sa Pilipinas.

Noong Pebrero, inilunsad ang ikatlong military exercise ng Pilipino at Amerikanong sundalo sa WPS. Layunin umano ng naturang joint exercise na higpitan ang seguridad at palakasin ang puwersa ng militar laban sa China.

Ipinagtibay rin ni US President Joe Biden ang suporta nito sa Pilipinas ukol sa pagkondena ng bansa sa mga agresibong aksiyon ng China tungkol sa WPS.

“We unequivocally support the Philippines and condemn the unlawful actions by the Chinese Coast Guard in the South China Sea,” ani Biden.

Ngunit nagbabala si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas sa panganib na dala ng Balikatan exercises at iba pang war games ng US.

“Balikatan 2024 is a dangerous and unnecessary flex that serves only Washington’s goal to deploy more of its military assets in the West Philippine Sea and other parts of the country,” sabi ni Brosas.

Iginiit din ni Brosas na nagiging “playground for war” ang bansa dahil sa patuloy nitong pagiging testing ground at battle ground ng Pilipinas sa kamay ng US. 

Dagdag pa ng mambabatas, inilalapit ang mga Pilipino sa papalapit na banta ng digmaan ang patuloy na pagtatag ng military training sa pagitan ng Pilipinas at US.

Read more

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

CBA sa Nexperia, nauwi sa deadlock

Ni JULIANE BERNADINE DAMASPinoy Weekly Sa kabila ng makatuwirang mga panukala ng mga manggagawa, nagmatigas ang management ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang posisyon kaya nauwi sa deadlock o hindi pag-abot sa isang katanggap-tanggap na kasunduan ang collective...

Want to stay updated?

Pin It on Pinterest

Share This